Matuto Mula sa Salita ng Diyos
Bakit Dapat Matuto Mula sa Diyos?
Tinatalakay ng artikulong ito ang mga tanong na maaaring naiisip mo at ipinakikita kung saan sa iyong Bibliya matatagpuan ang sagot. Nais ng mga Saksi ni Jehova na ipakipag-usap sa iyo ang mga sagot na ito.
1. Bakit dapat matuto mula sa Diyos?
May mabuting balita ang Diyos para sa mga tao. Sinasabi niya ito sa atin sa Bibliya. Ang Bibliya ay parang isang sulat mula sa ating maibiging Ama sa langit.—Basahin ang Jeremias 29:11.
2. Ano ang mabuting balita?
Kailangan ng tao ang isang mahusay na gobyerno. Walang pinunong tao ang kailanma’y nakapag-alis ng karahasan, kawalang-katarungan, sakit, o kamatayan. Ngunit may mabuting balita. Bibigyan ng Diyos ang mga tao ng isang mahusay na gobyerno na papawi sa lahat ng sanhi ng pagdurusa.—Basahin ang Daniel 2:44.
3. Bakit napakahalagang matuto mula sa Diyos?
Malapit nang alisin ng Diyos ang mga taong nagdudulot ng pagdurusa. Samantala, tinuturuan niya ang milyun-milyong maaamo kung paano magkakaroon ng mas magandang buhay at magpapakita ng pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa. Mula sa Salita ng Diyos, natututuhan ng mga tao kung paano haharapin ang mga problema, kung paano magiging tunay na maligaya, at kung paano mapasasaya ang Diyos.—Basahin ang Zefanias 2:3.
4. Sino ang Awtor ng Bibliya?
Ang Bibliya ay binubuo ng 66 na maliliit na aklat. Mga 40 lalaki ang sumulat nito. Ang unang limang aklat ay isinulat ni Moises mga 3,500 taon na ang nakalipas. Ang huling aklat naman ay isinulat ni apostol Juan mahigit 1,900 taon na ang nakalipas. Pero kaisipan ng Diyos ang isinulat ng mga manunulat ng Bibliya, hindi ang sa kanila. Kaya ang Diyos ang Awtor ng Bibliya.—Basahin ang 2 Timoteo 3:16; 2 Pedro 1:21.
Alam natin na ang Bibliya ay mula sa Diyos dahil may-katumpakan at detalyado nitong inihuhula ang hinaharap. Hindi iyan magagawa ng sinumang tao. (Isaias 46:9, 10) Ipinakikita rin sa atin ng Bibliya ang mga katangian ng Diyos. Kaya nitong baguhin ang buhay ng mga tao. Dahil dito, kumbinsido ang milyun-milyon na ang Bibliya ay Salita ng Diyos.—Basahin ang Josue 23:14; 1 Tesalonica 2:13.
5. Paano mo mauunawaan ang Bibliya?
Nakilala si Jesus bilang guro ng Salita ng Diyos. Bagaman pamilyar sa Kasulatan ang karamihan ng mga taong nakausap niya, kinailangan nila ng tulong para maunawaan ito. Kaya naman bumanggit si Jesus ng mga teksto sa Bibliya at saka ipinaliwanag “ang kahulugan ng Kasulatan.” Sa seksiyong ito na “Matuto Mula sa Salita ng Diyos,” gagamitin din ang pamamaraang iyan para tulungan ka.—Basahin ang Lucas 24:27, 45.
Wala nang hihigit pa sa pagkatuto mula sa Diyos tungkol sa layunin ng buhay. Ngunit hindi lahat ay matutuwa sa pagbabasa mo ng Bibliya. Pero huwag kang masiraan ng loob. Ang iyong pag-asa na magkaroon ng buhay na walang hanggan ay nakadepende sa pagkilala mo sa Diyos.—Basahin ang Mateo 5:10-12; Juan 17:3.
Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 2 ng aklat na ito, Ano ba Talaga ang Itinututo ng Bibliya?, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.