Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Talaga Bang Mahal Ka ng Diyos?

Talaga Bang Mahal Ka ng Diyos?

Talaga Bang Mahal Ka ng Diyos?

KUNG minsan ba ay nadarama mong walang nagmamahal sa iyo? Sa daigdig na ito kung saan ang mga tao ay makasarili at napakaabala, baka isipin mong wala kang halaga. Gaya ng inilalarawan sa Bibliya, marami sa ngayon ang walang iniintindi kundi ang kanilang sarili, at wala silang pakialam sa iba.​—2 Timoteo 3:1, 2.

Anuman ang kanilang edad, kultura, wika, o lahi, lahat ng tao ay may masidhing pangangailangang magmahal at mahalin. Ayon sa ilang ulat, ang ating nervous system ay dinisenyo para makadama ng pagmamahal. Higit kaninuman, nauunawaan ng Diyos na Jehova, na siyang lumalang sa atin, ang ating pangangailangang mahalin at pahalagahan. Ano kaya ang madarama mo kung sabihin niya sa iyo na mahalaga ka sa kaniya? Tiyak na walang pagsidlan ang iyong kagalakan. Talaga bang interesado sa atin si Jehova kahit hindi tayo sakdal o perpekto? Nagmamalasakit kaya siya sa bawat isa sa atin? Kung gayon, paano magiging kalugud-lugod sa kaniya ang isang tao?

Mahal Ka ni Jehova

Mga 3,000 taon na ang nakalipas, isang mang-aawit na may takot sa Diyos ang namangha nang husto noong mapagmasdan niya ang kagandahan ng mabituing langit. Kumbinsido siyang walang limitasyon ang kapangyarihan ng Isa na lumalang sa di-mabilang na mga bituin. Sa pagbubulay-bulay sa kadakilaan ni Jehova at sa pagiging hamak ng tao, ipinahayag niya ang kaniyang paghanga sa maibiging pagmamalasakit ni Jehova: “Kapag tinitingnan ko ang iyong langit, ang mga gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inihanda, ano ang taong mortal anupat iniingatan mo siya sa isipan, at ang anak ng makalupang tao anupat pinangangalagaan mo siya?” (Awit 8:3, 4) Kaya baka masabi natin na napakalayo at napakaabala ng Kataas-taasan para bigyang-pansin ang tao. Pero alam ng mang-aawit na sa kabila ng ating kawalang-halaga at maikling buhay, talagang mahalaga tayo sa Diyos.

Ganito ang sinabi ng isa pang mang-aawit: “Si Jehova ay nakasusumpong ng kaluguran sa mga may takot sa kaniya, sa mga naghihintay sa kaniyang maibiging-kabaitan.” (Awit 147:11) Napakasarap isipin ang pananalita ng mga awit na ito. Totoo, napakataas ni Jehova. Pero hindi lamang niya napapansin ang mga tao, kundi ‘pinangangalagaan din niya sila’ at ‘nakasusumpong siya ng kaluguran sa kanila.’

Idiniriin pa ito ng isang hula sa Bibliya na naglalarawan ng mga nagaganap sa ating panahon. Sa pamamagitan ni propeta Hagai, sinabi ni Jehova na ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay isasagawa sa buong daigdig. Ano ang magiging resulta? Pansinin ang isa sa mga ito: “Ang mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa ay darating; at pupunuin ko ng kaluwalhatian ang bahay na ito.”​—Hagai 2:7.

Ano ang “mga kanais-nais na bagay” na ito na tinitipon mula sa lahat ng mga bansa? Hindi ito mga kayamanan, yamang hindi pilak at ginto ang tunay na nagpapasaya sa puso ni Jehova. (Hagai 2:8) Ang mga taong sumasamba sa kaniya dahil sa pag-ibig, kahit hindi sila perpekto, ang kinalulugdan niya. (Kawikaan 27:11) Sila ang “mga kanais-nais na bagay” na nagdudulot sa kaniya ng kaluwalhatian. Pinahahalagahan niya ang kanilang buong-pusong debosyon at masigasig na paglilingkod. Isa ka ba sa kanila?

Para yatang imposibleng maging kanais-nais sa Dakilang Maylalang ng uniberso ang di-perpektong mga tao. Pero ang totoo, dapat itong magpakilos sa atin na tanggapin ang mainit niyang paanyaya na maging malapít sa kaniya.​—Isaias 55:6; Santiago 4:8.

“Ikaw ay Lubhang Kalugud-lugod”

Isang gabi, nang matanda na ang propetang si Daniel, may di-pangkaraniwang bagay na nangyari sa kaniya. Habang nananalangin siya, dumating ang isang kagalang-galang na bisita, si Gabriel. Kilala na siya ni Daniel bilang anghel ni Jehova. Ipinaliwanag ni Gabriel ang dahilan ng bigla niyang pagdating: “O Daniel, ngayon ay lumabas ako upang pagkalooban ka ng kaunawaan na may pagkaunawa . . . sapagkat ikaw ay lubhang kalugud-lugod.”​—Daniel 9:21-23.

Sa isa pang pagkakataon, sinabi ng isa sa mga anghel ni Jehova kay Daniel: “O Daniel, ikaw na lubhang kalugud-lugod na lalaki.” At upang patibayin si Daniel, sinabi ng anghel: “Huwag kang matakot, O lubhang kalugud-lugod na lalaki. Sumaiyo nawa ang kapayapaan.” (Daniel 10:11, 19) Kaya tatlong beses na inilarawan si Daniel bilang “lubhang kalugud-lugod,” na nangangahulugan ding “lubhang minamahal,” “lubhang pinahahalagahan,” o “paborito” pa nga.

Tiyak na naging malapít si Daniel sa kaniyang Diyos at alam niya na natutuwa si Jehova sa kaniyang tapat na paglilingkod. Siguradong napalakas si Daniel sa mga kapahayagang iyon ng matinding pagmamahal ng Diyos. Hindi nga kataka-taka, sinabi ni Daniel: “Pinalakas mo ako.”​—Daniel 10:19.

Ang nakaaantig na ulat tungkol sa pagmamahal ni Jehova sa kaniyang tapat na propeta ay isinulat sa Salita ng Diyos para sa ating kapakinabangan. (Roma 15:4) Kung bubulay-bulayin natin ang halimbawa ni Daniel, mauunawaan natin kung paano magiging kalugud-lugod sa ating maibiging Ama sa langit ang isang tao.

Laging Pag-aralan ang Salita ng Diyos

Si Daniel ay masikap na estudyante ng Kasulatan. Alam natin ito sapagkat isinulat niya: “Napag-unawa ko . . . sa pamamagitan ng mga aklat ang bilang ng mga taon . . . na magaganap ang mga pagkawasak ng Jerusalem.” (Daniel 9:2) Maaaring kabilang sa mga aklat na nabasa niya noong panahong iyon ang mga isinulat nina Moises, David, Solomon, Isaias, Jeremias, Ezekiel, at ng iba pang propeta. Makikini-kinita natin si Daniel na napaliligiran ng maraming balumbon, at buhós na buhós sa pagbabasa at pag-aaral ng mga hulang may kaugnayan sa pagsasauli ng tunay na pagsamba sa Jerusalem. Malamang, habang nasa kaniyang silid sa bubungan kung saan walang istorbo, binubulay-bulay niya ang kahulugan ng mga tekstong iyon. Dahil sa kaniyang makabuluhang pag-aaral, napatibay ang kaniyang pananampalataya at napalapít siya kay Jehova.

Hinubog din ng pag-aaral ng Salita ng Diyos ang personalidad ni Daniel at nakaapekto ito sa kaniyang buong buhay. Ang itinuro sa kaniya mula sa Kasulatan noong bata pa siya ay tiyak na tumulong sa kaniya na maging determinadong sumunod sa mga Kautusan ng Diyos tungkol sa pagkain noong kabataan niya. (Daniel 1:8) Nang maglaon, walang-takot niyang ipinahayag ang mensahe ng Diyos sa mga pinuno ng Babilonya. (Kawikaan 29:25; Daniel 4:19-25; 5:22-28) Kilalang-kilala siya sa kaniyang kasipagan, katapatan, at pagiging mapagkakatiwalaan. (Daniel 6:4) Higit sa lahat, sa halip na sumuway sa Diyos upang iligtas ang kaniya mismong buhay, lubusang nagtiwala si Daniel kay Jehova. (Kawikaan 3:5, 6; Daniel 6:23) Hindi nga kataka-taka na siya ay “lubhang kalugud-lugod” sa Diyos!

Sa ilang paraan, mas madali para sa atin ngayon ang mag-aral ng Bibliya kaysa noong panahon ni Daniel. Ang malalaking balumbon ay napalitan na ng mga aklat. Mayroon na tayo ngayong kumpletong Bibliya, kasama na ang rekord kung paano natupad ang ilang hula ni Daniel. At marami tayong magagamit na mga pantulong sa pag-aaral at pagsasaliksik sa Bibliya. * Ginagamit mo ba ang mga ito? Nag-iiskedyul ka ba ng panahon sa pagbabasa ng Bibliya at pagbubulay-bulay? Kung gagawin mo ito, makikinabang ka rin na gaya ni Daniel. Tutulong ito sa iyo na magkaroon ng matibay na pananampalataya at malapít na kaugnayan kay Jehova. Ang Salita ng Diyos ay magiging gabay sa iyong buhay. Tinitiyak nito na mahal ka ng Diyos.

Magmatiyaga sa Panalangin

Mahalaga sa buhay ni Daniel ang panalangin. Bumigkas siya ng mga kahilingang katanggap-tanggap sa Diyos. Noong siya’y kabataan pa, nanganib ang kaniyang buhay. Kasi papatayin siya kung hindi niya mabibigyan ng kahulugan ang panaginip ng hari ng Babilonya na si Nabucodonosor. Hindi nagdalawang-isip si Daniel na manalangin kay Jehova para suportahan siya at proteksiyunan. (Daniel 2:17, 18) Makalipas ang mga taon, mapagpakumbabang kinilala ng propeta ang kaniyang di-kasakdalan. Ipinagtapat niya ang kaniyang kasalanan pati na ang kasalanan ng kaniyang bayan at nagsumamo na patawarin sila ni Jehova. (Daniel 9:3-6, 20) Kapag hindi nauunawaan ni Daniel ang mga bagay na ipinakikita sa kaniya sa pamamagitan ng banal na espiritu, humihingi siya ng tulong sa Diyos. Minsan, ang anghel na nagbigay ng higit na kaunawaan kay Daniel ay nagsabi: “Dininig na ang iyong mga salita.”​—Daniel 10:12.

Pero ang tapat na si Daniel ay hindi lamang nakiusap sa Diyos. Ganito ang sinasabi ng Daniel 6:10: “Tatlong ulit nga sa isang araw ay . . . nananalangin at naghahandog [siya] ng papuri sa harap ng kaniyang Diyos, gaya ng lagi niyang ginagawa.” Maraming dahilan si Daniel para laging magpasalamat at pumuri kay Jehova. Oo, ang panalangin ay mahalagang bahagi ng kaniyang pagsamba. Sa katunayan, hindi niya ito inihinto kahit manganib pa ang kaniyang buhay. Tiyak, napamahal siya kay Jehova dahil sa kaniyang katatagan.

Isa ngang napakagandang regalo ang pribilehiyo ng panalangin! Huwag mong palipasin ang isang araw nang hindi nakikipag-usap sa iyong Ama sa langit. Lagi siyang pasalamatan at purihin sa lahat ng kaniyang kabutihan. Malayang sabihin sa kaniya ang iyong mga kabalisahan at mga problema. Isipin kung paano sinagot ang iyong mga kahilingan o panalangin, at saka magpasalamat. Huwag magmadali sa pananalangin. Kapag ibinubuhos natin kay Jehova ang nilalaman ng ating puso, damang-dama natin ang kaniyang pag-ibig. Sulit nga na ‘magmatiyaga sa pananalangin’!​—Roma 12:12.

Luwalhatiin ang Pangalan ni Jehova

Walang mabubuong pagkakaibigan kung ang isa ay makasarili. Totoo rin ito kung tungkol sa ating kaugnayan kay Jehova. Alam ito ni Daniel. Lagi niyang iniisip kung paano luluwalhatiin ang pangalan ni Jehova. Tingnan natin ang mga halimbawa.

Nang sagutin ng Diyos ang panalangin ni Daniel at sabihin ang kahulugan ng panaginip ni Nabucodonosor, sinabi ni Daniel: “Pagpalain nawa ang pangalan ng Diyos mula sa panahong walang takda at maging hanggang sa panahong walang takda, dahil sa karunungan at kalakasan​—sapagkat ang mga iyon ay sa kaniya.” Nang ipaliwanag niya kay Nabucodonosor ang panaginip at ang kahulugan nito, paulit-ulit na pinapurihan ni Daniel si Jehova, na idiniriin na Siya lamang ang “Tagapagsiwalat ng mga lihim.” Gayundin, nang humingi si Daniel ng kapatawaran at kaligtasan, nanalangin siya: “O Diyos ko, . . . ang iyong sariling pangalan ay itinatawag sa iyong lunsod at sa iyong bayan.”​—Daniel 2:20, 28; 9:19.

Marami tayong pagkakataong tularan si Daniel. Kapag nananalangin, maaari nating sabihin na ‘pakabanalin nawa ang pangalan’ ng Diyos. (Mateo 6:9, 10) Hinding-hindi tayo gagawa ng anumang bagay na sisira sa banal na pangalan ni Jehova. Sa kabilang banda, lagi nawa nating luwalhatiin si Jehova sa pamamagitan ng pagsasabi sa iba ng natututuhan natin tungkol sa mabuting balita ng kaniyang Kaharian.

Totoo, salat sa pag-ibig at pagmamalasakit ang daigdig. Pero makasusumpong tayo ng malaking kaaliwan sa pagkaalam na talagang minamahal ni Jehova ang bawat sumasamba sa kaniya. Gaya ng sinabi ng mang-aawit: “Si Jehova ay nalulugod sa kaniyang bayan. Pinagaganda niya ng kaligtasan ang maaamo.”​—Awit 149:4.

[Talababa]

^ par. 18 Ang mga Saksi ni Jehova ay naglalathala ng maraming pantulong para maging mas kapaki-pakinabang ang pagbabasa, pag-aaral, at pagsasaliksik sa Bibliya. Kung interesado kang magkaroon nito, magtanong sa mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 21]

Ipinakita ng Diyos ang kaniyang pagmamahal kay Daniel nang isugo niya ang anghel na si Gabriel para palakasin siya

[Blurb sa pahina 23]

Dahil sa masikap na pag-aaral at pananalangin ni Daniel, nahubog ang kaniyang personalidad at napamahal siya sa Diyos