Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Ano ang paghihimalay, at sinu-sino ang nakinabang dito?

Sa Kautusang Mosaiko, pinagbabawalan ang mga magsasaka na anihin ang lahat ng produkto ng kanilang lupain. Hindi nila dapat gapasin ang lahat ng butil sa gilid ng kanilang bukid. Hindi rin dapat pulutin ng mga nag-aani ng ubas ang mga nahulog na ubas ni balikan man ang mga hindi pa hinog na bunga. Kapag nag-aani naman ng mga bunga ng punong olibo, hindi dapat kunin ang mga bunga na naiwan sa mga sanga. (Levitico 19:9, 10; Deuteronomio 24:19-21) Pagkatapos, ang mahihirap, mga ulila, babaing balo, at mga naninirahang dayuhan ay makapaghihimalay na​—o makapamumulot​—ng anumang natira sa anihan.

Lahat ng mga Israelita ay nakinabang sa kautusang ito may kinalaman sa paghihimalay. Ang may-ari ng lupain ay napasigla na maging bukas-palad, di-makasarili, at umasa sa pagpapala ng Diyos. Ang mga naghihimalay naman ay naturuang maging masipag, yamang mabigat na trabaho ang paghihimalay. (Ruth 2:2-17) Dahil sa paghihimalay, walang mahirap na nagutom o naging pabigat sa komunidad. Hindi rin nila kinailangang mamalimos o kaya’y umasa na lamang sa mga bigay.

Nang itayo ni Solomon ang templo sa Jerusalem, bakit mula pa sa Lebanon siya umangkat ng kahoy?

Sa 1 Hari 5:1-10, inilalarawan ang isang kasunduan nina Solomon at Hiram, na hari ng Tiro. Ayon sa kasunduang ito, si Hiram ay magpapadala sa Israel ng mga balsang troso ng sedro at enebro mula sa Lebanon at padaraanin ang mga iyon sa dagat. Gagamitin ang mga iyon sa pagtatayo ng templo.

Noon, ang sedro ay isang mahalagang kalakal sa Gitnang Silangan. Sa Ehipto at Mesopotamia, kadalasang ginagamit ito sa mga biga at panel ng mga templo at palasyo. Pinatutunayan ng mga akdang pampanitikan, inskripsiyon, at sinaunang mga rekord na iningatan ng mga maharlika ang patuluyang pag-aangkat ng sedro patungo sa iba’t ibang estadong-lunsod sa timugang Mesopotamia, bilang samsam sa digmaan o bilang tributo. Sa Ehipto, ginamit ito sa paggawa ng lantsa para sa mga maharlika, kabaong, at iba pang kagamitan sa paglilibing.

Ang sedro ng Lebanon ay kilalang-kilala sa tibay, ganda, at bango ng kahoy nito. Hindi rin ito pinepeste ng mga insekto. Kaya masasabing mahuhusay na materyales ang ginamit ni Solomon para sa templo. Sa ngayon, iilang maliliit na kakahuyan na lamang ang natira sa dating malawak na kagubatan ng mga sedro na bumalot sa mga kabundukan ng Lebanon.

[Larawan sa pahina 15]

Pag-aangkat ng mga sedro ng Lebanon, inukit na larawan mula sa palasyo ni Sargon

[Credit Line]

Erich Lessing/Art Resource, NY