Ang Ika-129 na Gradwasyon ng Gilead
“Araw Ninyo Ito”
NOONG Setyembre 11, 2010, halos 8,000 ang dumalo sa isang espesyal na okasyon—ang pagtatapos ng ika-129 na klase ng Watchtower Bible School of Gilead. “Araw ninyo ito,” ang sabi ni Samuel Herd ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova sa mga estudyante. “Nakikigalak kami sa inyo!”
“Taingang Nakaririnig”
Sinimulan ni Brother Herd ang programa sa pagtalakay sa pangangailangan na gamiting mabuti ng lahat ng Kristiyano ang kanilang “taingang nakaririnig” sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa Salita ng Diyos. (Kawikaan 20:12) “Sa nakalipas na ilang buwan, kayo ay nakinig na mabuti kay Jehova,” ang sabi ni Brother Herd sa klase, “at walang-hanggan ninyong gagawin iyan.”
Paano gagamiting mabuti ng mga bagong misyonero ang kanilang tainga? “Sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa Salita ng Diyos,” ang sabi ni Brother Herd. Sinabi pa niya: “Sa programa ngayon, maraming babanggitin na maghahanda sa inyo bilang misyonero sa darating na mga taon.”
“Magtiwala kay Jehova Nang Inyong Buong Puso”
Si Gerrit Lösch, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang tumalakay sa nakaaantig na paksang ito. Naglahad siya ng maraming karanasan ng mga lingkod ng Diyos, noon at ngayon, na nagpakita ng pagtitiwala kay Jehova.
Idiniin ni Brother Lösch na “ang mga misyonero ay kailangan [din] na magpakita ng pagtitiwala may kaugnayan sa kanilang atas.” “Halimbawa,” ang sabi niya, “baka isipin ninyo: ‘Matututo kaya ako ng bagong wika? Makakapag-adjust kaya ako sa bagong kultura? Madaraig ko kaya ang pagka-homesick?’” Ang sagot? Pinayuhan ni Brother Lösch ang mga estudyante na “magtiwala kay Jehova.”
Binasa rin ni Brother Lösch ang Kawikaan 14:26, na nagsasabi: “Sa pagkatakot kay Jehova ay may matibay na pagtitiwala.” Lalo tayong magtitiwala kay Jehova kung bubulay-bulayin natin ang maraming pagpapala niya sa atin.
Sinasabi ng Bibliya na ang taong nagtitiwala kay Jehova ay “tiyak na magiging gaya ng punungkahoy na nakatanim sa tabi ng tubig, na nagpapayaon ng mga ugat nito sa mismong tabi ng daanang-tubig; at hindi niya makikita kapag dumating ang init, kundi magiging mayabong nga ang kaniyang mga dahon.”—Jeremias 17:7, 8.
Maliwanag ang aral. “Anuman ang mangyari,” ang sabi ni Brother Lösch, “kailangan ninyong magtiwala kay Jehova.”
“Tularan ang Tapat na mga Anghel”
Iyan ang paksa ng pahayag ni Stephen Lett, na isa ring miyembro ng Lupong Tagapamahala. Napakahusay na halimbawa para sa atin ang mga anghel. “Lahat ng sinasabi ng Bibliya tungkol sa kanila ay magandang tularan,” ang sabi ni Brother Lett. Binanggit niya ang apat na katangian ng tapat na mga anghel na makabubuting tularan natin—ang kanilang pagbabata, kapakumbabaan, pagiging matulungin, at katapatan.
Iniuulat ng Bibliya ang tungkol sa isang anghel na nakipaglaban sa loob ng 21 araw sa ‘prinsipe ng Persia’—isang makapangyarihang demonyo. (Daniel 10:13) Kinakitaan ng pagbabata ang anghel na iyon. Ang mga Kristiyano rin ay “may pakikipagbuno . . . laban sa balakyot na mga puwersang espiritu,” ang idiniin ni Brother Lett. (Efeso 6:12) “Lumaban kayo nang husto para patuloy ninyong maisagawa ang inyong atas,” ang sabi niya sa mga estudyante.
Nang tanungin ng ama ni Samson na si Manoa kung ano ang pangalan ng isang anghel, tumanggi itong magpakilala. Ang anghel na ito ay nagpakita ng kapakumbabaan. (Hukom 13:17, 18) Sinabi ni Brother Lett sa mga estudyante: “Kapag pinupuri kayo ng iba o hinahangaan sa inyong kakayahan, mapagpakumbabang ibaling ang kanilang atensiyon kay Jehova at sa kaniyang organisasyon, hindi sa inyong sarili.”—1 Corinto 4:7.
Noong nasa hardin ng Getsemani si Jesus bago ang kaniyang kamatayan, “nagpakita sa kaniya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas siya.” (Lucas 22:43) Naging matulungin ang anghel na iyon. “Ipanalangin at sikaping alamin ang pangangailangan ng mga tao sa inyong teritoryo,” ang sabi ni Brother Lett, “at sa tulong ni Jehova, sikaping tugunan ang mga pangangailangang iyon.”
Yamang maliit na porsiyento lamang ng mga anghel ang sumama kay Satanas sa paghihimagsik, masasabi nating karamihan sa mga nilalang na ito sa langit ay mahuhusay na halimbawa ng katapatan.—Apocalipsis 12:4.
“Gaya ng tapat na mga anghel na iyon, labanan ninyo ang Diyablo,” ang paghimok ni Brother Lett sa mga estudyante. “Salansangin ninyo siya, at tatakas siya.”—Santiago 4:7.
Tatlong Iba Pang Tampok na Bahagi ng Programa
“Gawing Bato ng Inyong Puso si Jehova.” Ang paksa na ito, batay sa Awit 73:26, ay iniharap ni Gary Breaux, miyembro ng Komite ng Sangay sa Estados Unidos. Sa pahayag na ito, tinulungan niya ang mga estudyante na makitang kailangan nilang umasa kay Jehova. Bakit masasabing isang bato si Jehova? “Kung may nakapatong na bato sa isang piraso ng papel, hindi ito maililipad ng malakas na hangin,” ang sabi ni Brother Breaux, “Sa katulad na paraan, si Jehova ay maaaring magsilbing isang impluwensiya para hindi matinag ang inyong puso.” Siyempre pa, maaari tayong madaya ng ating puso kapag napapaharap sa mga pagsubok. (Jeremias 17:9) Ibang klima, ibang pagkain, bagong mga kasama sa missionary home—alinman sa mga ito ay maaaring maging dahilan para isipin ng isa na sumuko na. “Mapapaharap kayo sa mga sitwasyon kung saan kailangan ninyong timbangin ang mga bagay-bagay at magdesisyon,” ang sabi ni Brother Breaux. “Pipiliin ba ninyo ang landasing magpapasaya kay Jehova? Kung oo, si Jehova ay magiging ‘bato ng inyong puso.’ Gagabayan niya kayo sa inyong paglakad.”
“Sapat ba ang Inyong Pananampalataya Para Lumusong sa Tubig?” Si Sam Roberson, isang instruktor sa Gilead, ang nagharap ng paksang ito, na batay sa Josue kabanata 3. Paano kaya makatatawid ang milyun-milyong Israelita sa Ilog Jordan kung malaki ang tubig nito? Sinabi ni Jehova kay Josue na utusan ang mga saserdote na ‘tumigil sila sa Jordan.’ Ipinangako ng Diyos: “Sa sandaling ang mga talampakan ng mga paa ng mga [saserdote] . . . ay lumapag sa tubig ng Jordan, ang tubig ng Jordan ay hihinto, . . . at iyon ay titigil na gaya ng isang prinsa.” (Josue 3:8, 13) Sinabi ni Brother Roberson sa mga estudyante: “Mapapaharap kayo sa tulad-Jordan na mga problema na maaaring makahadlang sa inyo sa pagkakamit ng mga pagpapala.” Halimbawa, baka maging hamon ang pakikisama sa mga kapuwa misyonero. Ang solusyon? “Tingnan ang gawain, hindi ang mga manggagawa.” Pinasigla ni Brother Roberson ang mga estudyante: “Kung magpapakita kayo ng sapat na pananampalataya anupat handa kayong lumusong sa tubig, wika nga, tutulungan kayo ni Jehova na tawirin ang mga tulad-Jordan na problema sa inyong pagmimisyonero.”
“Itatag Nang Matibay ang Inyong mga Plano.” Iyan ang paksang tinalakay ni William Samuelson, na isa ring instruktor sa Gilead. Ang kaniyang pahayag ay salig sa Kawikaan 16:3, na nagsasabi: “Igulong mo ang iyong mga gawain kay Jehova at ang iyong mga plano ay matibay na matatatag.” Tinanong ni Brother Samuelson ang mga estudyante: “Ipinahihiwatig ba ng tekstong ito na sa pagtatatag ng inyong mga plano, wala na kayong ibang gagawin kundi ‘igulong ang inyong mga gawain’ kay Jehova?” Hindi, ang sabi niya, dahil sinasabi ng Kawikaan 16:1: “Sa makalupang tao nauukol ang pagsasaayos ng puso.” Sinabi ni Brother Samuelson: “Hindi makahimalang isinasaayos ni Jehova ang inyong puso. Kailangan ninyong tiyakin na tama ang direksiyong tinatahak ninyo. Sa tulong ng pag-aaral, panalangin, at malapít na pakikipag-ugnayan sa lokal na tanggapang pansangay, patuloy kayong magkakaroon ng isang maaasahang puso, at itatatag mismo ni Jehova nang matibay ang inyong mga plano.”
Mga Karanasan at Interbyu
Bilang bahagi ng kanilang pagsasanay, nangaral ang mga estudyante ng Gilead kasama ng lokal na mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ininterbyu ni Mark Noumair, isa sa mga instruktor ng Gilead, ang ilang estudyante hinggil sa kanilang karanasan. Naidiin sa mga karanasan ang papel ng panalangin kapag naghahanap ng mga tapat-pusong indibiduwal sa teritoryo.
Halimbawa, samantalang nasa isang fast-food na restawran ang isang mag-asawa, napansin ng isang nagtatrabaho roon ang pananalangin nila nang tahimik. Nilapitan niya ang mag-asawa at tinanong kung mga Saksi ni Jehova sila. Nang malaman niyang gayon nga, ipinaliwanag ng lalaki na lumaki siyang Saksi pero napawalay sa katotohanan. Nakagawa pa nga siya ng krimen at nabilanggo. Ngayon, gusto na niyang manumbalik kay Jehova. Sinabi rin niya na bago pumasok sa restawran ang mag-asawa, nananalangin siya sa Diyos na tulungan siyang ayusin ang kaniyang buhay. Sinagot ang panalangin niya!
Sa paksang “Tikman Ninyo at Tingnan na si Jehova ay Mabuti,” ininterbyu ni Rudi Hartl ng Writing Correspondence Department sina Wayne Wridgway mula sa Mozambique, Jason Reed mula sa Chile, at Kenji Chichii mula sa Nepal, na pawang nagtapos sa Gilead. Binanggit nila ang mga hamong napaharap sa kanila noong bago pa lang silang misyonero—pag-aaral ng bagong wika, pag-a-adjust sa bagong kultura, o pagdaig sa pagka-homesick. “Nakatulong sa aming mag-asawa ang pakikipagkaibigan agad sa mga bagong kakongregasyon,” ang sabi ni Brother Chichii. “Habang nagiging malapít kami sa mga kapatid, nagiging mas madali nang daigin ang pagka-homesick.”
Matapos tanggapin ng lahat ng 56 na estudyante ang kanilang diploma, binasa ng isa sa mga nagtapos ang kanilang liham ng pasasalamat sa Lupong Tagapamahala. Sinabi nila sa liham: “Bilang isang klase, aktuwal naming nasaksihan ang maibigin at walang-pagod ninyong pagsasakripisyo. Naglaan kayo ng kurikulum, dumalaw sa klase, at nagbigay ng mainam na espirituwal na pagtuturo. Bilang pagtanaw ng utang na loob sa ipinakita ninyong pag-ibig sa amin, gagawin namin ang lahat para matularan ang inyong maiinam na halimbawa ng pag-ibig, pagtitiyaga, kapakumbabaan, at personal na interes pagdating namin sa aming mga atas na teritoryo.”
[Blurb sa pahina 28]
“Kapag pinupuri kayo ng iba . . . , ibaling ang kanilang atensiyon . . . , hindi sa inyong sarili”
[Blurb sa pahina 29]
“Mapapaharap kayo sa tulad-Jordan na mga problema”
[Chart/Mapa sa pahina 31]
ESTADISTIKA NG KLASE
9 na bansa ang may kinatawan
56 na estudyante
28 ang may asawa
33.0 katamtamang edad
17.9 katamtamang taon mula nang mabautismuhan
13.3 katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo
[Mapa]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang klase ay ipinadala sa 25 bansa gaya ng makikita sa ibaba
MGA ATAS SA MISYONERO
BOLIVIA
BOTSWANA
BULGARIA
CONGO (KINSHASA)
CÔTE D’IVOIRE
GAMBIA
GERMANY
INDIA
INDONESIA
KENYA
LIBERIA
MACEDONIA
MADAGASCAR
MALAYSIA
MOZAMBIQUE
PANAMA
PERU
POLAND
ROMANIA
SERBIA
SIERRA LEONE
SWAZILAND
TANZANIA
UGANDA
ZIMBABWE
[Larawan sa pahina 30]
Isinadula ng mga estudyante ng Gilead ang isa sa mga karanasan nila sa pangangaral
[Larawan sa pahina 31]
Ang Ika-129 na Klase na Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan patungo sa likuran, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.
(1) Munaretto, R.; Olofsson, Y.; Budden, K.; Najdzion, L.; Moya, G.; Treviño, G.; Dion, A.; Fleegle, A.
(2) Smith, J.; Michael Raj, J.; Smith, S.; Paramo, A.; McDonald, J.; Deans, M.; Joyal, S.; Watson, L.
(3) Joyal, C.; Crawley, T.; Hacker, D.; Shynkarenko, J.; Knapp, T.; Ayling, J.; Highley, C.; Olofsson, B.
(4) Fitzpatrick, M.; Najdzion, B.; Skallerud, L.; Harris, A.; Harris, S.; Budden, R.; Paramo, Y.; Skallerud, K.
(5) Crawley, B.; Michael Raj, J.; Lodge, A.; Lodge, R.; Herms, N.; Fitzpatrick, J.; Moya, R.; Munaretto, P.
(6) Watson, S.; Deans, M.; Hacker, J.; McDonald, J.; Treviño, J.; Harris, S.; Herms, C.; Harris, P.
(7) Shynkarenko, V.; Highley, T.; Smith, A.; Dion, J.; Ayling, R.; Smith, B.; Knapp, T.; Fleegle, B.