Bakit Nasisira ang Maraming Pagsasama?
Bakit Nasisira ang Maraming Pagsasama?
“Ang mga Pariseo ay lumapit [kay Jesus], na may layong tuksuhin siya at nagsabi: ‘Kaayon ba ng kautusan na diborsiyuhin ng isang lalaki ang kaniyang asawa sa bawat uri ng saligan?’”—Mateo 19:3.
NOONG panahon ni Jesus, may ilang nagtanong kung maaari o dapat bang maging habambuhay ang pagsasama ng mag-asawa. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa na siya na lumalang sa kanila mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae at nagsabi, ‘Sa dahilang ito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman’? Kung kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya nga, ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” * (Mateo 19:4-6) Maliwanag, nilayon ng Diyos na maging habambuhay ang pagsasama ng mga mag-asawa.
Sa maraming lupain ngayon, mga 40 porsiyento o higit pa ng mga mag-asawa ang ‘napaghihiwalay,’ o nagdidiborsiyo. Makaluma na ba talaga ang payo ng Bibliya tungkol sa pag-aasawa? Nasisira kaya ang maraming pagsasama dahil may diperensiya ang mismong kaayusan ng pag-aasawa?
Pag-isipan ito: Dalawang mag-asawa ang bumili ng magkaparehong kotse. Ang isang mag-asawa ay maalaga sa kanilang kotse at maingat magmaneho. Hindi nasisira ang kanilang kotse. Ang isa naman ay hindi maalaga at hindi maingat sa pagmamaneho. Kaya nasira ang kotse nila at pinabayaan na. Alin ang may diperensiya—ang kotse o ang may-ari? Maliwanag, ang may-ari.
Sa katulad na paraan, hindi komo maraming pagsasama ang nasisira ay masasabi nang may depekto ang kaayusan ng pag-aasawa. Kasi milyun-milyong mag-asawa rin naman ang nagtatagumpay at nagdudulot ng kaligayahan at katatagan sa mga indibiduwal, pamilya, at komunidad. Ngunit ang pagsasama ng mag-asawa, gaya ng isang kotse, ay nangangailangan ng mahusay at regular na pangangalaga para tumagal.
Ilang araw o ilang dekada ka mang kasal, talagang matutulungan ka ng payo ng Bibliya na mapangalagaan at mapatibay ang inyong pagsasama. Tingnan ang ilang halimbawa sa sumusunod na mga pahina.
[Talababa]
^ par. 3 Pinapayagan ng Bibliya ang pagdidiborsiyo kung ang asawa ay nagkasala ng seksuwal na imoralidad.—Mateo 19:9.