Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

PAANO nagbagong-buhay ang isang serbidora sa bar na palamura, manginginom, at nagdodroga? Bakit naging ministro ng relihiyon ang isang dating pulitiko na walang hilig sa relihiyon? Anong mga hamon ang napagtagumpayan ng isang dating combat instructor sa kapulisan ng Russia upang maging Saksi ni Jehova? Basahin ang kanilang kuwento.

“Naging Maayos Muli ang Relasyon Naming Mag-ina.”​—NATALIE HAM

ISINILANG: 1965

PINAGMULAN: AUSTRALIA

DATING NAGDODROGA

ANG AKING NAKARAAN: Lumaki ako sa maliit na nayon ng Robe, Timog Australia. Sa gayong mga komunidad, ang hotel ang puntahan ng mga tao. Laging nasa hotel ang mga magulang kasama ang kanilang mga anak. Dahil dito, nahahantad ang mga bata sa labis na pag-inom ng alak, pagmumura, at paninigarilyo.

Sa edad na 12, naninigarilyo na ako, palamura, at laging nakikipag-away kay Nanay. Nang 15 anyos ako, naghiwalay ang mga magulang ko, at pagkalipas ng 18 buwan, lumayas ako sa amin. Naging manginginom ako, nagdroga, at namuhay nang imoral. Galít ako sa mundo at litung-lito. Dahil limang taon akong nag-aral ng martial arts at self-defense, inakala kong kaya ko nang pangalagaan ang aking sarili. Pero kapag nag-iisa ako at nag-iisip, nadaraig ako ng kalungkutan at humihingi ng tulong sa Diyos. Sinasabi ko sa kaniya, “Basta huwag n’yo lang akong pagsimbahin.”

Nang maglaon, isang kaibigang relihiyoso pero hindi kabilang sa anumang relihiyon ang nagbigay sa akin ng isang Bibliya. Gaya ng iba naming mga kaibigan, nagdodroga rin siya. Gayunman, talagang naniniwala siya sa Diyos at kinumbinsi niya ako na magpabautismo. Dinala niya ako sa isang lawa sa aming lugar at binautismuhan. Mula noon, iniisip kong mayroon na akong espesyal na kaugnayan sa Diyos. Pero wala akong panahon para magbasa ng Bibliya.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Noong 1988, dalawang Saksi ang dumalaw sa akin. Tinanong ako ng isa sa kanila, “Alam mo ba ang pangalan ng Diyos?” Binasa ng Saksi sa kaniyang Bibliya ang Awit 83:18, na nagsasabi: “Upang malaman ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” Nabigla ako! Pagkaalis nila, nagpunta ako sa isang Christian bookstore na 56 na kilometro ang layo para tingnan ang ibang mga salin ng Bibliya. Hinanap ko rin ang pangalang iyon sa isang diksyunaryo. Nakumbinsi ako na Jehova nga ang pangalan ng Diyos. Naisip ko kung ano pa ang hindi ko alam.

Sinabi sa akin ni Nanay na kakatwa ang mga Saksi ni Jehova. Palibhasa’y kaunti lamang ang alam ko tungkol sa kanila, akala ko’y masyado silang konserbatibo at hindi sila marunong magsaya. Balak ko sana silang pagtaguan, pero nagbago ang isip ko nang dumalaw sila. Pinapasok ko sila at nag-aral kami kaagad ng Bibliya.

Tuwing matatapos kaming mag-aral, sinasabi ko sa aking boyfriend, si Craig, ang aking natututuhan. Nang bandang huli, sa sobrang inis, hinablot niya ang aklat na ginagamit namin sa pag-aaral at binasa ito. Sa loob ng tatlong linggo, nasabi niyang natagpuan na niya ang katotohanan tungkol sa Diyos. Sa kalaunan, inihinto namin ni Craig ang pagdodroga at pag-abuso sa alak, at huminto na ako sa pagtatrabaho sa bar. Upang maiayon ang aming buhay sa mga pamantayan ng Bibliya, nagpakasal kami ni Craig.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Noong magsimula kaming mag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, maghihiwalay na sana kami ni Craig. Ngayon, si Craig ay isa nang mahusay na asawa, at mayroon kaming dalawang anak. Mayroon din kaming mahal na mga kaibigang katulad namin ang paniniwala.

Sa simula, nagalit si Nanay nang malaman niyang nakikisama ako sa mga Saksi ni Jehova. Pero ang mga ikinababahala niya ay batay sa maling pagkaunawa. Naging maayos muli ang relasyon naming mag-ina. Nagkaroon na ng direksiyon at layunin ang aking buhay, at nasasapatan ang aking espirituwal na mga pangangailangan.​—Mateo 5:3.

“Marami Akong Bagong Bagay na Natutuhan sa Bibliya.”​—ISAKALA PAENIU

ISINILANG: 1939

BANSANG PINAGMULAN: TUVALU

DATING PULITIKO

ANG AKING NAKARAAN: Isinilang ako sa Nukulaelae, isang magandang isla sa Pasipiko at bahagi ngayon ng Tuvalu. Ang buhay sa isla ay kontrolado ng mga pastor na nag-aral sa isang kolehiyo sa Samoa. Tungkulin ng mga taga-isla na paglaanan araw-araw ang mga pastor at ang kani-kanilang pamilya ng pagkain, tuluyan, at lahat ng pinakamabuting bagay. Kahit halos wala nang maipakain ang mga taga-isla sa kanilang pamilya, obligado pa rin silang paglaanan ang mga pastor.

Ang pastor sa aming isla ang nagpapatakbo ng paaralan sa nayon at nagtuturo ng relihiyon, math at heograpiya. Naaalaala ko pa na nakita kong pinaghahampas ng pastor ang mga estudyante hanggang sa naging duguan na ang mga ito. Pero walang isa man ang nagreklamo, kahit ang mga magulang. Diyos kasi ang turing sa pastor.

Nang ako’y sampung taóng gulang, umalis ako sa amin at nag-aral sa nag-iisang pampublikong paaralan sa aming bayan, na nasa ibang isla. Nang magtapos ako, nagtrabaho ako sa gobyerno. Nang panahong iyon, ang mga isla ay bahagi ng kolonya ng Britanya na kilala bilang Gilbert and Ellice Islands. Nagtrabaho ako sa iba’t ibang departamento bago naging editor ng lingguhang pahayagan ng gobyerno. Maayos naman ang lahat hanggang nang ilathala ko ang isang liham mula sa isang mambabasa na bumatikos sa pondong ginastos sa paghahanda para sa pagdalaw ng Prinsipe ng Wales. Ibang pangalan ang ginamit ng sumulat, at hiniling ng boss ko ang tunay na pangalan ng taong iyon. Hindi ko sinabi sa kaniya, at ang komprontasyong ito ay napabalita.

Pagkatapos ng insidenteng iyon, nagbitiw ako sa trabaho at pumasok naman sa pulitika. Nanalo ako sa eleksiyon sa Nukulaelae at nahirang bilang Minister of Commerce and Natural Resources. Sa kalaunan, nang unti-unti nang magkaroon ng kasarinlan ang mga isla ng Kiribati (dating Gilbert) at Tuvalu (dating Ellice) mula sa Britanya, inalok ako ng gobernador na maging pinuno ng administrasyon ng Tuvalu. Pero ayaw kong magkaroon ng anumang kaugnayan sa kolonyal na pamamahala. Kaya hindi ko ito tinanggap at kahit wala ang kanilang suporta, tumakbo ako sa isang mataas na posisyon noong eleksiyon. Natalo ako. Pagkatapos, bumalik kaming mag-asawa sa aming isla at namuhay na lamang nang normal sa nayon.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Ang Linggo sa mga isla ay Sabbath at itinuturing ng lahat na banal maliban sa akin. Iyan ang araw ko para mamangka at mangisda. Ayaw kong makilala bilang relihiyosong tao. Sinabi sa akin ni Tatay na dismayado siya at ang iba pa sa aking ginagawa. Pero determinado ako na huwag magpaimpluwensiya sa relihiyon.

Sa isa sa mga pagpunta ko sa Funafuti​—ang isla na kinaroroonan ng kabisera ng Tuvalu​—niyaya ako ng aking nakababatang kapatid na lalaki na sumama sa kaniya sa pagdalo sa pulong ng mga Saksi ni Jehova. Nang maglaon, isang misyonerong Saksi ang nagbigay sa akin ng maraming magasing Bantayan at Gumising! Binigyan din niya ako ng isang aklat na naglalantad sa paganong pinagmulan ng mga doktrina na itinuturo ng maraming tinatawag na relihiyong Kristiyano. Ilang beses kong binasa ang aklat. Marami akong bagong bagay na natutuhan sa Bibliya, kasama na ang katotohanan na ang mga Kristiyano ay hindi obligadong mangilin ng lingguhang Sabbath. * Sinabi ko ang mga bagay na ito sa aking asawa, at kaagad siyang huminto sa pagsisimba.

Gayunman, ayaw ko pa ring magkaroon ng anumang kaugnayan sa relihiyon. Pero dalawang taon na ang lumipas, hindi ko pa rin makalimutan ang mga natutuhan ko. Nang maglaon, sumulat ako sa misyonero sa Funafuti, at sinabi ko sa kaniya na handa na akong magbago. Sumakay siya agad ng lantsa upang puntahan ako at tulungang matuto nang higit tungkol sa Bibliya. Galít na galít ang tatay ko nang malaman niya na gusto kong maging Saksi ni Jehova. Pero sinabi ko sa kaniya na marami akong natutuhan sa Bibliya mula sa mga Saksi at buo na ang pasiya ko.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Noong 1986, nabautismuhan ako bilang Saksi ni Jehova, at sumunod ang aking asawa pagkalipas ng isang taon. Ang aming dalawang anak na babae ay natuto rin sa Bibliya at nagpasiyang maging Saksi ni Jehova.

Ngayon, kabilang na ako sa isang relihiyosong grupo na, gaya ng mga Kristiyano noong unang siglo, ay walang nakatataas na klero at nakabababang mga miyembro. (Mateo 23:8-12) Mapagpakumbaba rin nilang tinutularan si Jesus at nangangaral sa iba tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 4:17) Nagpapasalamat ako sa Diyos na Jehova dahil hinayaan niyang malaman ko ang katotohanan tungkol sa kaniya at sa kaniyang bayan!

“Hindi Ako Pinilit ng mga Saksi Kung Ano ang Paniniwalaan.”​—ALEXANDER SOSKOV

ISINILANG: 1971

BANSANG PINAGMULAN: RUSSIA

DATING COMBAT INSTRUCTOR

ANG AKING NAKARAAN: Isinilang ako sa Moscow, na noon ay kabisera ng Unyong Sobyet. Ang aming pamilya ay nakatira sa isang malaking gusali ng mga apartment, at marami sa aming kapitbahay ay mga trabahador sa iisang pabrika. Naaalaala ko na nagrereklamo silang napakalikot kong bata at sinasabi nilang alin sa maaga akong mamamatay o kaya’y makukulong. Sa katunayan, sa edad na sampu ay may rekord na ako sa pulisya.

Pagtuntong ko ng 18, tinawag ako sa army at naglingkod bilang isang border guard. Umuwi ako pagkatapos ng dalawang taon at nagtrabaho sa pabrika, pero naiinip ako sa trabahong iyon. Kaya sumali ako sa police riot squad ng Moscow at nagtrabaho bilang hand-to-hand combat instructor. Tumulong ako sa pagdakip sa mga kriminal sa Moscow at nagpunta sa iba’t ibang magugulong lugar sa bansa. Masyado akong tensiyonado. Kung minsan, pag-uwi ko, hindi ako nahihigang katabi ng aking asawa​—natatakot kasi akong baka masaktan ko siya habang natutulog.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Nang magsimula akong makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, nalaman ko na ang marahas kong pamumuhay ay hindi kaayon ng mga pamantayan sa Bibliya. Kinailangan ko ring itigil ang paninigarilyo at kontrolin ang pag-inom ng alak. Pero ikinatuwiran ko na hindi ako makahahanap ng ibang trabaho, dahil wala akong alam na ibang kasanayan para mapakain ang aking pamilya. Iniisip ko rin na hinding-hindi ako makapangangaral na gaya ng mga Saksi.

Gayunman, nakumbinsi ako na tama ang sinasabi ng Bibliya. At naaliw ako ng binabanggit sa Ezekiel 18:21, 22: “May kinalaman nga sa balakyot, kung tatalikuran niya ang lahat ng kaniyang mga kasalanan na ginawa niya . . . , ang lahat ng kaniyang mga pagsalansang na ginawa niya​—ang mga iyon ay hindi aalalahanin laban sa kaniya.”

Natutuwa ako na hindi ako pinilit ng mga Saksi kung ano ang paniniwalaan. Sa halip, tinulungan nila akong mangatuwiran sa mga bagay na natututuhan ko. Kumuha ako ng 40 o higit pang magasin nila at binasa ang mga ito sa loob ng tatlong linggo. Nakumbinsi ako na natagpuan ko na ang tunay na relihiyon.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Bago mag-aral ng Bibliya, kaming mag-asawa ay magdidiborsiyo na sana. Pero maganda na ngayon ang aming pagsasama. Nag-aral din ng Bibliya ang aking asawa, at nagpasiya kaming magkasamang maglingkod kay Jehova. Ngayon, mas maligaya na ang aming pamilya. Nakahanap din ako ng trabaho na hindi labag sa mga simulain ng Bibliya.

Nang una akong magbahay-bahay, tensiyonadung-tensiyonado ako​—para akong sasabak sa labanan. Ngayon, may kumpiyansa na ako na kaya kong manatiling mahinahon, kahit na may gumagalit pa sa akin. Sa paglipas ng panahon, naging pasensiyoso rin ako sa mga tao. Pinanghihinayangan ko ang panahong inaksaya ko. Ngayon, makabuluhan na ang buhay ko. Natutuwa ako at ginagamit ko ang aking lakas sa paglilingkod sa Diyos na Jehova at sa pagtulong sa iba.

[Talababa]

^ par. 24 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Dapat Ka Bang Mangilin ng Sabbath Linggu-linggo?” na inilathala sa Ang Bantayan, isyu ng Pebrero 1, 2010, pahina 11-15.