Solusyon sa Karaniwang mga Reklamo
Solusyon sa Karaniwang mga Reklamo
HINDI sinasabi ng Bibliya na madali ang buhay may-asawa. Si apostol Pablo ay ginabayan ng Diyos na isulat na “may problema ang buhay may-asawa.” (1 Corinto 7:28, Bibliya ng Sambayanang Pilipino) Pero malaki ang magagawa ng mag-asawa para mabawasan ang kanilang mga problema at higit na mapaligaya ang isa’t isa. Isaalang-alang ang sumusunod na anim na reklamo ng mga may asawa, at tingnan kung paano makatutulong ang pagsunod sa mga simulain sa Bibliya.
1
REKLAMO:
“Nagiging malayô na kami sa isa’t isa.”
SIMULAIN SA BIBLIYA:
“[Tiyakin] ninyo ang mga bagay na higit na mahalaga.”—FILIPOS 1:10.
Ang isa sa pinakamahahalagang bagay sa iyong buhay ay ang pagsasama ninyong mag-asawa. Dapat mo itong bigyan ng priyoridad. Kaya tingnan mo kung nagiging problema ang iyong iskedyul. Huwag mong hayaang magkaniya-kaniyang buhay kayong mag-asawa dahil sa pang-araw-araw na mga gawain. Sabihin pa, nangyayari ito paminsan-minsan dahil sa trabaho o sa iba pang di-maiiwasang sitwasyon. Pero maaari at dapat mong limitahan ang mga bagay na may kontrol ka—gaya ng panahong ginugugol sa libangan o sa mga kaibigan.
Gayunman, may ilang asawa na gumugugol ng higit na panahon sa trabaho o libangan para lamang hindi makasama ang kanilang asawa. Ang gayong mga indibiduwal ay hindi lamang “nagiging malayô” sa kanilang kabiyak—tinatakbuhan din nila ang mga problema. Kung ganiyan kayong mag-asawa, kailangan ninyong alamin ang problema at lutasin ito. Magiging malapít lamang kayo sa isa’t isa at “magiging isang laman” kung gugugol kayo ng panahon na magkasama.—Kung paano sinunod ng ilan ang payong ito: Sina Andrew * at Tanji, na taga-Australia, ay sampung taon nang kasal. Sinabi ni Andrew: “Natutuhan ko na ang sobra-sobrang pagtatrabaho at paggugol ng maraming panahon kasama ng iba ay mapanganib sa pagsasama. Kaya kaming mag-asawa ay naglalaan ng panahon para mag-usap at sabihin ang aming nadarama.”
Sina Dave at Jane, na nakatira sa Estados Unidos, ay 22 taon nang kasal. Ang unang kalahating oras tuwing gabi ay ginugugol nila sa pagkukuwentuhan at pag-uusap. Sabi ni Jane: “Napakahalagang panahon ito para sa amin kaya hindi namin hinahayaang may makahadlang dito.”
2
REKLAMO:
“Hindi ko na nakukuha ang gusto ko sa relasyong ito.”
SIMULAIN SA BIBLIYA:
“Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao.”—1 CORINTO 10:24.
Hindi kailanman magiging maligaya ang isang tao na interesado lamang sa nakukuha niya sa kanilang pagsasama, kahit na ilang ulit pa siyang mag-asawa. Nagtatagumpay lamang ang pagsasama kapag ang bawat isa ay higit na nakapokus sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap. Sinabi ni Jesus ang dahilan: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
Kung paano sinunod ng ilan ang payong ito: Sina Maria at Martin, na taga-Mexico, ay 39 na taon nang kasal. Pero hindi naging laging masaya ang kanilang pagsasama. Natatandaan nila ang isang mainit na pagtatalo. Ikinuwento ni Maria: “May nasabi akong hindi maganda kay Martin. Nagalit siya nang husto. Sinikap kong ipaliwanag na hindi ko naman sinasadya ang sinabi ko. Galít lang ako. Pero ayaw niyang makinig.” Sinabi naman ni Martin: “Sa pagtatalong iyon, naisip kong mabuti pang maghiwalay na kami.”
Respeto ang kailangan ni Martin. Pang-unawa naman ang hiling ni Maria. Pareho nilang hindi nakuha ang kanilang gusto.
Paano nila nalutas ang problema? “Nagpalamig muna ako ng ulo,” ang sabi ni Martin, “at nagpasiya kaming sundin ang payo ng Bibliya na maging magalang at mabait. Sa nakalipas na mga taon, natutuhan namin na gaano man karaming problema ang bumangon, mapagtatagumpayan ito kung mananalangin kami sa Diyos at susundin ang payo ng Bibliya.”—Isaias 48:17, 18; Efeso 4:31, 32.
3
REKLAMO:
“Iresponsable ang asawa ko.”
SIMULAIN SA BIBLIYA:
“Ang bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili.”—ROMA 14:12.
Walang alinlangan, ang pag-aasawa ay hindi magtatagumpay kapag isa lamang ang gumaganap ng kaniyang papel. Pero mas masahol pa ang sitwasyon kapag ang mag-asawa ay parehong nagpapabaya at nagsisisihan.
Kung masyado kang mapaghanap sa asawa mo, hindi ka kailanman magiging maligaya, lalo na kapag isinasangkalan mo ang mga pagkukulang ng iyong asawa upang pabayaan ang iyong pananagutan. Sa kabilang panig naman, kung sisikapin mong maging mabuting asawa, gaganda ang pagsasama ninyo. (1 Pedro 3:1-3) Higit sa lahat, mapasasaya mo nang husto ang Diyos dahil pinatutunayan mong pinararangalan mo ang kaniyang kaayusan sa pag-aasawa.—1 Pedro 2:19.
Kung paano sinunod ng ilan ang payong ito: Si Kim at ang kaniyang mister na nakatira sa Korea ay 38 taon nang kasal. Sabi ni Kim: “Kung minsan, naiinis sa akin ang mister ko at hindi niya ako kinakausap. Ewan ko ba kung bakit. Pakiramdam ko, hindi na niya ako mahal. Minsan nga naiisip ko, ‘Gusto niyang unawain ko siya, pero ako hindi niya inuunawa.’”
Maaari sanang isipin ni Kim na hindi makatuwiran ang ginagawa ng mister niya. “Pero sa halip na manatiling galít,” sabi ni Kim, “natutuhan kong makabubuting ako na ang unang makipag-ayos. Ang resulta? Nagawa naming kumalma at pag-usapan nang mahinahon ang mga bagay-bagay.”—Santiago 3:18.
4
REKLAMO:
“Hindi mapagpasakop ang asawa ko.”
SIMULAIN SA BIBLIYA:
“Ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo.”—1 CORINTO 11:3.
Kung sa tingin ng asawang lalaki ay hindi mapagpasakop ang kaniyang asawa, dapat muna niyang suriin kung siya mismo ay handang magpasakop sa kaniyang Ulo, si Jesu-Kristo. Maipakikita niya ito kung tutularan niya si Jesus.
Sumulat si apostol Pablo: “Mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae, kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito.” (Efeso 5:25) Si Jesus ay hindi ‘namanginoon’ sa kaniyang mga alagad. (Marcos 10:42-44) Binigyan niya sila ng maliwanag na tagubilin at itinuwid kung kailangan. Pero hindi siya kailanman naging mabagsik. Mabait siya sa kanila at inunawa niya ang kanilang mga limitasyon. (Mateo 11:29, 30; Marcos 6:30, 31; 14:37, 38) Lagi niyang inuuna ang kanilang kapakanan.—Mateo 20:25-28.
Dapat itanong ng asawang lalaki, ‘Ang pangmalas ko ba sa pagkaulo at sa mga babae ay naiimpluwensiyahan ng kaugalian ng mga tao sa halip na ng payo at mga halimbawa sa Bibliya?’ Halimbawa, ano ang masasabi mo sa isang babae na hindi sang-ayon sa pangmalas ng kaniyang asawa ngunit matatag at magalang namang nagsasabi ng niloloob niya? Sa Bibliya, ang asawa ni Abraham na si Sara ay uliran sa pagpapasakop. (1 Pedro 3:1, 6) Pero sinasabi niya ang kaniyang niloloob kung kailangan, gaya noong hindi maunawaan ni Abraham ang ilang nakaambang panganib sa kanilang pamilya.—Genesis 16:5; 21:9-12.
Maliwanag, hindi naging malupit si Abraham kay Sara kaya hindi ito takót na magsabi ng niloloob niya. Sa katulad na paraan, kung susundin ng asawang lalaki ang payo ng Bibliya, hindi niya tatakutin ang kaniyang asawa ni oobligahin man itong gawin ang lahat ng gusto niya. Igagalang siya ng kaniyang asawa kung siya ay isang maawaing ulo.
Kung paano sinunod ng ilan ang payong ito: Si James, na nakatira sa England at walong taon nang kasal, ay nagsabi: “Natutuhan kong huwag gumawa ng mahahalagang desisyon nang hindi muna kinokonsulta si Misis. Sinisikap kong unahin ang kaniyang mga pangangailangan, sa halip na ang sa akin.”
Si George, na taga-Estados Unidos at 59 na taon nang kasal, ay nagsabi: “Hindi ko itinuturing bilang nakabababa ang aking asawa, kundi bilang isang matalino at may-kakayahang kabiyak.”—Kawikaan 31:10.
5
REKLAMO:
“Walang kusang-palo ang asawa ko.”
SIMULAIN SA BIBLIYA:
“Ang babaing tunay na marunong ay nagpapatibay ng kaniyang bahay, ngunit ginigiba iyon ng mangmang ng sarili niyang mga kamay.”—KAWIKAAN 14:1.
Kung ang mister mo ay atubiling magdesisyon o mangasiwa sa pamilya, may tatlo kang puwedeng gawin. (1) Maaari mong gawing bukambibig ang kaniyang mga pagkukulang, (2) maaari mong agawin ang kaniyang pagkaulo, o (3) maaari mong taimtim na papurihan siya sa lahat ng kaniyang pagsisikap. Kung ang alinman sa unang dalawa ang gagawin mo, gigibain mo ang iyong bahay ng sarili mong mga kamay. Pero kung ang ikatlo ang gagawin mo, titibay ang inyong pagsasama.
Para sa maraming lalaki, mas mahalaga ang respeto kaysa sa pag-ibig. Kaya kung ipadarama mo sa iyong asawang lalaki na nirerespeto mo siya—na mahusay at pinahahalagahan mo ang kaniyang mga pagsisikap sa pangangasiwa—malamang na pagbutihin pa niya ang pagganap sa kaniyang papel. Sabihin pa, may mga pagkakataong hindi ka sang-ayon sa iyong asawa. Kailangan ninyong pag-usapan ito. (Kawikaan 18:13) Pero maaaring magiba o mapatibay ng iyong pananalita at tono ng boses ang inyong pagsasama. (Kawikaan 21:9; 27:15) Kaya magalang na sabihin ang iyong niloloob, at malamang na gaya ng gusto mo, magiging mahusay manguna ang iyong asawa.
Kung paano sinunod ng ilan ang payong ito: Si Michele, na taga-Estados Unidos at 30 taon nang kasal, ay nagsabi: “Palibhasa’y pinalaki kami ni Nanay nang walang tatay, tumayo siya sa sarili niyang mga paa at hindi umasa sa iba. Dahil nagagaya ko ang mga katangiang iyon, kailangan kong pagsikapang maging mapagpasakop. Halimbawa, natutuhan kong magtanong muna sa aking asawa sa halip na magpasiya agad.”
Si Rachel, na nakatira sa Australia at 21 taon nang kasal kay Mark, ay naimpluwensiyahan din ng kinalakhan niya. “Hindi mapagpasakop si Nanay kay Tatay,” ang sabi niya. “Pangkaraniwan na lang ang pagtatalo at kawalang-respeto. Sa mga unang taon ng aming pagsasama, ginaya ko si Nanay. Pero sa paglipas ng mga taon, natutuhan ko ang kahalagahan ng pagsunod sa payo ng Bibliya tungkol sa paggalang. Mas maligaya kami ngayon ni Mark.”
6
REKLAMO:
“Hindi ko na kaya ang ugali ng asawa ko.”
SIMULAIN SA BIBLIYA:
“Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba.”—COLOSAS 3:13.
Noong magkasintahan pa kayo, malamang na magagandang katangian lamang ng iyong
minamahal ang nakikita mo at hindi mo napapansin ang kaniyang mga kapintasan. Magagawa mo rin ba iyan ngayon? Tiyak na may nakikita kang hindi maganda sa iyong asawa. Pero tanungin ang iyong sarili, ‘Alin ba ang pagtutuunan ko ng pansin—ang kaniyang maganda o pangit na mga katangian?’Gumamit si Jesus ng isang mapuwersang ilustrasyon upang ipakitang dapat nating palampasin ang mga kapintasang nakikita natin sa iba. “Bakit mo tinitingnan ang dayami sa mata ng iyong kapatid,” ang tanong niya, “ngunit hindi mo isinasaalang-alang ang tahilan sa iyong sariling mata?” (Mateo 7:3) Ang dayami ay maliit lang, samantalang ang tahilan ay isang troso na ginagamit na biga ng bubong. Ang kaniyang punto? “Alisin mo muna ang tahilan mula sa iyong sariling mata, at kung magkagayon ay makikita mo nang malinaw kung paano aalisin ang dayami mula sa mata ng iyong kapatid.”—Mateo 7:5.
Sinimulan ni Jesus ang ilustrasyon sa babalang ito: “Huwag na kayong humatol, upang hindi kayo mahatulan; sapagkat sa hatol na inyong inihahatol ay hahatulan kayo.” (Mateo 7:1, 2) Kung gusto mong palampasin ng Diyos ang iyong mga pagkakamali—ang tahilan sa iyong mata—makabubuting palampasin mo rin ang mga kapintasan ng iyong kabiyak.—Mateo 6:14, 15.
Kung paano sinunod ng ilan ang payong ito: Si Jenny, na nakatira sa England at siyam na taon nang kasal kay Simon, ay nagsabi: “Ang madalas kong ikinaiinis sa aking mister ay ang pagiging ora-orada niya. Nakakapagtaka, kasi noong magkasintahan pa lang kami, gustung-gusto ko naman ang mga biglaang pagdedesisyon niya. Pero napag-isip-isip ko, may mga pagkakamali rin ako. Halimbawa, masyado akong dominante. Natututuhan na namin ni Simon na palampasin ang maliliit na pagkakamali ng isa’t isa.”
Si Curt, na asawa ni Michele, na binanggit kanina, ay nagsabi: “Kung ang nakakainis na mga katangian ng iyong asawa ang lagi mong titingnan, lalo lamang itong lálakí. Mas nagpopokus ako sa mga katangiang nagustuhan ko kay Michele.”
Ang Sekreto sa Tagumpay
Ipinakikita lamang ng mga nabanggit na halimbawa na hindi maiiwasan ng mga mag-asawa ang mga problema pero malulutas naman ang mga ito. Ano ang sekreto sa tagumpay? Ibigin ang Diyos at maging handang sundin ang payo na nasa kaniyang Salita, ang Bibliya.
Natuklasan nina Alex at Itohan, na taga-Nigeria at mahigit 20 taon nang kasal, ang sekretong ito. Sinabi ni Alex: “Natutuhan ko na halos lahat ng problema ng mga mag-asawa ay maaaring malutas kung susundin nila ang mga simulain sa Bibliya.” Ganito naman ang sabi ng kaniyang asawa: “Natutuhan namin na mahalaga ang regular na pananalanging magkasama at pagsunod sa payo ng Bibliya na ibigin nang taimtim ang isa’t isa at maging matiisin. Mas kaunti na ang problema namin ngayon kaysa noon.”
Gusto mo ba ng higit pang impormasyon kung paano makatutulong sa iyong pamilya ang praktikal na payo ng Salita ng Diyos? Kung gayon, hilingin sa mga Saksi ni Jehova na talakayin sa iyo ang kabanata 14 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. *
[Mga talababa]
^ par. 10 Binago ang ilang pangalan.
^ par. 63 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 4]
Naglalaan ba kami ng panahon sa isa’t isa?
[Larawan sa pahina 5]
Sinisikap ko bang magbigay nang higit kaysa sa tumanggap?
[Larawan sa pahina 6]
Sinisikap ko ba na ako ang unang makipag-ayos?
[Larawan sa pahina 7]
Kinokonsulta ko ba muna ang aking asawa bago magdesisyon?
[Larawan sa pahina 9]
Ang magagandang katangian ba ng aking asawa ang tinitingnan ko?