Ano ang Kaharian ng Diyos?
Ano ang Kaharian ng Diyos?
“Ang mabuting balitang ito ng kaharian . . .”—MATEO 24:14.
SA BANTOG na Sermon sa Bundok ni Jesus, itinuro niya ang isang huwarang panalangin, na humihiling sa Diyos: “Dumating nawa ang iyong kaharian.” Saulado at madalas na inuulit-ulit ng napakaraming tao ang panalanging iyan. Ayon sa isang ensayklopidiya, ito “ang pangunahing panalangin na ginagamit ng lahat ng Kristiyano sa pagsamba.” Pero hindi alam ng marami sa bumibigkas nito kung ano ang Kaharian o kung ano ang gagawin nito.—Mateo 6:9, 10.
Hindi kataka-taka iyan, dahil magkakaiba, nakalilito, at masalimuot ang paliwanag ng mga lider ng Sangkakristiyanuhan tungkol sa Kaharian. Isinulat ng isa sa kanila na ang Kaharian ng Diyos ay “isang bagay na gawa ng Diyos, . . . isang panloob na kaugnayan sa buháy na Diyos . . . , isang espirituwal na karanasan kung saan nakasusumpong ng kaligtasan ang mga tao.” Binigyang-kahulugan naman ng isa pa ang ebanghelyo ng Kaharian bilang “turo tungkol sa simbahan.” At sinasabi ng Catechism of the Catholic Church: “Ang kaharian ng Diyos [ay] katuwiran at kapayapaan at kagalakan sa Espiritu Santo.”
Mababasa mo ang mas malinaw na paliwanag hinggil dito sa pahina 2 ng magasing ito, na nagsasabi: “Wawakasan ng Kaharian ng Diyos, isang tunay na gobyerno sa langit, ang lahat ng kasamaan at gagawin nitong paraiso ang lupa.” Tingnan natin kung paano iyan sinusuportahan ng Bibliya.
Ang mga Mamamahala sa Buong Lupa
Ang kaharian ay isang gobyernong pinamamahalaan ng hari. Ang Hari sa Kaharian ng Diyos ay ang binuhay-muling si Jesu-Kristo. Ang pagluklok sa kaniya sa langit ay inilarawan sa isang pangitain na ibinigay kay propeta Daniel, na sumulat: “Patuloy akong nagmasid sa mga pangitain sa gabi, at, hayun! dumarating na kasama ng mga ulap sa langit ang isang gaya ng anak ng tao [si Jesus]; at sa Sinauna sa mga Araw [ang Diyos na Jehova] ay nakaparoon siya, at inilapit nila siya sa harap ng Isang iyon. At sa kaniya ay may ibinigay na pamamahala at dangal at kaharian, upang ang lahat ng mga bayan, mga liping pambansa at mga wika ay maglingkod sa kaniya. Ang kaniyang pamamahala ay isang pamamahalang namamalagi nang walang takda na hindi lilipas, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba.”—Daniel 7:13, 14.
Ipinakikita rin ng aklat ng Bibliya na Daniel na ang Kaharian ay matibay na itatatag ng Diyos, na wawakasan nito ang lahat ng gobyerno ng tao, at hindi ito kailanman maibabagsak. Sa kabanata 2, inilarawan ang isang panaginip ng hari ng Babilonya na pinangyari ng espiritu ng Diyos. Nakita niya roon ang isang napakalaking estatuwa, na kumakatawan sa sunud-sunod na kapangyarihang pandaigdig. Ipinaliwanag ni propeta Daniel ang panaginip na iyon. Sa “huling bahagi ng mga araw,” isinulat niya, “magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”—Daniel 2:28, 44.
Ang Hari sa Kaharian ng Diyos ay hindi mamamahalang mag-isa. Noong panahon ng ministeryo ni Jesus dito sa lupa, tiniyak niya sa kaniyang tapat na mga apostol na sila, kasama ng iba pa, ay bubuhaying muli sa langit at uupo sa mga trono. (Lucas 22:28-30) Hindi literal na mga trono ang tinutukoy ni Jesus sapagkat sinabi niyang ang Kaharian ay itatatag sa langit. Inilalarawan ng Bibliya na ang mga kasamang tagapamahalang ito ay mula sa “bawat tribo at wika at bayan at bansa.” Sila ay magiging isang “kaharian at mga saserdote sa ating Diyos, at mamamahala sila bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.”—Apocalipsis 5:9, 10.
Kung Bakit Mabuti ang Balita ng Kaharian
Pansinin na binigyan si Kristo Jesus ng pamamahala sa lahat ng “mga bayan, mga liping pambansa at mga wika” at ang mga kasama niya ay “mamamahala . . . bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.” Kung gayon, sino ang mga magiging sakop ng Kahariang ito? Ang mga tumatanggap sa mabuting balita na ipinangangaral sa ngayon. Kasama rin sa mga sakop nito ang mga bubuhaying muli sa lupa at may pag-asang mabuhay magpakailanman.
Detalyadong inilalarawan ng Bibliya ang mga pagpapalang tatamasahin ng mga tao sa ilalim ng Kaharian. Narito ang ilan:
“Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa. Ang busog ay binabali niya at pinagpuputul-putol ang sibat; ang mga karwahe ay sinusunog niya sa apoy.”—Awit 46:9.
“Tiyak na magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain.”—Isaias 65:21, 22.
“Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:3, 4.
“Sa panahong iyon ay madidilat ang mga mata ng mga bulag, at ang mga tainga ng mga bingi ay mabubuksan. Sa panahong iyon ay aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa, at ang dila ng pipi ay hihiyaw sa katuwaan.”—Isaias 35:5, 6.
“Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig [ni Jesus] at lalabas, yaong mga gumawa ng mabubuting bagay tungo sa pagkabuhay-muli sa buhay.”—Juan 5:28, 29.
“Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11.
Mabuting balita nga iyan! Karagdagan pa, ipinakikita ng natutupad na mga hula sa Bibliya na malapit nang itatag ng Kaharian ang matuwid na pamamahala nito sa buong lupa.