Isang Napakahalagang Hula
Isang Napakahalagang Hula
“Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—MATEO 24:14.
SUMASANG-AYON ang mga iskolar ng Bibliya na napakahalaga ng tekstong ito dahil ang gawaing inilalarawan dito ay isasagawa sa buong lupa. Binabanggit din nito ang pangangaral na dapat gawin ng mga Kristiyano bago dumating ang napakalaking pangyayari na tinawag ni Jesus na “ang wakas.”
Ang hulang ito ay natutupad na sa ngayon. Mahalaga ito sa iyo sapagkat ang mabuting balita ay kapuwa isang paanyaya at babala. Pinapipili ka nito: Tanggapin ang Kaharian ng Diyos o tanggihan ito. Buhay mo ang nakataya rito.
Isaalang-alang ang konteksto. Mga ilang araw bago ibayubay si Jesus, tinanong siya ng kaniyang mga alagad kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Interesado silang malaman ang tungkol sa pagtatatag ng Kaharian ng Diyos, na malimit banggitin ni Jesus. Gusto rin nilang malaman ang tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” o gaya ng ibang salin dito, “katapusan ng sanglibutan.”—Mateo 24:3, Ang Biblia.
Bilang sagot, inihula ni Jesus na magkakaroon ng malalaking digmaan, taggutom, salot, at malalakas na lindol. Sinabi rin niya na lalago ang kasamaan, maraming ililigaw ang huwad na mga guro ng relihiyon, at ang mga tunay na Kristiyano ay kapopootan at pag-uusigin. Masamang balita ang lahat ng ito.—Mateo 24:4-13; Lucas 21:11.
Pero may mabuting balita rin. Sumunod na binanggit ni Jesus ang mga salitang sinipi sa itaas, mga salitang nakapukaw ng interes ng mga tao at nagbigay sa kanila ng pag-asa sa loob ng daan-daang taon. Bagaman sang-ayon ang mga tao na mahalaga ang mga pananalita ni Jesus, hindi naman sila nagkakaisa sa kahulugan nito. Ano ba talaga ang mabuting balitang ito? Ano ba ang Kaharian? Kailan matutupad ang hulang ito, at sino ang tutupad nito? At ano “ang wakas”? Tingnan natin.
[Larawan sa pahina 2, 3]
Facsimile of the Washington Manuscript of Four Gospels. Ipinakikita ang[Credit Line]
Mula sa aklat na Facsimile of the Washington Manuscript of the Four Gospels in the Freer Collection 1912