Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Talaga Bang sa Krus Namatay si Jesus?

Talaga Bang sa Krus Namatay si Jesus?

Talaga Bang sa Krus Namatay si Jesus?

“ANG krus,” sabi ng isang ensayklopidiya, “ang pinakakilalang simbolo ng Kristiyanismo.” Sa maraming relihiyosong painting at mga gawang-sining, si Jesus ay inilalarawan na nakapako sa krus. Bakit napakalaganap ng simbolong ito sa Sangkakristiyanuhan? Talaga bang sa krus namatay si Jesus?

Para sa marami, nasa Bibliya ang sagot. Halimbawa, ayon sa Ang Biblia, nang papatayin na si Jesus, pinagtawanan siya ng mga nagmamasid at hinamon na ‘bumaba sa krus.’ (Mateo 27:40, 42) Gayon din ang mababasa sa maraming iba pang salin ng Bibliya. Sinasabi ng Magandang Balita Biblia tungkol kay Simon ng Cirene: “Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus.” (Marcos 15:21) Sa mga talatang ito, ang salitang “krus” ay isinalin mula sa salitang Griego na staurosʹ. May matibay na saligan ba ang pagkakasaling ito? Ano ang kahulugan ng orihinal na salitang staurosʹ?

Krus ba Ito?

Ayon sa iskolar na Griego na si W. E. Vine, ang staurosʹ ay “tumutukoy, pangunahin na, sa isang patindig na istaka o tulos. Ipinapako rito ang mga salarin upang patayin. Sa orihinal na paggamit, kapuwa ang pangngalan at pandiwang stauroō, ipako sa tulos o istaka, ay naiiba sa eklesyastikal na anyo ng krus na binubuo ng dalawang biga.”

Sinasabi ng The Imperial Bible-Dictionary na ang salitang staurosʹ ay “wastong ipangahulugan na tulos, tuwid na haligi, o istaka, na kung saan kahit ano ay maaaring ibitin, o kaya’y gamitin sa pagbabakod.” Idinagdag pa ng diksyunaryo: “Maging sa gitna ng mga Romano mula pa sa simula [lumilitaw] na ang crux (wikang Latin, na siyang pinagkunan ng ating krus) ay isang tuwid na haligi.” Kaya hindi kataka-takang sinasabi ng The Catholic Encyclopedia: “Sa paanuman, tiyak na ang orihinal na krus ay isang simpleng patayong poste, na matulis ang dulong itaas.”

May isa pang salitang Griego, ang xyʹlon, na ginamit ng mga manunulat ng Bibliya upang ilarawan ang ginamit sa pagpatay kay Jesus. Binibigyang-kahulugan ng A Critical Lexicon and Concordance to the English and Greek New Testament ang xyʹlon bilang “isang piraso ng kahoy, o tulos na kahoy.” Idinagdag pa nito na gaya ng staurosʹ, ang xyʹlon “ay isa lamang patindig na istaka o tulos kung saan ipinako ng mga Romano ang mga sinasabing pinatay sa krus.”

Kaayon nito, mababasa natin sa Gawa 5:30 ng Ang Biblia: “Ibinangon ng Dios ng ating mga magulang si Jesus, na siya ninyong pinatay, na ibinitin sa isang punong kahoy [xyʹlon].” Bagaman isinalin ng ibang bersiyon ang staurosʹ bilang “krus,” isinalin din nila ang xyʹlon bilang “punungkahoy.” Sa Gawa 13:29, ganito ang sinasabi ng The Jerusalem Bible tungkol kay Jesus: “Nang maisagawa na nila ang lahat ng bagay na inihula ng kasulatan tungkol sa kaniya ibinaba nila siya mula sa punungkahoy [xyʹlon] at inilibing siya.”

May kinalaman sa pangunahing kahulugan ng mga salitang Griego na staurosʹ at xyʹlon, sinasabi ng Critical Lexicon and Concordance, na sinipi sa itaas: “Ibang-iba ang dalawang salitang iyon sa modernong ideya ng isang krus na kilalá natin batay sa mga larawan.” Sa ibang salita, ang inilarawan ng mga manunulat ng Ebanghelyo gamit ang salitang staurosʹ ay hindi katulad ng tinatawag ng mga tao ngayon na krus. Kaya angkop lamang na “pahirapang tulos” ang ginagamit ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Mateo 27:40-42 at sa iba pang teksto kung saan lumilitaw ang salitang staurosʹ. Sa katulad na paraan, ginagamit ng Complete Jewish Bible ang pananalitang “pinagbitayang tulos.”

Ang Pinagmulan ng Krus

Kung hindi sinasabi ng Bibliya na sa krus pinatay si Jesus, bakit makikita sa mga gusali sa pagsamba ng mga nag-aangking nagtuturo at sumusunod sa Bibliya​—Katoliko, Protestante, at Ortodokso​—ang krus at ginagamit ito bilang simbolo ng kanilang pananampalataya? Bakit naging popular na simbolo ang krus?

Sapagkat ang krus ay sinasamba hindi lamang ng mga nag-aangking sumusunod sa Bibliya kundi maging ng mga taong hindi sumusunod sa Bibliya at na ang pagsamba ay nauna pa sa mga relihiyong “Kristiyano.” Inaamin ng maraming reperensiya sa relihiyon na ang paggamit ng iba’t ibang hugis at anyo ng krus ay mula pa noong panahon ng sinaunang sibilisasyon ng tao. Halimbawa, makikita sa mga hieroglyphic ng sinaunang Ehipto at sa mga larawan ng mga diyos at diyosa nito ang isang krus na hugis letrang T at may bilog sa itaas. Ito ay tinatawag na crux ansata, o krus na may hawakan, at sinasabing simbolo ng buhay. Nang maglaon, ang krus na ito ay malawakang ginamit ng Coptic Church at ng iba pang relihiyon.

Ayon sa The Catholic Encyclopedia, “ang sinaunang anyo ng krus ay waring ang tinatawag na ‘gamma’ krus (crux gammata), na mas kilala ng mga Orientalista at mga estudyante ng prehistoric archæology sa pangalan nitong Sanskrit na swastika.” Ito ay malawakang ginamit ng mga Hindu sa India at ng mga Budista sa buong Asia at nakikita pa rin sa mga dekorasyon at palamuti sa mga lugar na iyon.

Walang nakaaalam kung kailan eksaktong ginamit ang krus bilang isang simbolong “Kristiyano.” Sinasabi ng Expository Dictionary of New Testament Words ni Vine: “Noong kalagitnaan ng ika-3 siglo A.D., ang mga simbahan ay tumalikod, o kaya’y lumapastangan, sa ilang mga doktrina ng pananampalatayang Kristiyano. Upang palaguin ang prestihiyo ng apostatang sistema eklesyastikal, tinanggap ng simbahan ang mga pagano kahit na hindi pa nagpapanibagong-buhay sa kanilang pananampalataya, at sa kalakhan ay pinayagan silang panatilihin ang kanilang mga paganong tanda at sagisag,” kasali na ang krus.

Binabanggit ng ilang manunulat ang pag-aangkin ni Constantino, isang mananamba ng diyos-araw. Diumano, habang nasa isang kampanyang militar noong 312 C.E., may nakita siyang pangitain ng isang krus sa araw at may sawikain sa wikang Latin na “in hoc vince” (sa pamamagitan nito ay manakop ka). Nang maglaon, isang simbolong “Kristiyano” ang inilagay sa mga estandarte, kalasag, at baluti ng kaniyang hukbo. (Nasa gawing kaliwa ang larawan.) Sinasabing si Constantino ay nakumberte sa Kristiyanismo, bagaman 25 taon pa ang lumipas bago siya nabinyagan noong mamamatay na siya. Kinuwestiyon ng ilan ang kaniyang motibo. “Sa halip na sundin ang mga turo ni Jesus na Nazareno, sinikap niyang baguhin ang Kristiyanismo para tanggapin ito ng kaniyang mga sakop bilang isang relihiyong katoliko [para sa lahat],” ang sabi ng aklat na The Non-Christian Cross.

Mula noon, marami nang anyo at hugis ng krus ang ginamit. Halimbawa, sinasabi sa atin ng The Illustrated Bible Dictionary na ang tinatawag na St. Anthony’s cross “ay hugis malaking letrang T, at inaakala ng ilan na mula sa letrang tau, na simbolo ng diyos [ng mga taga-Babilonya] na si Tammuz.” Nariyan din ang St. Andrew’s cross, na hugis letrang X, at ang pamilyar na dalawang-bigang krus na ang pagkakakrus ay mas mababa. Ang krus na ito, na tinatawag na Latin cross, ay may-kamaliang pinaniniwalaan na “siyang hugis ng krus kung saan namatay ang ating Panginoon.”

Ang Pinaniniwalaan ng mga Unang-Siglong Kristiyano

Ipinakikita ng Bibliya na noong unang siglo, marami sa mga nakarinig kay Jesus ang nanampalataya sa kaniya at sa halaga ng pantubos na ibinigay niya sa pamamagitan ng kaniyang sakripisyong kamatayan. Pagkatapos mangaral ni apostol Pablo sa mga Judio sa Corinto, na pinatutunayang si Jesus ang Kristo, sinasabi ng Bibliya, “si Crispo na punong opisyal ng sinagoga ay naging isang mananampalataya sa Panginoon, at gayundin ang kaniyang buong sambahayan. At marami sa mga taga-Corinto na nakarinig ang nagsimulang maniwala at mabautismuhan.” (Gawa 18:5-8) Sa halip na magpasok ng mga relihiyosong simbolo o imahen sa kanilang pagsamba, itinuro ni Pablo sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano na ‘tumakas mula sa idolatriya’ at sa anumang gawaing may kaugnayan sa paganong pagsamba.​—1 Corinto 10:14.

Walang nakitang ebidensiya ang mga istoryador at mananaliksik na ang mga unang Kristiyano ay gumamit ng krus. Kapansin-pansin, sinipi ng aklat na History of the Cross ang isang manunulat noong huling bahagi ng ika-17 siglo, na nagtanong: “Matutuwa kaya ang pinagpalang si Jesus na makitang niluluwalhati ng Kaniyang mga alagad ang imahe ng instrumentong ginamit sa pagpatay sa kaniya kung saan [sinasabing] Siya ay nagtiis at nagdusa nang walang kasalanan, anupat hinahamak ang kahihiyan?” Ano ang sagot mo?

Hindi kailangan ang mga bagay o imahen sa pagsamba sa Diyos. “Anong pakikipagkasundo mayroon ang templo ng Diyos sa mga idolo?” ang tanong ni Pablo. (2 Corinto 6:14-16) Walang sinasabi ang Kasulatan na kapag sumasamba ang isang Kristiyano, dapat siyang gumamit ng instrumentong kawangis ng ginamit sa pagbayubay kay Jesus.​—Ihambing ang Mateo 15:3; Marcos 7:13.

Kung gayon, ano ang pagkakakilanlan ng mga tunay na Kristiyano? Hindi ang krus o anumang iba pang simbolo, kundi ang pag-ibig. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo ay ibigin din ninyo ang isa’t isa. Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”​—Juan 13:34, 35.

[Blurb sa pahina 19]

Ang inilarawan ng mga manunulat ng Ebanghelyo ay hindi katulad ng tinatawag ng mga tao ngayon na krus

[Larawan sa pahina 18]

Ika-17 siglong drowing ng isang ibinayubay sa staurosʹ, mula sa “De Cruce” ni Lipsius

[Larawan sa pahina 19]

Painting sa isang dingding sa Ehipto (mga ika-14 na siglo B.C.E.) na kakikitaan ng crux ansata, isang simbolo ng buhay

[Credit Line]

© DeA Picture Library/Art Resource, NY

[Larawan sa pahina 19]

Ang gamma cross sa Laxmi Narayan Hindu Temple

[Picture Credit Line sa pahina 20]

From the book The Cross in Tradition, History, and Art (1897)