Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Matuto Mula sa Salita ng Diyos

Ano ang Layunin ng Diyos Para sa Lupa?

Ano ang Layunin ng Diyos Para sa Lupa?

Tinatalakay ng artikulong ito ang mga tanong na maaaring naiisip mo at ipinakikita kung saan sa iyong Bibliya matatagpuan ang sagot. Nais ng mga Saksi ni Jehova na ipakipag-usap sa iyo ang mga sagot na ito.

1. Ano ang layunin ng Diyos para sa lupa?

Ang lupa ang tahanan ng tao. Pagkatapos lalangin ang mga anghel sa langit, nilalang ng Diyos ang tao para mamuhay nang maligaya sa lupa. (Job 38:4, 7) Kaya inilagay ni Jehova ang unang tao sa isang magandang paraiso na tinatawag na Eden at binigyan siya at ang kaniyang magiging mga supling ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa lupa.​—Genesis 2:15-17; basahin ang Awit 115:16.

Ang hardin ng Eden ay isang maliit na bahagi lamang ng lupa. Ang unang mag-asawang sina Adan at Eva ay magkakaroon ng mga anak. Habang lumalaki ang pamilya ng tao, gagawin nilang paraiso ang lupa. (Genesis 1:28) Hindi kailanman magugunaw ang lupa.​—Basahin ang Awit 104:5.

2. Bakit hindi paraiso ang lupa ngayon?

Sina Adan at Eva ay sumuway sa Diyos, kaya pinalayas sila sa Eden. Nawala na ang paraiso at hindi na ito naisauli ng tao. Sinasabi ng Bibliya: “Ang lupa mismo ay ibinigay sa kamay ng balakyot.”​—Job 9:24; basahin ang Genesis 3:23, 24.

Pero hindi nakalimutan ni Jehova ang kaniyang orihinal na layunin para sa sangkatauhan, ni mabibigo man siya. (Isaias 45:18) Isasakatuparan ng Diyos ang orihinal na layunin niya para sa mga tao.​—Basahin ang Awit 37:11.

3. Paano isasauli ng Diyos ang kapayapaan sa lupa?

Para magtamasa ng kapayapaan ang sangkatauhan, aalisin muna ng Diyos ang masasamang tao. Sa digmaan ng Armagedon, pupuksain ng mga anghel ng Diyos ang lahat ng lumalaban sa Diyos. Si Satanas ay ibibilanggo sa loob ng 1,000 taon, pero ang mga taong umiibig sa Diyos ay makaliligtas at mabubuhay sa isang bagong sistema ng mga bagay sa lupa.​—Basahin ang Apocalipsis 16:14, 16; 20:1-3; 21:3, 4.

4. Kailan magwawakas ang pagdurusa?

Sa loob ng 1,000 taon, pamamahalaan ni Jesus mula sa langit ang lupa at gagawin itong isang paraiso. Papawiin din niya ang mga kasalanan ng mga umiibig sa Diyos. Kaya wala nang magkakasakit, tatanda, at mamamatay.​—Basahin ang Isaias 11:9; 25:8; 33:24; 35:1.

Kailan pupuksain ng Diyos ang masasama sa lupa? Nagbigay si Jesus ng “tanda” na magpapakitang malapit na ang wakas. Dahil sa mga kalagayan sa daigdig sa ngayon, nanganganib ang buhay ng tao at ipinakikita nito na nabubuhay na tayo sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.”​—Basahin ang Mateo 24:3, 7-14, 21, 22; 2 Timoteo 3:1-5.

5. Sino ang maninirahan sa Paraiso sa hinaharap?

Inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na gumawa ng mga alagad at turuan sila na tularan ang pag-ibig ng Diyos. (Mateo 28:19, 20) Sa buong daigdig, inihahanda na ni Jehova ang milyun-milyong tao para mamuhay sa isang bagong sistema ng mga bagay sa lupa. (Zefanias 2:3) Sa mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, natututuhan ng mga tao kung paano magiging mas mabuting asawang lalaki at ama at kung paano magiging mas mabuting asawang babae at ina. Natututuhan ng mga anak at mga magulang ang saligan para maniwala sa mas mabuting kinabukasan.​—Basahin ang Mikas 4:1-4.

Sa Kingdom Hall, makikilala mo ang mga taong umiibig sa Diyos at gustong magpasaya sa kaniya.​—Basahin ang Hebreo 10:24, 25.

Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 3 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.