Hula 5. Pagkasira ng Lupa
Hula 5. Pagkasira ng Lupa
‘Ipapahamak ng Diyos yaong mga nagpapahamak sa lupa.’—APOCALIPSIS 11:18.
● Si Mr. Pirri ay isang tagakolekta ng tubâ sa Kpor, Nigeria. Lubhang naapektuhan ng malawakang pagtagas ng langis sa Niger Delta ang kaniyang hanapbuhay. “Namatay ang mga isda, nasira ang aming balat, nadumhan ang aming mga ilog,” ang sabi niya. “Wala na akong mapagkakakitaan.”
ANO ANG IPINAKIKITA NG MGA ULAT? Sinasabi ng ilang eksperto na taun-taon, 6.5 milyong tonelada ng basura ang napupunta sa mga karagatan. Tinatayang 50 porsiyento ng mga basurang iyon ay plastik, na aabutin nang daan-daang taon bago matunaw. Bukod sa pinarurumi ng mga tao ang Lupa, mabilis din nilang inuubos ang likas na yaman nito. Ayon sa mga pag-aaral, isang taon at limang buwan ang kailangan para makabawi ang Lupa mula sa nakonsumo ng tao sa loob ng isang taon. “Kung magpapatuloy ang kasalukuyang bilis ng pagkonsumo at pagdami ng populasyon, kakailanganin natin ang katumbas ng dalawang planetang Lupa pagsapit ng 2035,” ang ulat ng pahayagan sa Australia na Sydney Morning Herald.
ANO ANG KARANIWANG PAGTUTOL? Mapamaraan naman ang mga tao. Kaya malulutas natin ang mga problemang ito at masasagip ang daigdig.
MAKATUWIRAN BA ANG PAGTUTOL NA IYAN? Marami nang indibiduwal at grupo ang naglunsad ng mga kampanya tungkol sa mga isyu sa kapaligiran. Pero patuloy pa ring lumalala ang polusyon sa Lupa.
ANO SA PALAGAY MO? Kailangan bang makialam ang Diyos para sagipin ang ating planeta—gaya ng ipinangako niya?
Bukod sa limang hulang natalakay na, humula rin ang Bibliya ng mga positibong mangyayari sa mga huling araw. Tingnan ang isang halimbawa sa ikaanim na hula.
[Blurb sa pahina 8]
“Pakiramdam ko, ang dating malaparaisong pag-aari ko ay naging isa nang tambakan ng nakalalasong basura.”—SINABI NI ERIN TAMBER, ISANG RESIDENTE SA GULF COAST, ESTADOS UNIDOS, TUNGKOL SA EPEKTO NG PAGTAGAS NG LANGIS SA GULPO NG MEXICO NOONG 2010.
[Kahon sa pahina 8]
Ang Diyos ba ang Dapat Sisihin?
Yamang inihula ng Bibliya ang masasamang kalagayan sa ngayon, ibig bang sabihin, ang Diyos ang dapat sisihin sa mga ito? Siya ba ang dahilan ng pagdurusa natin? Makikita mo ang kasiya-siyang sagot sa mga tanong na iyan sa kabanata 11 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Picture Credit Line sa pahina 8]
U.S. Coast Guard photo