Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Susi sa Maligayang Pamilya

Mga Hamon sa mga Bagong Magulang

Mga Hamon sa mga Bagong Magulang

Charles: * “Tuwang-tuwa kami ni Mary nang isilang ang aming anak na babae. Pero noong unang mga buwan, lagi akong napupuyat. Marami kaming plano kung paano siya aalagaan at palalakihin, pero hindi namin ito nagawa.”

Mary: “Nang isilang ang anak namin, hindi ko na kontrolado ang buhay ko. Umikot na lang ito sa pagtitimpla ng gatas, pagpapalit ng lampin, at pagpapatahan sa bata. Napakalaking pagbabago nito. Mga buwan din ang lumipas bago bumalik sa dati ang relasyon namin ni Charles.”

SASANG-AYON ang marami na ang pagkakaroon ng anak ay isa sa pinagmumulan ng malaking kagalakan sa buhay. Inilalarawan ng Bibliya ang mga anak bilang “isang gantimpala” mula sa Diyos. (Awit 127:3) Alam din nina Charles at Mary na maaaring magbago sa di-inaasahang paraan ang kanilang buhay kapag nagkaroon na sila ng anak. Halimbawa, baka sa sanggol na lang magpokus ang ina at ikagulat niya kung paano niya nadarama at tinutugunan kahit ang maliliit na pangangailangan nito. Para naman sa bagong ama, baka mamangha siya sa buklod na namamagitan sa kaniyang mag-ina. Pero baka mag-alala rin siya na mapabayaan naman siya.

Sa katunayan, ang pagsilang ng panganay ay maaaring pagmulan ng problema ng mag-asawa. Ang mga ikinababahala at di-malutas-lutas na mga problema ay maaaring lumitaw at lumaki dahil sa mga hamon ng pagiging magulang.

Paano makapag-a-adjust ang mga bagong magulang sa mga unang buwan ng kanilang anak, kung kailan kailangan nito ang lahat ng atensiyon nila? Ano ang magagawa ng mag-asawa para manatiling malapít sa isa’t isa? Paano nila malulutas ang anumang di-pagkakasundo sa pagpapalaki ng anak? Isa-isahin natin ang mga hamong ito at tingnan kung paano makatutulong ang mga simulain ng Bibliya.

HAMON 1: Sa bata na umiikot ang inyong buhay.

Karaniwan nang sa sanggol na lang napupunta ang panahon at atensiyon ng isang ina. Maaari siyang makadama ng matinding kasiyahan sa pag-aalaga sa kaniyang anak. Baka madama naman ng kaniyang asawa na napapabayaan na siya. Sinabi ni Manuel na taga-Brazil: “Ang pinakamahirap para sa akin ay nang mapunta na sa anak namin ang atensiyon ng asawa ko. Dati’y kami lang dalawa, pero ngayon, sila nang dalawa.” Paano mo mahaharap ang malaking pagbabagong ito?

Isang susi sa tagumpay: Maging matiisin.

“Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait,” ang sabi ng Bibliya. Ang pag-ibig ay “hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan, hindi napupukaw sa galit.” (1 Corinto 13:4, 5) Paano masusunod ng mag-asawa ang payong iyan kapag nagkaanak na sila?

Sinisikap ng matalino at maibiging asawang lalaki na alamin ang pisikal at mental na epekto ng panganganak sa isang babae. Sa gayon, mauunawaan niya kung bakit maaaring maging sumpungin ang asawa niya. * Sinabi ni Adam na taga-Pransiya at ama ng isang 11-buwang-gulang na batang babae: “Hindi ko maintindihan ang misis ko kapag may sumpong siya. Pero sinisikap kong isipin na hindi naman talaga ako ang kinaiinisan niya. Nai-stress lang siya dahil sa aming bagong kalagayan.”

Kung minsan ba ay minamasama ng misis mo ang iyong mga pagsisikap na tumulong? Kung gayon, huwag agad maghinanakit. (Eclesiastes 7:9) Sa halip, matiyagang unahin ang kaniyang kapakanan, hindi ang sa iyo. Sa gayo’y maiiwasan mong magalit.​—Kawikaan 14:29.

Sisikapin naman ng maunawaing misis na patibayin ang kaniyang asawa sa bagong papel nito. Matiyaga niya itong tuturuan kung paano mag-alaga ng bata, magpalit ng lampin at magtimpla ng gatas​—kahit asiwa ito sa simula.

Napag-isip-isip ni Ellen, isang 26-anyos na ina, na kailangan niyang gumawa ng ilang pagbabago sa pakikitungo sa kaniyang asawa. “Hindi ko dapat ipagdamot ang pag-aalaga sa bata,” ang sabi niya. “Kailangan kong tandaan na hindi ako dapat na maging masyadong maselan kapag ginagawa ng mister ko ang aking mga mungkahi sa pag-aalaga sa bata.”

SUBUKAN ITO: Mga asawang babae, kapag magkaiba kayo ng paraan ng inyong mister sa pag-aalaga ng bata, iwasang pintasan siya o ulitin ang kaniyang ginawa. Purihin siya para magkaroon siya ng kumpiyansa at pasiglahin na suportahan ka. Mga asawang lalaki, bawasan ang panahong ginugugol ninyo sa di-mahahalagang bagay para makatulong kayo sa inyong asawa, lalo na sa unang mga buwan ng inyong anak.

HAMON 2: Nababawasan ang pagiging malapít ninyo sa isa’t isa.

Palibhasa’y lupaypay na dahil sa putul-putol na tulog at di-inaasahang mga problema, nahihirapan ang maraming bagong magulang na manatiling malapít sa isa’t isa. Sinabi ni Vivianne, isang inang Pranses na may dalawang anak: “Noong una, tutok na tutok ako sa papel ko bilang ina anupat halos malimutan ko na ang aking papel bilang asawa.”

Sa kabilang dako, baka hindi naman naiisip ng asawang lalaki ang pisikal at emosyonal na epekto sa kaniyang asawa ng pagdadalang-tao nito. Maaaring maubos sa sanggol ang panahon at lakas na dati ninyong inilalaan sa isa’t isa. Kaya paano matitiyak ng mag-asawa na hindi magsisilbing pader sa pagitan nila ang kanilang anak?

Isang susi sa tagumpay: Laging ipadama ang pagmamahal ninyo sa isa’t isa.

Ganito inilalarawan ng Bibliya ang pag-aasawa: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.” * (Genesis 2:24) Nilayon ng Diyos na Jehova na sa dakong huli ay iiwan ng mga anak ang kanilang mga magulang. Pero inaasahan naman ng Diyos na ang pagiging isang laman ng mag-asawa ay panghabang-buhay. (Mateo 19:3-9) Paano ito makatutulong sa mag-asawa na mapanatili ang tamang mga priyoridad?

Si Vivianne na sinipi kanina ay nagsabi: “Pinag-isipan ko ang mga salita sa Genesis 2:24, at nakatulong ang tekstong ito sa akin na maunawaang kami ng aking asawa​—hindi ng aking anak​—ang naging ‘isang laman.’ Nakita ko ang pangangailangang patibayin ang aming pagsasama.” Sinabi naman ni Theresa, ina ng dalawang-taóng-gulang na batang babae: “Kapag napansin kong napapalayo ako sa aking asawa, ibinibigay ko agad sa kaniya ang aking buong atensiyon, kahit sandali lang sa bawat araw.”

Kung ikaw ay isang asawang lalaki, ano ang puwede mong gawin para mapatibay ang inyong pagsasama? Sabihin mo sa iyong asawa na mahal mo siya. Patunayan ito sa pagiging malambing sa kaniya. Sikaping alisin ang anumang ikinababahala ng iyong asawa. Sinabi ni Sarah, isang 30-anyos na ina: “Kailangang malaman ng asawang babae na mahalaga pa rin siya at minamahal kahit nagbago na ang katawan niya dahil sa pagdadalang-tao.” Nakita ni Alan, taga-Alemanya at may dalawang anak na lalaki, ang pangangailangang maglaan ng emosyonal na suporta. Sinabi niya: “Lagi akong nasa tabi ng aking asawa kapag malungkot siya.”

Ang pagkakaroon ng anak ay nakaaapekto rin sa seksuwal na relasyon ng mag-asawa. Kaya kailangan nilang pag-usapan ang pangangailangan ng bawat isa. Binabanggit ng Bibliya na dapat ‘mapagkasunduan’ ng mag-asawa ang mga pagbabago sa kanilang seksuwal na relasyon. (1 Corinto 7:1-5) Baka atubili kayong pag-usapan ito dahil sa kulturang kinalakhan ninyo. Pero napakahalagang pag-usapan ito habang nag-a-adjust kayo sa pagiging magulang. Magpakita ng empatiya, tiyaga, at katapatan. (1 Corinto 10:24) Sa gayon, maiiwasan ninyo ang di-pagkakaunawaan at mapasisidhi ang inyong pag-ibig sa isa’t isa.​—1 Pedro 3:7, 8.

Mapasisidhi rin ng mag-asawa ang pag-ibig nila sa isa’t isa sa pamamagitan ng pagpapasalamat at pagpapahalaga. Alam ng matalinong asawang lalaki na hindi niya nakikita ang karamihan sa ginagawa ng isang bagong ina. Sinabi ni Vivianne: “Sa pagtatapos ng araw, pakiramdam ko’y wala akong nagawa​—kahit na abala ako sa pag-aalaga ng bata!” Sa kabilang banda, kahit abala ang asawang babae, hindi niya dapat maliitin ang nagagawa ng kaniyang asawa para sa pamilya.​—Kawikaan 17:17.

SUBUKAN ITO: Mga ina, kung posible, umidlip kayo kapag natutulog ang bata. Sa paggawa nito, “nare-recharge kayo,” wika nga, at nagkakaroon ng panahon para sa inyong asawa. Mga ama, kung posible, bumangon kayo sa gabi para magtimpla ng gatas o palitan ang lampin ng inyong anak upang makapagpahinga naman ang inyong asawa. Laging ipadama sa iyong asawa na mahal mo siya sa pamamagitan ng pagbibigay ng love notes, pagtetext, o pagtawag sa kaniya sa telepono. Bilang mag-asawa, maglaan ng panahon para makapag-usap nang sarilinan. Pag-usapan ninyo ang tungkol sa inyong sarili, hindi lamang ang tungkol sa inyong anak. Panatilihing matibay ang inyong pagkakaibigan, sa gayo’y mas mahaharap ninyo ang mga hamon ng pagiging magulang.

HAMON 3: Hindi kayo magkasundô sa pagpapalaki ng anak.

Maaaring magtalo ang mag-asawa dahil sa kanilang mga kinalakhan. Ganito ang naging problema ng Haponesang si Asami at ng kaniyang asawang si Katsuro. Sinabi ni Asami: “Para sa akin, napakaluwag ni Katsuro sa pagdidisiplina sa aming anak na babae. Para naman sa kaniya, napakahigpit ko.” Paano ninyo maiiwasan ang ganitong problema?

Isang susi sa tagumpay: Mag-usap at suportahan ang isa’t isa.

Ang matalinong hari na si Solomon ay sumulat: “Dahil sa kapangahasan ang isa ay lumilikha lamang ng pagtatalo, ngunit sa mga nagsasanggunian ay may karunungan.” (Kawikaan 13:10) Kilalá mo ba ang iyong asawa pagdating sa pagpapalaki ng anak? Kung hihintayin pa ninyo ang pagsilang ng inyong anak bago pag-usapan ang espesipikong mga isyu tungkol sa pagsasanay sa anak, baka pag-awayan ninyo ito sa halip na malutas ang problema.

Halimbawa, ano kaya ang sagot ninyo sa sumusunod na mga tanong: “Paano namin matuturuan ang aming anak na magkaroon ng mabuting kaugalian sa pagkain at pagtulog? Dapat ba naming laging kargahin ang bata kapag umiiyak ito sa gabi? Paano namin sasanayin ang aming anak sa paggamit ng toilet?” Siyempre pa, ang mga desisyon ninyo ay iba sa ibang mag-asawa. Sinabi ni Ethan na may dalawang anak: “Kailangan ninyong pag-usapan ang mga bagay-bagay. Sa gayon, pareho ninyong matutugunan ang pangangailangan ng inyong anak.”

SUBUKAN ITO: Isipin ang paraan ng pagpapalaki sa iyo ng iyong mga magulang. Piliin kung ano lang ang tutularan mo at ipakipag-usap ito sa iyong asawa.

Magandang Epekto ng Pagkakaroon ng Anak

Kung paanong kailangan ng panahon at tiyaga ng magkapartner sa sayaw upang maging maganda ang kanilang pagsasayaw, kailangan din ninyo ng panahon para mag-adjust sa inyong bagong papel bilang mga magulang. Sa dakong huli, magkakaroon din kayo ng kumpiyansa.

Masusubok din ng pagpapalaki sa anak ang inyong dedikasyon sa isa’t isa at babaguhin nito ang pagsasama ninyong mag-asawa. Pero magbibigay rin ito sa inyo ng pagkakataong maglinang ng magagandang katangian. Kung susundin ninyo ang matalinong payo ng Bibliya, mararanasan din ninyo ang naranasan ni Kenneth. Sinabi niya: “Nakatulong sa amin ang pagpapalaki sa aming mga anak. Hindi na kami gaanong makasarili ngayon, at naging mas maibigin kami at maunawain.” Talagang may magandang epekto sa mag-asawa ang pagkakaroon ng anak.

^ par. 3 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

^ par. 11 Maraming ina ang nagkakaroon ng bahagyang depresyon mga ilang linggo pagkapanganak. Ang ilan naman ay nagkakaroon ng mas malubhang depresyon na tinatawag na postpartum depression. Para sa impormasyon kung paano malalaman at makakayanan ang ganitong hamon, tingnan ang mga artikulong “Napaglabanan Ko ang ‘Postpartum Depression,’” sa Gumising!, isyu ng Hulyo 22, 2002, at “Pag-unawa sa Postpartum Depression,” sa Gumising!, isyu ng Hunyo 8, 2003, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 19 Ayon sa isang reperensiya, ang pandiwang Hebreo na isinaling “pipisan” sa Genesis 2:24 ay maaaring ‘mangahulugan ng pangungunyapit sa isa taglay ang pagmamahal at pagkamatapat.’

TANUNGIN ANG SARILI . . .

  • Ano ang nagawa ko noong isang linggo upang maipakita sa aking asawa na pinahahalagahan ko ang ginagawa niya para sa pamilya?

  • Kailan ako huling nakipag-usap nang puso-sa-puso sa aking asawa at hindi binabanggit ang tungkol sa pagpapalaki sa anak?