Alam Mo Ba?
Alam Mo Ba?
Ano ang matututuhan natin sa panunuluyan ni apostol Pedro sa bahay ng isang mangungulti bago siya pinapunta kay Cornelio?
▪ Ayon sa Mga Gawa, si Pedro ay nanatili “nang maraming araw sa Jope kasama ng isang Simon, na isang mangungulti,” na “may bahay sa tabi ng dagat.” (Gawa 9:43; 10:6) Para sa mga Judio, ang trabaho ng isang mangungulti (gumagawa ng katad) ay marumi at hamak. Sinasabi sa Talmud na ang mga mangungulti ay mas mababa pa sa mga tagakolekta ng dumi ng hayop. Dahil sa kaniyang trabaho, si Simon ay laging humahawak ng patay na hayop, kaya lagi siyang marumi sa seremonyal na paraan. (Levitico 5:2; 11:39) Ayon sa ilang reperensiya, malamang na gumagamit si Simon ng tubig-dagat, at ang kaniyang pagawaan ay nasa labas ng bayan dahil ang pangungulti ay “mabahong proseso.”
Sa kabila nito, maliwanag na nanuluyan pa rin si Pedro kay Simon. Ipinakikita nito na gaya ni Jesus, marahil si Pedro ay hindi na rin nakikiayon sa pagtatangi ng mga Judio sa mga taong itinuturing na marumi.—Mateo 9:11; Lucas 7:36-50.
Ano ang ibig sabihin ng pananalita ni Jesus na “ikaw mismo ang nagsabi nito”?
▪ Nang utusan ni Caifas, mataas na saserdote ng mga Judio, si Jesus na ihayag kung siya nga ang Kristo na Anak ng Diyos, sumagot si Jesus: “Ikaw mismo ang nagsabi nito.” (Mateo 26:63, 64) Ano ang ibig niyang sabihin?
Hindi naman iniiwasan ni Jesus ang tanong ni Caifas. Lumilitaw na ang pananalitang “ikaw mismo ang nagsabi nito” ay isang karaniwang idyoma ng mga Judio na ang ibig sabihin ay “oo.” Halimbawa, ang Jerusalem Talmud, isang relihiyosong akda ng mga Judio na nabuo noong ikaapat na siglo C.E., ay bumabanggit tungkol sa isang lalaking Judio na nang tanungin kung namatay ang isang rabbi ay sumagot: “Ikaw ang nagsabi nito.” Itinuturing itong kompirmasyon na talaga ngang patay na ang rabbi.
Kinilala ni Jesus ang awtoridad ng mataas na saserdote na papanumpain siya na magsabi ng totoo. Isa pa, kung tatahimik na lamang si Jesus, baka isipin nito na ikinakaila niya na siya ang Kristo. Kaya ang sagot ni Jesus kay Caifas na “ikaw mismo ang nagsabi nito” ay nangangahulugang “oo.” Sa ulat ni Marcos, nang hamunin ni Caifas si Jesus na sabihin kung Siya nga ang Mesiyas, buong-tapang na sumagot si Jesus: “Ako nga.”—Marcos 14:62; tingnan din ang Mateo 26:25 at Marcos 15:2.
[Larawan sa pahina 18]
Isang kultihan sa Fez, Morocco