Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Trahedyang Bumago sa Aking Pangarap

Isang Trahedyang Bumago sa Aking Pangarap

Isang Trahedyang Bumago sa Aking Pangarap

Ayon sa salaysay ni Zoya Dimitrova

Sa edad na 15, natupad na ang aking pangarap​—maligaya akong nagtatanghal sa sirkus at naglalakbay sa iba’t ibang lugar. Pero noong Setyembre 4, 1970, nangyari ang isang trahedya. Habang nasa ere, bigla na lang akong bumagsak.

ISINILANG ako noong Disyembre 16, 1952, at nakatira kami ng aking mga magulang at ng ate ko sa Sofia, Bulgaria. Ang Bulgaria noon ay isang bansang Komunista na hindi pabor sa relihiyon pero hindi naman ito ipinagbabawal. Hindi naniniwala sa Diyos ang karamihan ng tao. Kung may naniniwala man sa Diyos ay inililihim nila ito. Bagaman inaangkin ng pamilya ko na Ortodokso sila, hindi nila ako pinalaki sa relihiyong ito at hindi ako naniniwala sa Diyos.

Mula pagkabata, interesado na ako sa lahat ng isports lalo na sa gymnastics. Nang ako ay 13 anyos, isang lalaki ang dumating sa aming paaralan upang maghanap ng isang batang babae na sasanayin para sa sirkus. Inirekomenda ako ng aking guro sa gymnastics. Tuwang-tuwa akong makasakay sa kotse ng manedyer, isang kotseng gawa sa Amerika, patungo sa mga interbyu at pagsubok ng isang grupo ng mga tagasanay. Tuwang-tuwa ako nang mapili ako. Ito ang pasimula ng puspusang pagsasanay na tumagal nang mahigit dalawang taon. Natapos ito nang ako ay 15 anyos at nagsimula na akong maglakbay sa iba’t ibang lugar kasama ng sirkus. Naglakbay muna ako sa buong Bulgaria at pagkatapos ay sa mga bansa ng dating Unyong Sobyet at maging sa Algeria, Hungary, at dating Yugoslavia.

Maligayang-maligaya ako sa loob ng tatlong taon dahil naabot ko na ang aking pangarap. Pagkatapos, habang nagtatanghal ako sa Titov Veles, Macedonia, nangyari ang aksidenteng binanggit sa pasimula. Sumisirko ako sa ere. Inihahagis ako at saka sinasalo ng aking partner na nakabitin nang patiwarik. Pero hindi ko nahawakan ang kaniyang mga kamay, at naputol ang aking tali. Kaya mula sa taas na anim na metro, bigla akong bumagsak. Isinugod ako sa ospital, at nagkaroon ako ng bali sa braso, mga tadyang, at gulugod. Tulala ako sa loob ng ilang araw at wala akong maalaala sa nangyari. Nang gumaling-galing na ako, nalaman kong paralisado pala ako mula baywang pababa. Pero palibhasa’y nasa kabataan pa, umaasa akong sa pamamagitan ng terapi o operasyon, muli akong makalalakad at makapagtatanghal sa sirkus.

Nang sumunod na dalawa at kalahating taon, ginamot ako sa ilang sanatorium sa pag-asang makalalakad pa ako. Nang maglaon, natanggap ko na ring naglaho nang parang bula ang aking pangarap. Ngayon, imbes na makarating sa iba’t ibang lugar​—matatali na ako sa silyang de-gulong.

Pasimula ng Isang Bagong Buhay

Dahil aktibung-aktibo ako noon, nahirapan akong mag-adjust. Nawalan na ako ng pag-asa at nadepres. Pagkatapos, noong 1977, dumalaw sa aking bahay ang kabataang lalaki na si Stoyan. Nang malaman kong kapatid pala siya ng dati kong kasamahan sa sirkus, agad ko siyang pinapasok. Sa aming pag-uusap, tinanong niya ako kung makalalakad pa akong muli. Palibhasa’y dismayado at nasisiraan na ng loob, sinabi kong wala na akong pag-asa. Nang sabihin niya sa akin na ang Diyos lamang ang makatutulong sa akin, may-paghihinanakit na sinabi ko, “Eh, kung may Diyos, bakit ako nagkaganito?”

May-kabaitang ipinaliwanag sa akin ni Stoyan ang kamangha-manghang mga pangako ng Bibliya sa hinaharap. Siya ay naging Saksi ni Jehova kamakailan habang nagtatanghal sa sirkus sa Estados Unidos. Tuwang-tuwa akong malaman na malapit nang maging paraiso ang lupa. Naantig ako sa pangako na “hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” (Apocalipsis 21:4) Gustung-gusto ko nang gumaling! Pumayag agad ako na mag-aral ng Bibliya. Iyan ang pasimula ng isang bagong buhay para sa akin. Sa wakas, nasumpungan ko ang tunay na pag-asa!

Linggu-linggo, pinananabikan ko ang aking pag-aaral ng Bibliya. Sa simula, si Stoyan ang nagturo sa akin at pagkatapos ay si Totka, isang napakabait na babaing Saksi. Sa tulong niya, mabilis na sumulong ang kaalaman ko sa Bibliya, at inialay ko ang aking buhay sa Diyos na Jehova. Nang panahong iyon, walang kuwalipikadong magbautismo sa Sofia, kaya kailangan kong hintayin ang pagdalaw ng isang brother mula sa Macedonia. Noong Setyembre 11, 1978, mga isang taon pagkatapos kong magsimulang mag-aral ng Bibliya, nabautismuhan ako bilang Saksi ni Jehova sa bathtub ng aking apartment. Nagdulot ito sa akin ng malaking kagalakan, at naging makabuluhan ang aking buhay.

Dahil sa mga katotohanang natutuhan ko mula sa Bibliya, may-pananabik kong ibinabahagi ang aking pag-asa sa lahat ng pumupunta sa bahay ko. Nakalulungkot nga lamang, parang hindi nila ako sineseryoso. Marahil iniisip nila na naapektuhan ng aksidente ang isip ko.

Isang Mabigat na Pagkakamali

Nang panahong iyon, bawal sa Bulgaria ang gawain ng mga Saksi ni Jehova, at iilan lamang ang Saksi. Wala akong madaluhang pagpupulong ng kongregasyon, at hindi ko halos nakakasama ang aking mga kapananampalataya. Hindi ko rin natanto ang panganib ng pagiging malapít sa mga hindi namumuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya, kaya nakagawa ako ng isang mabigat na pagkakamali.

Hindi ako pinatahimik ng aking budhi. Napakasakit palang mapahiwalay sa Diyos na Jehova. Sa tindi ng aking panlulumo at hiya, ibinuhos ko kay Jehova sa panalangin ang nilalaman ng aking puso, na nagmamakaawang patawarin niya ako. Nang maglaon, sa tulong ng mga maibiging Kristiyanong elder, nanumbalik ang mabuting kaugnayan ko kay Jehova at kagalakan sa paglilingkod sa kaniya. Talagang pinahahalagahan ko ang pribilehiyong maglingkod kay Jehova nang may malinis na budhi at makasama ng kaniyang malinis na organisasyon!

Maligaya sa Kabila ng mga Limitasyon

Gumuho ang pangarap ko na magtanghal at maglakbay sa iba’t ibang lugar nang maaksidente ako 40 taon na ang nakalipas. Dahil dito, natali na ako sa isang silyang de-gulong. Gayunman, hindi ko ikinalulungkot at pinagsisisihan ang nangyari sa buhay ko. Sa tulong ng Bibliya, napag-isip-isip kong ang aking pangarap na kaligayahan sa buhay sa sirkus ay panandalian lamang. Nasaksihan ko ang masaklap na kabiguan ng dati kong mga katrabaho sa sirkus. Sa kabilang dako naman, nasumpungan ko ang pinakamalaking kayamanan​—ang kaugnayan ko sa aking Maylalang, ang Diyos na Jehova. Ito ang nagdulot sa akin ng higit na kaligayahan kaysa sa buhay sa sirkus.

Bukod diyan, natutuwa akong makita ang maraming iba pa na natuto ng katotohanan sa Bibliya at nag-alay ng kanilang buhay sa ating maibiging Diyos, si Jehova. Nang mag-aral ako ng Bibliya noong 1977, iilan lamang ang mga Saksi ni Jehova sa Bulgaria. Kahit noong 1991, nang bumagsak ang rehimeng Komunista at unang mairehistro ang mga Saksi ni Jehova, mahigit lamang 100 ang mga Saksi sa buong bansa. Tuwang-tuwa akong makita ang patuloy na pagdami ng mamamahayag ng Kaharian hanggang sa kasalukuyang pinakamataas na bilang nito na halos 1,800!

Malaki pa ang gawain sa Bulgaria. Marami ang gustong matuto tungkol sa Salita ng Diyos. Makikita ito sa 3,914 na dumalo noong 2010 Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Gustung-gusto kong bulay-bulayin ang katibayang ito na pinagpapala ni Jehova ang maliit na pasimula sa Bulgaria. Kitang-kita kong “ang maliit” ay naging “makapangyarihang bansa,” gaya ng inihula sa Isaias 60:22.

Isa pang kagalakan para sa akin ang paglalabas ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Bulgarian noong Agosto 2009 sa “Patuloy na Magbantay!” na Pandistritong Kombensiyon sa Sofia. Ang paglalabas ng Bibliyang ito sa sarili kong wika ay isang pangarap na natupad! Tiyak na makatutulong ito sa maraming iba pa sa Bulgaria na matuto ng katotohanan sa Bibliya.

Bagaman nalilimitahan ng aking kapansanan ang pangangaral ko ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, maligayang-maligaya ako na ibahagi ang katotohanan ng Bibliya sa aking mga kapitbahay at sa sinumang dumadalaw sa akin. Minsan, mula sa balkon ay tinawag ko ang isang kapitbahay na nagdaraan. Tinanggap niya ang aking paanyaya na pumasok sa bahay ko. Ibinahagi ko sa kaniya ang ilang nakapagpapatibay na katotohanan mula sa Bibliya at agad niyang tinanggap ang alok ko na pag-aaral sa Bibliya. Tuwang-tuwa ako nang mabautismuhan siya at naging aking kapananampalataya. Nakatulong ako sa apat na tao na mag-alay ng kanilang buhay kay Jehova.

Ang pinagmumulan ng aking pinakamalaking kaligayahan at pampatibay-loob ay ang regular na pagdalo sa Kristiyanong pagpupulong kasama ng mahigit sandaang kapatid, na naging parang pamilya ko na. Dahil walang pantanging transportasyon para sa mga may-edad at may-kapansanan sa Bulgaria, nahihirapan akong dumalo sa mga pulong. Pero labis akong nagpapasalamat sa isang maibiging kabataang brother. Tuwing pulong, binubuhat niya ako mula sa aking apartment patungo sa kaniyang kotse. Inihahatid niya ako sa Kingdom Hall at pauwi. Nagpapasalamat ako kay Jehova dahil naging bahagi ako ng maibiging pamilya ng mga sumasamba sa kaniya!

Kapag ginugunita ko ang nakaraan, nakikita kong ibang-iba ang naging buhay ko mula sa pangarap ko noong aking kabataan. Ang paglilingkod kay Jehova ay nagdulot sa akin ng malaking kaligayahan ngayon pa lamang at ng kamangha-manghang pag-asa sa hinaharap. Pinahahalagahan ko ang pangako ng Diyos na sa paraisong lupa, “aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa.” (Isaias 35:6) Inaasam-asam ko ang araw na lulukso ako mula sa aking silyang de-gulong, malusog at masigla.

[Blurb sa pahina 30]

“Ang pinagmumulan ng aking pinakamalaking kaligayahan at pampatibay-loob ay ang regular na pagdalo sa Kristiyanong pagpupulong”

[Blurb sa pahina 31]

“Isa pang kagalakan para sa akin ang paglalabas ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Bulgarian”

[Larawan sa pahina 29]

Nagsimula akong magtanghal sa edad na 15