Mabuting Balita Para sa Mahihirap
Mabuting Balita Para sa Mahihirap
TINITIYAK sa atin ng Salita ng Diyos: “Hindi laging malilimutan ang dukha.” (Awit 9:18) Sinasabi rin ng Bibliya tungkol sa ating Maylalang: “Binubuksan mo ang iyong kamay at sinasapatan mo ang nasa ng bawat bagay na may buhay.” (Awit 145:16) Ang pag-asang ito na nasa Salita ng Diyos ay hindi panaginip lamang. Mailalaan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang kailangan para magwakas ang kahirapan. Ano ba ang kailangan ng mahihirap?
Sinabi ng isang ekonomista sa Aprika na ang mahihirap na bansa ay nangangailangan ng isang “mabait na diktador.” Ibig sabihin, para magwakas ang kahirapan, kailangan ang isa na may kapangyarihang gumawa ng mga pagbabago at magsasagawa nito sa mabait na paraan. Kailangang siya rin ang namamahala sa buong daigdig yamang ang matinding kahirapan ay kadalasang bunga ng di-pantay na yaman sa mga bansa. Bukod diyan, dapat na kaya ring lutasin ng tagapamahalang iyon ang ugat ng kahirapan—ang likas na kasakiman ng tao. Mayroon bang gayong tagapamahala?
Isinugo ng Diyos si Jesus upang magpahayag ng mabuting balita sa mahihirap. Nang basahin ni Jesus ang atas niya mula sa Diyos, sinabi niya: “Ang espiritu ni Jehova ay sumasaakin, sapagkat pinahiran niya ako upang magpahayag ng mabuting balita sa mga dukha.”—Lucas 4:16-18.
Ano ang Mabuting Balita?
Inatasan ng Diyos si Jesus bilang Hari. Mabuting balita nga ito. Siya ang ulirang Tagapamahala na mag-aalis sa kahirapan sapagkat (1) mamamahala siya sa buong sangkatauhan at makapangyarihan siya; (2) mahabagin siya sa mahihirap at tinuturuan niya ang kaniyang mga tagasunod na pangalagaan sila; at (3) kaya niyang alisin ang ugat ng kahirapan, ang ating minanang tendensiya na maging sakim. Suriin natin ang tatlong aspektong ito ng mabuting balita.
1. Mamamahala si Jesus sa lahat ng bansa Sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol kay Jesus: “Sa kaniya ay may ibinigay na pamamahala . . . upang ang lahat ng mga bayan, mga liping pambansa at mga wika ay maglingkod sa kaniya.” (Daniel 7:14) Naiisip mo ba ang mga pakinabang kung isang gobyerno lang ang mamamahala sa lahat ng tao? Wala nang alitan at pag-aagawan sa yaman ng lupa. Ang lahat ay makikinabang. Tiniyak mismo ni Jesus na siya ay magiging Tagapamahala ng daigdig na may kapangyarihang wakasan ang kahirapan. Sinabi niya: “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.”—Mateo 28:18.
2. Mahahabag si Jesus sa mahihirap Sa buong ministeryo ni Jesus sa lupa, nahabag siya sa mahihirap. Halimbawa, isang babaing naubos na ang pera sa pagpapagamot ang humipo sa kasuutan ni Jesus sa pag-asang siya’y gagaling. Sa loob ng 12 taon, pinahirapan siya ng kaniyang sakit na pag-agas ng dugo at dahil dito’y tiyak na anemik na siya. Ayon sa Kautusan, ang sinumang mahipo niya ay magiging marumi. Pero naging mabait sa kaniya si Jesus. Sinabi niya: “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Yumaon kang payapa, at magkaroon ka ng mabuting kalusugan mula sa iyong nakapipighating sakit.”—Marcos 5:25-34.
Kayang baguhin ng mga turo ni Jesus ang puso ng mga tao upang sila rin ay maging mahabagin. Halimbawa, pansinin ang sagot ni Jesus sa lalaking nagtanong kung paano mapasasaya ang Diyos. Alam ng lalaking iyon na gusto ng Diyos na ibigin natin ang ating kapuwa, kaya tinanong niya si Jesus: “Sino ba talaga ang aking kapuwa?”
Bilang sagot, inilahad ni Jesus ang kilaláng ilustrasyon tungkol sa isang taong naglalakbay Lucas 10:25-37.
mula sa Jerusalem patungong Jerico na ninakawan at iniwang “halos patay na.” Isang saserdote ang dumaan ngunit iniwasan ito. Gayundin ang ginawa ng isang Levita. “Ngunit isang Samaritano na naglalakbay sa daang iyon ang dumating sa kaniya at, sa pagkakita sa kaniya, siya ay nahabag.” Nilinis niya ang mga sugat nito, dinala sa isang bahay-tuluyan, at binayaran ang may-ari upang alagaan ito. “Sino . . . ang naging kapuwa ng taong nahulog sa kamay ng mga magnanakaw?” ang tanong ni Jesus. “Ang isa na kumilos nang may awa,” ang sagot ng lalaki. Saka sinabi ni Jesus: “Gayundin ang gawin mo.”—Pinag-aaralan ng mga nagiging Saksi ni Jehova ang mga turong iyon ni Jesus at binabago ang kanilang saloobin sa pagtulong sa mga nangangailangan. Halimbawa, sa aklat na Women in Soviet Prisons, isinulat ng awtor na taga-Latvia ang tungkol sa kaniyang pagkakasakit habang nagtatrabaho sa bilangguan sa Potma noong kalagitnaan ng dekada ng 1960. “Noong may sakit ako, inalagaan akong mabuti [ng mga Saksi]. Napakagaling nilang mag-alaga.” Sinabi pa niya: “Para sa mga Saksi ni Jehova, tungkulin nilang tulungan ang lahat, anuman ang relihiyon o nasyonalidad ng mga ito.”
Nang mawalan ng trabaho o kinikita ang ilang Saksi ni Jehova sa Ancón, Ecuador dahil sa krisis, tinulungan sila ng kanilang mga kapuwa Saksi. Nagluluto ang mga ito ng pagkain upang ipagbili sa mga mangingisdang inaabot nang magdamag sa laot (larawan sa kanan). Nagtulung-tulong ang lahat sa kongregasyon, pati ang mga bata. Nagsisimula sila ng ala-una ng umaga para handa na ang pagkain pagdating ng mga bangka nang alas-kuwatro. Ang perang nalilikom ng mga Saksi ay ibinabahagi ayon sa pangangailangan ng bawat isa.
Ipinakikita ng mga karanasang ito na talagang kayang baguhin ng halimbawa at mga turo ni Jesus ang saloobin ng mga tao upang tulungan ang mga nangangailangan.
3. Babaguhin ni Jesus ang makasalanang tendensiya ng tao Tinatanggap nating lahat na ang tao ay may tendensiyang maging sakim. Tinatawag ito ng Bibliya na kasalanan. Maging si apostol Pablo ay sumulat: “Nasusumpungan ko, kung gayon, ang kautusang ito sa aking kalagayan: na kapag nais kong gawin ang tama, yaong masama ay narito sa akin.” Sinabi pa niya: “Sino ang sasagip sa akin mula sa katawan na dumaranas ng kamatayang ito? Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.” (Roma 7:21-25) Tinukoy rito ni Pablo kung paano ililigtas ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus ang tunay na mga mananamba mula sa minanang makasalanang mga tendensiya. Isa na rito ang kasakiman, ang ugat ng kahirapan. Paano?
Pagkatapos ng bautismo ni Jesus, ipinakilala siya ni Juan na Tagapagbautismo sa mga naroroon: “Tingnan ninyo, ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!” (Juan 1:29) Hindi na magtatagal, ang lupa ay mapupuno ng mga taong pinalaya na mula sa minanang kasalanan, pati na sa tendensiya na unahin ang kanilang sariling interes. (Isaias 11:9) Pagdating ng panahong iyon, naalis na ni Jesus ang ugat ng kahirapan.
Nakatutuwang isipin na darating ang panahon na masasapatan na ang lahat ng ating pangangailangan! Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Uupo sila, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila.” (Mikas 4:4) Inilalarawan nito ang panahon kapag ang lahat ay may katiwasayan, makabuluhang trabaho, at masayang naninirahan sa isang daigdig na wala nang kahirapan, sa kapurihan ni Jehova.