Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Matuto Mula sa Salita ng Diyos

May Pag-asa ba ang mga Patay?

May Pag-asa ba ang mga Patay?

Tinatalakay ng artikulong ito ang mga tanong na maaaring naiisip mo at ipinakikita kung saan sa iyong Bibliya matatagpuan ang sagot. Nais ng mga Saksi ni Jehova na ipakipag-usap sa iyo ang mga sagot na ito.

1. Ano ang pag-asa ng mga patay?

Nang dumating si Jesus sa Betania malapit sa Jerusalem, apat na araw nang patay ang kaniyang kaibigang si Lazaro. Pinuntahan ni Jesus ang libingan ni Lazaro, kasama ang mga kapatid nito na sina Marta at Maria. Di-nagtagal ay dumating ang maraming tao. Naiisip mo ba kung gaano kasaya sina Marta at Maria nang buhaying muli ni Jesus si Lazaro?​—Basahin ang Juan 11:20-24, 38-44.

Naniniwala si Marta na mabubuhay-muli ang mga patay. Mula’t sapol, alam na ng mga tapat na lingkod ni Jehova na bubuhayin niyang muli sa lupa ang mga patay.​—Basahin ang Job 14:14, 15.

2. Ano ang kalagayan ng mga patay?

Bagaman ang mga tao at hayop ay nananatiling buháy dahil sa puwersa ng buhay, o “espiritu,” hindi tayo mga espiritung naninirahan lamang sa katawang laman. (Eclesiastes 3:19; Genesis 7:21, 22) Tayo ay mga nilalang na gawa sa alabok. (Genesis 2:7; 3:19) Kapag namatay ang ating utak, ang ating pag-iisip ay naglalaho. Kaya naman, matapos buhaying muli si Lazaro, wala siyang anumang binanggit na naranasan niya habang patay siya, sapagkat ang mga patay ay walang kabatiran o nalalaman.​—Basahin ang Awit 146:4; Eclesiastes 9:5, 10.

Maliwanag, ang mga patay ay hindi naghihirap. Kaya mali ang turo na pinahihirapan ng Diyos ang isang tao pagkamatay niya. Paninira iyan sa Diyos. Sa katunayan, kasuklam-suklam sa kaniya ang ideya ng pagpapahirap sa apoy.​—Basahin ang Jeremias 7:31.

3. Maaari ba tayong makipag-usap sa mga patay?

Hindi nakapagsasalita ang mga patay. (Awit 115:17) Pero kapag nakikipag-usap ang masasamang anghel sa mga tao, maaari silang magpanggap na espiritu ng isang taong namatay. (2 Pedro 2:4) Ipinagbabawal ni Jehova ang pakikipag-usap sa mga patay.​—Basahin ang Deuteronomio 18:10, 11.

4. Sinu-sino ang bubuhaying muli?

Sa bagong sanlibutan, milyun-milyong patay ang bubuhaying muli. Mayroon ding mga gumawa ng masama na bubuhaying muli yamang hindi nila nakilala si Jehova.​—Basahin ang Lucas 23:43; Gawa 24:15.

Ang mga binuhay-muli ay bibigyan ng pagkakataong matuto tungkol sa Diyos at manampalataya at sumunod kay Jesus. (Apocalipsis 20:11-13) Ang mga gagawa ng mabubuting bagay ay mabubuhay magpakailanman sa lupa. Gayunman, may ilan na patuloy na gagawa ng masama. Kaya naman ang kanilang pagkabuhay-muli ay magiging “pagkabuhay-muli sa paghatol.”​—Basahin ang Juan 5:28, 29.

5. Ano ang itinuturo sa atin ng pagkabuhay-muli tungkol kay Jehova?

Naging posible ang pagkabuhay-muli dahil isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak upang ibigay ang kaniyang buhay alang-alang sa atin. Kaya kapahayagan ito ng pag-ibig at di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova.​—Basahin ang Juan 3:16; Roma 6:23.

Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 6 at 7 ng aklat na ito, Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 16]

Nilalang si Adan mula sa alabok