Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Pagsisikap na Wakasan ang Kahirapan

Mga Pagsisikap na Wakasan ang Kahirapan

Mga Pagsisikap na Wakasan ang Kahirapan

NAWAKASAN na ng mayayaman ang kanilang kahirapan. Pero bigo pa rin ang mga pagsisikap na hanguin ang lahat ng tao mula sa kahirapan. Bakit? Sapagkat gusto ng mayayaman na manatili ang kanilang kayamanan at katayuan sa buhay. Sumulat ang sinaunang hari ng Israel na si Solomon: “Narito! ang mga luha niyaong mga sinisiil, ngunit wala silang mang-aaliw; at sa panig ng kanilang mga maniniil ay may kapangyarihan.”​—Eclesiastes 4:1.

Mababago ba ng maimpluwensiya at makapangyarihang mga tao ang lipunan at maaalis ang kahirapan sa daigdig? Si Solomon ay ginabayan ng Diyos na isulat: “Narito! ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan at paghahabol sa hangin. Yaong ginawang baluktot ay hindi maitutuwid.” (Eclesiastes 1:14, 15) Makikita ito sa mga pagsisikap ngayon na wakasan ang kahirapan.

Kasaganaan Para sa Lahat?

Noong ika-19 na siglo, habang nagkakamal ng kayamanan ang ilang bansa sa pamamagitan ng kalakalan at industriya, binibigyang-pansin naman ng ilang maimpluwensiyang tao ang kahirapan. Maipamamahagi kaya nang pantay-pantay ang yaman ng lupa?

Iniisip ng ilan na sa pamamagitan ng sosyalismo o komunismo, ang lahat ng tao sa buong daigdig ay magiging pantay-pantay. Pero ayaw ng mayayaman ang ideyang ito. Nakaaakit naman sa marami ang islogan na “Mula sa kakayahan ng bawat isa, para sa pangangailangan ng bawat isa.” Marami ang umaasa na yayakapin ng lahat ng bansa ang sosyalismo upang ang daigdig ay maging isang perpektong lipunan. Tinanggap ng ilang mayayamang bansa ang ibang mga aspekto ng sosyalismo at nagtatag ng mga kaayusan na nangangakong pangangalagaan ang lahat ng mamamayan nito “mula sa pagsilang hanggang sa kamatayan.” Sinasabi nilang ligtas na sa matinding kahirapan ang kanilang mga mamamayan.

Pero hinding-hindi nakamit ng sosyalismo ang tunguhin nito na magtatag ng isang lipunang di-makasarili. Hindi natupad ang layunin nila na magtrabaho ang mga mamamayan para sa kapakanan ng komunidad sa halip na para sa kanilang sarili. Tinututulan naman ng ilan ang pagbibigay ng tulong sa mahihirap. Napansin kasi nila na dahil sa malaking tulong na ibinigay sa mahihirap, ang ilan sa mga ito ay ayaw nang magtrabaho. Totoo ang sinasabi ng Bibliya: “Walang taong matuwid sa lupa na patuloy na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala. . . . Ginawang matuwid ng tunay na Diyos ang mga tao, ngunit sila sa ganang sarili ay humanap ng maraming plano.”​—Eclesiastes 7:20, 29.

Ang isa pang pangarap ay tinatawag na “American Dream”​—ang pangarap na manirahan sa isang lugar kung saan ang sinumang handang magtrabaho nang husto ay puwedeng yumaman. Sa buong daigdig, sinunod ng maraming bansa ang mga polisiya na waring nagpayaman sa Estados Unidos​—demokrasya, kapitalismo, at malayang kalakalan. Pero hindi matularan ng lahat ng bansa ang American Dream dahil ang yaman ng Hilagang Amerika ay hindi basta nagmula sa pulitikal na sistema nito. Ito ay pangunahin nang dahil sa napakaraming likas na yaman nito at magandang lokasyon para sa internasyonal na kalakalan. Bukod diyan, sa kompetensiya sa sistema ng ekonomiya sa daigdig, may nananalo na yumayaman at may natatalo na naghihirap. Mahihikayat kaya ang mayayamang bansa na tumulong sa mahihirap na bansa?

Marshall Plan​—Sagot sa Kahirapan?

Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, ang Europa ay lubhang napinsala at marami ang nagutom. Nabahala rin ang gobyerno ng Estados Unidos sa popularidad ng sosyalismo sa Europa. Kaya sa loob ng apat na taon, nagbigay ito ng napakalaking pera para muling makabangon ang industriya at agrikultura ng mga bansang tatanggap sa mga polisiya ng Estados Unidos. Ang European Recovery Program na ito, kilala bilang Marshall Plan, ay itinuring na matagumpay. Lumaki ang impluwensiya ng Estados Unidos sa Kanlurang Europa, at nabawasan ang matinding kahirapan. Ito na kaya ang sagot sa kahirapan sa buong daigdig?

Dahil sa tagumpay ng Marshall Plan, ang Estados Unidos ay nag-alok ng tulong sa mahihirap na bansa sa buong daigdig para umunlad ang kanilang agrikultura, pangangalaga sa kalusugan, edukasyon, at transportasyon. Inamin ng Estados Unidos na ang motibo nila ay para din sa kanilang sariling interes. Sinikap din ng ibang mga bansa na palawakin ang kanilang impluwensiya sa pamamagitan ng pag-aalok ng tulong. Pero pagkalipas ng 60 taon, matapos gumugol ng mas maraming pera kumpara sa ginugol sa Marshall Plan, nabigo sila. Totoo, yumaman ang ilang mahihirap na bansa, lalo na sa Silangang Asia. Bagaman nabawasan ang mga batang namamatay at mas marami ang nakapag-aaral, maraming bansa pa rin ang nakalugmok sa kahirapan.

Tulong Mula sa Ibang Bansa​—Kung Bakit Bigo

Ang pagtulong sa mahihirap na bansa na makaahon sa kahirapan ay mas mahirap kaysa sa pagtulong sa mayayamang bansa na makabangon mula sa digmaan. Ang Europa ay dati nang may industriya, kalakalan, at transportasyon. Kailangan na lamang na muling patatagin ang ekonomiya nito. Pero ang mahihirap na bansa ay hindi makaahon​—kahit na tinulungan sila ng ibang bansa sa paggawa ng mga daan, paaralan, at mga klinika​—dahil sa kakulangan ng negosyo, likas na yaman, at magandang lokasyon para sa kalakalan.

Ang siklo ng kahirapan ay napakahirap putulin dahil napakakomplikado nito. Halimbawa, ang sakit ay nagdudulot ng kahirapan, at ang kahirapan naman ay nagdudulot ng sakit. Ang mga batang kulang sa pagkain ay nanghihina nang husto sa pisikal at mental anupat paglaki nila, hindi nila napapangalagaan ang kanila mismong mga anak. At kapag itinatambak ng mayayamang bansa ang kanilang sobrang pagkain sa mahihirap na bansa bilang “tulong,” nalulugi naman ang lokal na mga magsasaka at maliliit na tindahan, kaya lumalala lamang ang kahirapan. Kapag pera naman ang ibinigay na tulong sa gobyerno ng mahihirap na bansa, maaari itong manakaw na nauuwi sa kurapsyon. Ang kurapsyon naman ay humahantong sa kahirapan. Karaniwan nang nabibigo ang tulong mula sa ibang bansa dahil hindi nito nalulutas ang ugat ng kahirapan.

Ang Ugat ng Kahirapan

Ang matinding kahirapan ay resulta ng pagtataguyod ng mga bansa, gobyerno, at mga indibiduwal ng kanilang sariling interes. Halimbawa, hindi priyoridad ng gobyerno ng mayayamang bansa na wakasan ang kahirapan ng daigdig dahil kailangan nilang paluguran ang kanilang mga botante. Kaya pinagbabawalan nila ang mga magsasaka sa mahihirap na bansa na magbenta ng kanilang mga produkto sa mayayamang bansa para hindi malugi ang mga magsasaka sa mayayamang bansa. Tinutulungan din ng gobyerno ng mayayamang bansa ang kanilang mga magsasaka para hindi sila malamangan ng mga magsasaka sa mahihirap na bansa.

Lumilitaw na ang ugat ng kahirapan​—ang tendensiya ng mga tao at gobyerno na protektahan ang kanilang sariling interes​—ay gawa ng tao. Sinabi ng manunulat ng Bibliya na si Solomon: “Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.”​—Eclesiastes 8:9.

Kaya, magwawakas pa ba ang kahirapan? May gobyerno bang maaaring bumago sa tao?

[Kahon sa pahina 6]

Kautusan na Hahadlang sa Kahirapan

Binigyan ng Diyos na Jehova ang sinaunang bansang Israel ng isang kalipunan ng kautusan na kung susundin ay makahahadlang sa kahirapan. Sa ilalim ng Kautusan, ang bawat pamilya, maliban sa tribo ni Levi na mga saserdote, ay tumanggap ng manang lupa. Ang mana ay mananatili sa pamilya dahil ang lupa ay hindi maipagbibili nang panghabang-panahon. Tuwing ika-50 taon, ang lahat ng lupa ay isinasauli sa orihinal na may-ari nito o sa kaniyang pamilya. (Levitico 25:10, 23) Kung kailangang ipagbili ng sinuman ang kaniyang lupa dahil sa sakit, sakuna, o katamaran, ibabalik ito sa kaniya nang walang bayad sa ika-50 taon o taon ng Jubileo. Kaya walang angkan ang mababaon sa kahirapan.

Pinahihintulutan din ng Kautusan ng Diyos ang isang tao na naghirap nang husto na ipagbili sa pagkaalipin ang kaniyang sarili. Patiuna siyang tatanggap ng bayad para mabayaran niya ang kaniyang pagkakautang. Kapag hindi pa niya natutubos ang kaniyang sarili pagsapit ng ikapitong taon, siya ay palalayain at bibigyan ng binhi at hayop para makapagsakang muli. Isa pa, kung mangungutang ng pera ang isang mahirap, hindi siya puwedeng patubuan ng kapuwa Israelita. Inuutusan din sila na huwag simutin ang ani sa kanilang mga bukid para may makuha rin ang mahihirap. Kaya walang Israelita ang kailangang mamalimos.​—Deuteronomio 15:1-14; Levitico 23:22.

Pero ipinakikita ng kasaysayan na ang ilang Israelita ay naghirap pa rin. Bakit? Hindi kasi nila sinunod ang Kautusan ni Jehova. Dahil dito, gaya sa karamihan ng mga bansa, ang ilan ay naging mayayamang may-ari ng lupa at ang iba naman ay naging mahihirap na walang lupa. Dumanas ng kahirapan ang mga Israelita dahil binale-wala ng ilan ang Kautusan ng Diyos at inuna ang kanilang sariling interes.​—Mateo 22:37-40.