Alam Mo Ba?
Alam Mo Ba?
Paano itinuring ng mga Judiong lider ng relihiyon noong panahon ni Jesus ang mga karaniwang tao?
▪ Noong unang siglo C.E., hinahamak ng matataas na tao sa lipunan at relihiyon sa Israel ang mga di-nakapag-aral o walang gaanong pinag-aralan. Ganito ang sinasabi ng mga Pariseo: “Ang pulutong na ito na hindi nakaaalam ng Kautusan ay mga taong isinumpa.”—Juan 7:49.
Bukod sa Bibliya, ipinakikita rin ng ibang reperensiya na ang mga walang pinag-aralan ay may paghamak na tinatawag ng matataas na tao sa lipunan at relihiyon na ʽam ha·ʼaʹrets, o “bayan [mga tao] ng lupain.” Noong una, ito ay isang termino ng paggalang para sa mga mamamayan ng isang partikular na teritoryo. Tumutukoy ito hindi lang sa mahihirap at mga dukha, kundi maging sa mayayaman.—Genesis 23:7, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References; 2 Hari 23:35; Ezekiel 22:29.
Pero noong panahon ni Jesus, ang terminong ito ay ibinansag sa mga taong itinuturing na ignorante sa Kautusang Mosaiko o hindi nakasusunod sa lahat ng detalye ng mga tradisyon ng mga rabbi. Ang Mishnah (isang koleksiyon ng mga komentaryo na naging pundasyon ng Talmud) ay nagbababala hinggil sa panunuluyan sa tahanan ng ʽam ha·ʼaʹrets. Ayon sa The Encyclopedia of Talmudic Sages, itinuro ng ikalawang-siglong iskolar na si Rabbi Meir: “Kapag ipinakasal ng isang lalaki ang kaniyang anak na babae sa isang am ha’aretz, para na rin niya itong iginapos at inihain sa harap ng isang leon na tumatapak sa biktima nito bago lamunin.” Sinipi ng Talmud ang isa pang rabbi na nagsabing “ang mga walang pinag-aralan ay hindi bubuhaying muli.”
Ano ang kahulugan ng pangalang Cesar ayon sa pagkakagamit sa Bibliya?
▪ Ang Cesar ay Romanong apelyido ni Gayo Julio Cesar, na hinirang na diktador ng Roma noong 46 B.C.E. Ginamit din ito ng ilang sumunod na Romanong emperador, kabilang na ang tatlong emperador na binanggit ang mga pangalan sa Bibliya—sina Augusto, Tiberio, at Claudio.—Lucas 2:1; 3:1; Gawa 11:28.
Noong 14 C.E., si Tiberio ay naging emperador. Siya ang namamahala noong panahon ng ministeryo ni Jesus. Kaya siya ang Cesar noong sagutin ni Jesus ang tanong tungkol sa pagbabayad ng buwis. Sinabi ni Jesus: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Marcos 12:17) Lumilitaw na sa sagot na ito ni Jesus, hindi lang si Tiberio ang tinutukoy niya. Sa halip, ang “Cesar” ay sumasagisag sa awtoridad na sibil, ang Estado.
Noong mga 58 C.E., nang maramdaman ni apostol Pablo na hindi siya mabibigyan ng hustisya, ginamit niya ang kaniyang karapatan bilang isang mamamayang Romano para umapela kay Cesar. (Gawa 25:8-11) Sa paggawa nito, hiniling ni Pablo na hatulan siya, hindi mismo ni Nero, kundi ng pinakamataas na hukuman ng imperyo.
Ang apelyidong Cesar ay naging kakambal na ng pamamahala, anupat kahit nagwakas na ang dinastiyang Cesar, ang pangalang ito ay nanatiling titulo ng mga maharlika.
[Larawan sa pahina 29]
Denariong pilak na may larawan ni Tiberio