Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

BAKIT tinalikuran ng isang mahigit 60 anyos na babae ang pagsamba sa idolo? Bakit iniwan ng isang paring Shinto ang paglilingkod sa dambana para maging ministrong Kristiyano? Paano napagtagumpayan ng isang babaing inampon noong sanggol pa ang pagkadama na siya’y inabandona? Basahin ang kuwento nila.

“Hindi Na Ako Alipin ng mga Idolo.”​—ABA DANSOU

ISINILANG: 1938

PINAGMULAN: BENIN

DATING SUMASAMBA SA IDOLO

ANG AKING NAKARAAN: Lumaki ako sa So-Tchahoué, isang nayon sa matubig na lugar na malapit sa lawa. Ang mga tagaroon ay nangingisda at nag-aalaga ng mga baka, kambing, tupa, baboy, at mga ibon. Wala roong mga kalsada, kaya bangka ang transportasyon ng mga tao. Ang mga bahay nila ay karaniwan nang yari sa kahoy at kugon, pero may mga yari din sa tisa. Mahihirap lang ang mga tagaroon. Pero walang gaanong krimen kumpara sa mga lunsod.

Noong bata pa kami ni Ate, ipinasok kami ni Itay sa isang kumbento ng isang lokal na relihiyon na sumasamba sa mga anting-anting. Nang lumaki na ako, ang diyos na si Dudua (Oduduwa) ng kulturang Yoruba ang aking sinamba. Gumawa ako ng isang altar para sa diyos na ito at palagi akong nag-aalay ng mga kamote, langis ng palma, susô, manok, kalapati, at iba pang mga hayop. Magastos ito, at halos dito nauubos ang pera ko.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Nang magsimula akong mag-aral ng Bibliya, natutuhan kong si Jehova lamang ang tanging tunay na Diyos. Natutuhan ko rin na hindi siya sang-ayon sa paggamit ng mga idolo sa pagsamba. (Exodo 20:4, 5; 1 Corinto 10:14) Kaya naman, itinapon kong lahat ang aking mga imahen at inalis sa aking bahay ang lahat ng may kinalaman sa pagsamba sa idolo. Hindi na ako nag-oorakulo, at hindi na ako sumasali sa mga ritwal sa aming lugar at sa mga seremonya sa libing.

Hindi naging madali para sa isang mahigit 60 anyos na babaing katulad ko na gawin ang mga pagbabagong ito. Tumutol ang aking mga kaibigan, kamag-anak, at mga kapitbahay at pinagtawanan nila ako. Pero nanalangin ako kay Jehova na bigyan ako ng lakas para magawa ang tama. Naaliw ako sa sinasabi ng Kawikaan 18:10: “Ang pangalan ni Jehova ay matibay na tore. Doon tumatakbo ang matuwid at ipinagsasanggalang.”

Nakatulong din sa akin ang pagdalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Nakita ko roon ang Kristiyanong pag-ibig, at humanga ako sa kanila dahil nagsisikap silang mamuhay ayon sa matataas na simulain ng Bibliya sa moral. Kaya nakumbinsi ako na ang mga Saksi ni Jehova ang tunay na relihiyon.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Nang ikapit ko ang mga simulain sa Bibliya, gumanda ang relasyon naming mag-iina. Nadama ko rin na mas gumaan ang aking buhay. Inuubos ko kasi noon ang pera ko sa walang-buhay at walang-pakinabang na mga idolo. Pero ngayon, ang sinasamba ko na ay si Jehova, na naglalaan ng permanenteng solusyon sa lahat ng problema. (Apocalipsis 21:3, 4) Masayang-masaya ako dahil hindi na ako alipin ng mga idolo, kundi alipin na ni Jehova! Nasumpungan ko sa kaniya ang tunay na katiwasayan at proteksiyon.

“Hinahanap Ko Na ang Diyos Mula Pa Noong Bata Ako.”​—SHINJI SATO

ISINILANG: 1951

PINAGMULAN: JAPAN

DATING PARING SHINTO

ANG AKING NAKARAAN: Lumaki ako sa isang maliit na bayan sa Fukuoka Prefecture. Napakarelihiyoso ng aking mga magulang; pinalaki nila akong sumasamba sa mga diyos ng Shinto. Noong bata pa ako, madalas kong iniisip kung paano ako maliligtas at gustung-gusto kong tumulong sa aking kapuwa. Naaalaala ko pa nang magtanong ang aming guro sa elementarya kung ano ang gusto namin paglaki namin. Espesipiko ang sagot ng mga kaklase ko, gaya ng pagiging siyentipiko. Sinabi ko naman na pangarap kong maglingkod sa Diyos. Pinagtawanan nila ako.

Pagkatapos ng haiskul, pumasok ako sa isang paaralan para sa mga gustong magturo ng relihiyon. Nakilala ko roon ang isang paring Shinto na palaging nagbabasa ng isang aklat na itim ang pabalat sa mga libreng panahon niya. Minsan ay tinanong niya ako, “Sato, alam mo ba kung anong aklat ito?” Dahil napansin ko na ang pabalat ng aklat, sumagot ako, “Bibliya po.” Sinabi naman niya, “Ang lahat ng gustong maging paring Shinto ay dapat magbasa ng aklat na ito.”

Bumili agad ako ng Bibliya. Inilagay ko ito sa aking bookshelf para madali ko itong makita at iningatan ko itong mabuti. Pero hindi ko rin ito nabasa dahil sa sobrang dami ng gawain sa paaralan. Nang matapos ako sa pag-aaral, nagsimula akong maglingkod sa isang dambana bilang paring Shinto. Natupad na ang aking pangarap.

Pero di-nagtagal, natuklasan kong ang pagiging isang paring Shinto ay iba sa inaasahan ko. Karamihan sa mga paring Shinto ay halos walang pag-ibig o malasakit sa iba. Marami rin ang kulang sa pananampalataya. Sinabi pa nga ng isa sa mga nakatataas sa akin: “Kung gusto mong magtagumpay rito, puro tungkol lang sa pilosopiya ang sasabihin mo. Huwag kang babanggit ng tungkol sa pananampalataya.”

Dahil sa sinabi niyang iyon, nawalan ako ng gana sa relihiyong Shinto. Kaya bagaman patuloy akong naglingkod sa dambana, sinimulan kong suriin ang ibang relihiyon. Ngunit parang pare-pareho lang ang mga ito. Habang dumarami ang sinusuri kong relihiyon, lalo lang akong nasisiraan ng loob. Pakiramdam ko’y walang tamang relihiyon.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Noong 1988, may nakilala akong Budista na humimok sa akin na magbasa ng Bibliya. Naalaala ko ang paring Shinto na gayundin ang sinabi sa akin. Sinunod ko ang payong ito. Nang simulan kong basahin ang Bibliya, nagustuhan ko ito agad. Kung minsan, inuumaga na ako sa pagbabasa.

Dahil sa nababasa ko, naudyukan akong manalangin sa Diyos ng Bibliya. Nagsimula ako sa modelong panalangin na nasa Mateo 6:9-13. Inuulit ko ito tuwing dalawang oras​—kahit habang naglilingkod ako sa dambana.

Marami akong tanong tungkol sa aking nababasa. Noong panahong iyon, may asawa na ako, at alam kong ang mga Saksi ni Jehova ay nagtuturo ng Bibliya sa mga tao dahil nakausap na nila noon ang asawa ko. Naghanap ako ng isang Saksi at pinaulanan ko siya ng mga tanong. Napahanga ako nang gamitin niya ang Bibliya para sagutin ang bawat tanong ko. Isinaayos niya na isang lalaking Saksi ang magturo sa akin ng Bibliya.

Di-nagtagal, dumalo na ako sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Hindi ko agad napansin na ang ilan pala sa mga Saksing naroroon ay hindi ko pinakitunguhan nang maganda noon. Pero masaya pa rin nila akong binati at tinanggap.

Sa mga pulong, natutuhan kong inaasahan ng Diyos na iibigin at pararangalan ng mga asawang lalaki ang mga miyembro ng kanilang pamilya. Noon ko lang naisip na naging sobrang abala pala ako sa aking paglilingkod sa dambana anupat napabayaan ko na ang aking asawa’t dalawang anak. Pinakikinggan kong mabuti ang sinasabi ng mga taong sumasamba sa dambana pero ni minsan ay hindi ko pinakinggan ang aking asawa.

Habang patuloy ang aking pag-aaral, naging malapít ako kay Jehova dahil sa maraming bagay na natututuhan ko tungkol sa kaniya. Naantig ako sa mga tekstong gaya ng Roma 10:13, na nagsasabi: “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” Hinahanap ko na ang Diyos mula pa noong bata ako, at natagpuan ko na siya ngayon!

Naramdaman kong hindi na ako dapat manatili sa dambana. Noong una, nag-aalala ako sa iisipin ng iba kapag iniwan ko ang relihiyong Shinto. Pero nangako ako sa aking sarili na aalis ako sa relihiyong ito kapag natagpuan ko na ang tunay na Diyos. Kaya noong tagsibol ng 1989, nagdesisyon akong sundin ang aking budhi. Iniwan ko ang dambana at ipinaubaya ang aking sarili kay Jehova.

Hindi ito naging madali. Nagalit ang mga nakatataas sa akin at ginipit akong manatili. Pero ang mas mahirap ay kung paano ko ito sasabihin sa aking mga magulang. Habang papunta ako sa bahay nila, kabadung-kabado ako at nanghihina ang mga tuhod ko! Maraming beses akong huminto para manalangin kay Jehova na bigyan ako ng lakas ng loob.

Pagdating ko sa bahay ng aking mga magulang, hindi ko agad masabi ang sadya ko. Lumipas ang mga oras. Sa wakas, matapos manalangin nang maraming beses, ipinaliwanag ko ang lahat kay Itay. Sinabi kong natagpuan ko na ang tunay na Diyos at gusto kong paglingkuran Siya kaya iiwan ko na ang relihiyong Shinto. Nagulat at nalungkot si Itay. Pumunta rin sa bahay ang iba naming mga kamag-anak at sinikap nilang baguhin ang isip ko. Ayaw kong masaktan ang mga kapamilya ko, pero alam kong tama ang gagawin kong paglilingkod kay Jehova. Nang maglaon, iginalang nila ako sa aking desisyon.

Naging mahirap para sa akin na kalimutan ang nakasanayan kong buhay bilang paring Shinto. Saanman ako tumingin, parang laging may nagpapaalaala sa akin ng dati kong buhay.

Dalawang bagay ang nakatulong sa akin. Una, hinanap ko sa bahay ang lahat ng bagay na may kinalaman sa dati kong relihiyon. Saka ko sinunog ang lahat ng ito​—mga aklat, larawan, at maging mamahaling mga memorabilya. Ikalawa, palagi akong humahanap ng mga pagkakataong makasama ang mga Saksi. Napakalaking tulong nila sa akin. Unti-unti kong nalimutan ang dati kong buhay.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Napapabayaan ko noon ang aking mag-iina kaya lungkot na lungkot sila. Pero nang maglaan ako ng panahon sa kanila, gaya ng itinuturo ng Bibliya na dapat gawin ng mga asawang lalaki, naging mas malapít kami sa isa’t isa. Nang maglaon, ang aking asawa ay naglingkod na rin kay Jehova. Kasama na rin namin ngayon ang aming anak na lalaki at anak na babae at kaniyang asawa sa tunay na pagsamba.

Kapag naaalaala ko ang pangarap kong maglingkod sa Diyos at tumulong sa mga tao, masasabi kong natagpuan ko na ang lahat ng hinahanap ko at sobra pa nga. Kulang ang mga salita para mapasalamatan ko si Jehova.

“Alam Kong Mayroon Pa Ring Kulang.”​—LYNETTE HOUGHTING

ISINILANG: 1958

PINAGMULAN: TIMOG APRIKA

DATING NAKADARAMA NA SIYA’Y INABANDONA

ANG AKING NAKARAAN: Isinilang ako sa Germiston, isang medyo maunlad na bayan na may minahan at walang gaanong krimen. Palibhasa’y iniisip ng aking mga magulang na hindi nila ako kayang palakihin, ipinaampon nila ako. Labing-apat na araw pa lang ako nang ampunin ng isang mapagmahal na mag-asawang itinuring kong mga magulang. Pero nang malaman kong ampon lang pala ako, hindi ko napigilang makadama na ako’y inabandona. Naisip ko rin na hindi ko kaanu-ano ang mga umampon sa akin at hindi nila talaga ako naiintindihan.

Noong mga 16 anyos ako, kaming magkakaibigan ay nagpupunta sa mga bar para sumayaw at makinig ng banda. Sa edad na 17, naninigarilyo na ako. Gusto ko kasing maging kasimpayat ng mga modelo ng sigarilyo. Pagtuntong ko ng 19, nagtrabaho ako sa Johannesburg, at napabarkada sa masasamang kasama. Natuto na akong magmura, naging sugapa sa sigarilyo, at naglalasing kapag weekend.

Pero masigla pa rin ang aking katawan. Regular ako sa aerobics at naglalaro ng soccer at iba pang isport. Masipag din ako sa trabaho, at naging kilalá sa computer industry. Dahil dito, wala akong problema sa pera at itinuturing na matagumpay. Pero ang totoo, napakalungkot ko​—wala akong madamang kasiyahan sa buhay. Alam kong mayroon pa ring kulang.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Nang mag-aral ako ng Bibliya, nalaman kong si Jehova ay Diyos ng pag-ibig. Nalaman ko rin na ipinakita niya ang pag-ibig na iyan nang ibigay niya sa atin ang kaniyang Salita, ang Bibliya. Para bang personal niya tayong sinulatan upang patnubayan tayo. (Isaias 48:17, 18) Napag-isip-isip kong para makinabang sa maibiging patnubay ni Jehova, dapat akong gumawa ng malalaking pagbabago sa aking buhay.

Ang isang dapat kong gawin ay iwan ang dati kong mga kasama. Pinag-isipan kong mabuti ang sinasabi ng Kawikaan 13:20: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” Natulungan ako nito na iwan ang aking dating mga kaibigan at makipagkaibigan sa mga Saksi ni Jehova.

Ang pinakamahirap para sa akin ay ang huminto sa paninigarilyo. Nang unti-unti ko na itong maihinto, nadagdagan naman ng 13.6 kilo ang timbang ko! Nabawasan ang kumpiyansa ko sa aking sarili, at halos sampung taon bago ko naibalik sa dati ang aking katawan. Pero alam kong dapat ko talagang itigil ang paninigarilyo. Patuloy akong nanalangin kay Jehova, at pinalakas naman niya ako para magawa iyon.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Mas malusog ako ngayon at kontento. Hindi na ako naghahabol sa mailap na kaligayahang ipinapangako ng sekular na trabaho, mataas na katayuan sa buhay, at kayamanan. Sa halip, nakadama ako ng kagalakan sa pagsasabi sa iba ng mga katotohanan mula sa Bibliya. Sa ngayon, tatlo sa mga dati kong katrabaho ang naglilingkod na rin kay Jehova kasama naming mag-asawa. Bago mamatay ang mga umampon sa akin, nasabi ko sa kanila ang tungkol sa pangako ng Bibliya na pagkabuhay-muli sa paraisong lupa.

Nang maging malapít ako kay Jehova, hindi ko na nadaramang ako’y inabandona. Hindi na ako nag-iisa dahil kabilang na ako sa pandaigdig na pamilya ng mga sumasamba kay Jehova. Natagpuan ko sa kanila ang maraming ina, ama, at mga kapatid.​—Marcos 10:29, 30.

[Larawan sa pahina 12]

Nadama ko sa mga Saksi ni Jehova ang Kristiyanong pag-ibig

[Larawan sa pahina 13]

Ang dambana ng mga Shinto kung saan ako dating sumasamba