Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Malapít sa Diyos

Inaalaala Niyang “Tayo ay Alabok”

Inaalaala Niyang “Tayo ay Alabok”

“HINDI ako naniwalang mapapatawad pa ako ni Jehova, at inisip kong habambuhay ko na itong magiging dalahin.” Iyan ang isinulat ng isang babaing Kristiyano tungkol sa kaniyang nagawang pagkakamali. Oo, isang mabigat na dalahin ang pang-uusig ng budhi. Pero ang Bibliya ay nag-aalok ng kaaliwan sa mga nagsisising nagkasala. Isaalang-alang natin ang mga sinabi ng salmistang si David sa Awit 103:8-14.

Alam ni David na “si Jehova ay maawain” at hindi Siya ‘naghahanap ng kamalian’ sa atin. (Talata 8-10) Kapag may batayan ang Diyos para magpatawad, lubusan siyang nagpapatawad. Ang makatang si David ay gumamit ng tatlong paghahalintulad upang ilarawan ang saganang awa ng Diyos para sa atin.

“Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa sa lupa, ang kaniyang maibiging-kabaitan ay nakahihigit para sa mga may takot sa kaniya.” (Talata 11) Kapag pinagmamasdan natin ang langit, hindi maabot ng ating isipan ang distansiya nito sa lupa. Idiniriin dito ni David ang saganang awa ni Jehova. Ang awang ito, na isang aspekto ng tapat na pag-ibig ni Jehova, ay para sa “mga may takot” sa Diyos​—sa mga may “buong-pusong pagpipitagan sa kaniyang awtoridad,” ang sabi ng isang iskolar.

“Kung gaano kalayo ang sikatan ng araw sa lubugan ng araw, gayon kalayo niya inilalagay mula sa atin ang ating mga pagsalansang.” (Talata 12) Ganito naman ang mababasa sa ibang mga salin, “kung gaano kalayo ang silangan mula sa kanluran.” Gaano ba iyon kalayo? Ang pinakamalayong distansiyang maiisip natin. Isang reperensiya sa Bibliya ang nagsasabi: “Lumipad ka hanggang sa pinakamalayong distansiyang mararating ng mga pakpak ng iyong imahinasyon, at habang lumilipad ka pasilangan, lumalayo ka naman sa kanluran sa bawat kampay ng iyong mga pakpak.” Sinasabi rito ni David na kapag pinatatawad ng Diyos ang ating mga kasalanan, inilalayo niya ang mga ito sa atin sa pinakamalayong distansiyang maiisip natin.

“Kung paanong nagpapakita ng awa ang ama sa kaniyang mga anak, si Jehova ay nagpapakita ng awa sa mga may takot sa kaniya.” (Talata 13) Palibhasa’y isa ring ama si David, alam niya ang nadarama ng isang maibiging ama. Ang gayong ama ay nahahabag sa kaniyang mga anak, lalo na kapag ang mga ito’y nasasaktan. Tinitiyak sa atin ni David na ang ating maibiging Ama sa langit ay naaawa sa Kaniyang mga anak sa lupa, lalo na kung ang nagsisising puso nila ay “wasak at durog” dahil sa kanilang mga pagkakasala.​—Awit 51:17.

Sa tatlong paghahalintulad na ito, isinisiwalat ni David kung bakit nagpapakita si Jehova ng awa sa mga di-sakdal na tao: “Nalalaman niyang lubos ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok.” (Talata 14) Alam ni Jehova na tayo’y mula sa alabok, anupat may mga kahinaan at limitasyon. Dahil dito, si Jehova ay “handang magpatawad”​—kung tayo’y taimtim na magsisisi.​—Awit 86:5.

Naantig ka ba sa mga sinabi ni David tungkol sa awa ni Jehova? Pinag-aralan ng babaing binanggit kanina ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagiging handang magpatawad ng Diyos, at nasabi niya: “Nadarama kong puwede talaga akong maging malapít kay Jehova, at para akong naalisan ng dalahin.” * Bakit hindi mag-aral nang higit pa tungkol sa awa ng Diyos at kung paano ka makatatanggap nito? Baka maalisan ka rin ng dalahin.

Pagbabasa ng Bibliya para sa Agosto:

Awit 87-118

[Talababa]

^ par. 7 Tingnan ang kabanata 26, “Isang Diyos na ‘Handang Magpatawad,’” ng aklat na Maging Malapít kay Jehova, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 13]

“Nadarama kong puwede talaga akong maging malapít kay Jehova, at para akong naalisan ng dalahin”