Ang Ika-130 Gradwasyon ng Gilead
Isang Araw na Punô ng Pag-asa at Pananabik
TIYAK na ang gradwasyon ng ika-130 klase ng Watchtower Bible School of Gilead ay punung-puno ng pag-asa at pananabik. Noong Sabado, Marso 12, 2011, mahigit 8,500 ang dumalo sa gradwasyon, kasama na ang mga estudyante at ang kani-kanilang pamilya at mga kaibigan. Damang-dama ang pananabik—hindi lang para sa araw na iyon kundi gayundin sa magiging kinabukasan ng mga misyonerong sinanay nang husto para ipadala sa iba’t ibang bansa upang magturo ng katotohanan mula sa Bibliya.
“Maligaya ang Lahat ng Patuloy na Naghihintay” kay Jehova
Ang nakaaaliw na pananalitang iyan mula sa Isaias 30:18 ang tema ng pahayag ni Geoffrey Jackson, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova at chairman ng programa. Masigla at mapagbiro niyang binati at pinapurihan ang mga estudyante dahil nakaraos na sila sa kurso sa Gilead. Ano nga kaya ang naghihintay sa mga estudyanteng ito? Tinalakay niya ang tatlong praktikal na punto mula sa Isaias 30:18-21.
Una, sinabi ni Brother Jackson, “Makaaasa kang diringgin ni Jehova ang iyong mga panalangin.” Binanggit niya ang katiyakang ito mula sa talata 19: “Walang pagsalang pagpapakitaan ka [ng Diyos] ng lingap sa tinig ng iyong pagdaing.” Sinabi niya na yamang ang panghalip na ginamit sa orihinal na Hebreo ay pang-isahan, nangangahulugan ito na pinakikinggan ni Jehova ang panalangin ng bawat indibiduwal. “Bilang Ama, hindi sinasabi ni Jehova, ‘Bakit hindi mo magawang magpakatatag tulad ng taong iyon?’ Sa halip, pinakikinggan niyang mabuti ang bawat isa. At sinasagot niya ang mga ito.”
Ikalawa, sinabi ni Brother Jackson na hindi tayo ligtas sa mga problema. “Hindi nangangako si Jehova na magiging madali ang buhay, pero tutulungan niya tayo.” Gaya ng ipinakikita ng talata 20, inihula ng Diyos na kapag ang Israel ay kinukubkob, ang kabagabagan at paniniil ay magiging pangkaraniwan sa kanila na gaya ng tinapay at tubig. Gayunman, laging nakahanda si Jehova na iligtas ang kaniyang bayan. Ang mga estudyante ng Gilead ay mapapaharap din sa mga problema at hamon, bagaman maaaring hindi gaya ng mga inaasahan nila. Idinagdag ni Brother Jackson, “Pero makaaasa kayong nandiyan si Jehova para tulungan kayong maharap ang bawat hamon.”
Ikatlo, ipinaalaala ni Brother Jackson sa mga estudyante na gaya ng sinasabi sa mga talata 20 at 21, “may maaasahan kayong patnubay—kaya hanapin ninyo iyon!” Sinabi niya na ang bawat Kristiyano sa ngayon ay kailangang makinig na mabuti sa mga salita ni Jehova na nasa mga pahina ng Bibliya at mga publikasyong salig sa Bibliya. Hinimok ng tagapagsalita ang mga estudyante na basahin ang Bibliya araw-araw, dahil nangangahulugan ito ng buhay.
“Mapasainyo Nawa ang Panghihilakbot kay Jehova”
Ipinaliwanag naman ni Anthony Morris, ng Lupong Tagapamahala, ang kahulugan ng pananalitang “ang panghihilakbot kay Jehova.” (2 Cronica 19:7) Ang mga salitang ito ay hindi naman tumutukoy sa sobrang pagkatakot kundi sa matinding hangaring gawin kung ano ang tama, isang paggalang na napakatindi at napakataimtim anupat nakapanginginig sa takot. “Makita sana sa inyo ang ganiyang panghihilakbot habang isinasagawa ninyo ang inyong atas bilang misyonero,” ang payo ni Brother Morris sa mga estudyante. Paano kaya nila maipakikita ang gayong pagpipitagan kay Jehova? Itinampok ng tagapagsalita ang dalawang praktikal na paraan.
Santiago 1:19: “Maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.” Sinabi niya na napakaraming natutuhan ang mga estudyante sa loob ng limang-buwang kurso, pero hindi nila ito dapat ipagyabang pagdating nila sa kani-kanilang atas. “Dapat muna kayong makinig,” ang sabi niya. “Pakinggan ang mga kapatid sa inyong kongregasyon at ang mga nangunguna sa lupaing pinaglilingkuran ninyo; pakinggan ang sinasabi nila tungkol sa bansa at sa kultura nito. Huwag mahiyang magsabing ‘Hindi ko alam.’ Kung epektibo ang itinuro sa inyo, kung gayon, habang dumarami ang inyong natututuhan, lalo ninyong mapag-iisip-isip na kakaunti lang pala ang alam ninyo.”
Una, hinimok ni Brother Morris ang mga estudyante na ikapit ang payo saIkalawa, binasa ni Brother Morris ang Kawikaan 27:21: “Ang dalisayang kaldero ay para sa pilak, at ang hurno ay para sa ginto; at ang isang tao ay ayon sa kaniyang papuri.” Sinabi niya na kung paanong ang ginto at pilak ay kailangang dalisayin, maaari din tayong dalisayin ng papuri. Paano? Puwedeng masubok ng papuri ang pagkatao ng isa. Maaari itong umakay sa pagmamataas at pagkawala ng kaugnayan kay Jehova, o maaari tayo nitong pakilusin na tumanaw ng utang na loob kay Jehova at maging mas determinadong laging makaabot sa kaniyang mga pamantayan. Kaya naman, hinimok ni Brother Morris ang mga estudyante na tanggapin ang anumang papuri sa tamang paraan at ituring itong isang oportunidad para patunayang taglay nila ang tamang “panghihilakbot kay Jehova.”
“Pakamahalin ang Inyong Misyon”
Si Guy Pierce ng Lupong Tagapamahala ang nagbigay ng tampok na pahayag. Tinalakay niya ang temang nasa itaas, at ipinaliwanag na ang salitang “misyonero” ay nangangahulugang “isinugo para sa isang misyon.” Kaya naman, ayon sa kaniya, may iba’t ibang uri ng misyonero na may iba’t ibang misyon. Marami sa kanila ang nakapokus sa pisikal na pagpapagaling at pulitikal na mga solusyon sa mga problema ng daigdig. “Iba naman kayo,” ang sabi niya. Bakit?
Sa kanilang pag-aaral ng Bibliya, maraming natutuhan ang mga estudyante tungkol sa pisikal na pagpapagaling. Nang buhaying-muli ni Jesus ang isang dalagita, ang mga magulang nito ay ‘halos mawala sa kanilang sarili sa napakasidhing kagalakan.’ (Marcos 5:42) Nang makahimalang pagalingin ang mga bulag, tuwang-tuwa rin sila. Ang isa sa mga dahilan ng gayong mga himala ay para ipakita sa atin ang gagawin ni Kristo sa bagong sanlibutan. Sa panahong iyon, pagagalingin na mula sa lahat ng pisikal na karamdaman ang “malaking pulutong” ng matuwid na mga taong makaliligtas sa katapusan ng masamang sistemang ito ng mga bagay. (Apocalipsis 7:9, 14) Ang mga binuhay-muling mahal nila sa buhay, na sasalubungin nila, ay may malulusog na ring pangangatawan. Isip-isipin ang kagalakan nila!
Pero gaya ng sinabi ni Brother Pierce, ang pisikal na pagpapagaling ay hindi ang pinakamahalagang uri ng pagpapagaling. Ang mga maysakit na pinagaling ni Jesus ay nagkasakit ulit. Ang mga patay na binuhay niyang muli ay namatay ulit. Maging ang mga bulag na pinagaling niya ay masasabing nabulag ulit nang mamatay ang mga ito. Ang higit na mas mahalaga ay ang espirituwal na pagpapagaling na ginawa ni Jesus. May ganiyan ding misyon ang mga misyonerong nagtapos sa Gilead. Tinutulungan nila ang mga tao na makipagkasundo sa ating Ama sa langit para mabuhay sila sa espirituwal na paraan. Ang mga pinagaling lang sa espirituwal ang may pag-asang mabuhay nang walang hanggan. “Ang espirituwal na pagpapagaling na iyan,” ang sabi ni Brother Pierce, “ang nagbibigay ng papuri sa Diyos. Patunay ito na matagumpay ka sa iyong ministeryo.”
Tatlo Pang Pahayag
“Magiging Maganda Kaya ang Araw na Ito?” Si Robert Rains, miyembro ng Komite ng Sangay sa Estados Unidos, ang sumagot sa tanong na iyan. Hinimok niya ang mga estudyante na gawing maganda ang bawat araw nila sa kanilang atas sa pamamagitan ng tamang paggamit ng kanilang panahon, pagkonsulta sa Salita ng
Diyos kapag nababalisa, at pananalangin kay Jehova.“Gagawin Mo Bang Bago ang Luma?” Ang instruktor sa Gilead na si Mark Noumair ang nagtanong nito sa kaniyang pahayag. Tinalakay niya ang 1 Juan 2:7, 8, kung saan binanggit ni apostol Juan ang isang “lumang utos” na isa ring “bagong utos.” Iisa lang ang tinutukoy ng mga utos na ito—dapat na walang-pag-iimbot at may-pagsasakripisyong ibigin ng mga tagasunod ni Kristo ang isa’t isa. (Juan 13:34, 35) Ang utos na ito ay luma sa diwa na ito’y iniutos mismo ni Kristo sa kaniyang mga tagasunod mga ilang dekada na noon ang nakalilipas. Pero bagong utos din ito dahil ang mga Kristiyano ay napapaharap sa mga bagong hamon kung kaya kailangan nila ang mas lubusan at bagong paraan ng pagpapakita ng pag-ibig. Napapaharap din ang mga misyonero sa isang bagong kalagayan at kailangan nilang matutong magpakita ng pag-ibig sa bagong paraan. Paano nila ito gagawin?
“Huwag tularan ang kinamumuhian mo,” ang payo ni Brother Noumair. Nagbabala siya na kung tutularan natin ang ugaling ayaw na ayaw natin, tayo ay magiging gaya ng kinamumuhian natin—mapanganib ito. Sisirain lang natin ang ating sarili. Pero kung iisip tayo ng mga bagong paraan para magpakita ng pag-ibig, mapasisikat natin ang “tunay na liwanag” at mapapawi natin ang espirituwal na kadiliman.
“Isunong ang Iyong Pasan.” Isa pang instruktor sa Gilead, si Michael Burnett, ang nagbigay ng pahayag na iyan. Binanggit niya ang tungkol sa mga taga-Aprika na nagsusunong ng mabibigat na pasan sa kanilang ulo. Gumagamit sila ng kata na isang binilot na telang inilalagay sa ulo. Nakatutulong ito para mas komportable at balanse nilang madala ang kanilang pasan, at makalakad nang maayos. Ang mga misyonerong nagtapos sa Gilead ay magpapasan din ng maraming responsibilidad pagdating nila sa kani-kanilang teritoryo. Pero binigyan sila ng isang bagay na tulad ng kata: ang puspusan at salig-Bibliyang pagsasanay na tinanggap nila. Habang ikinakapit nila ang kanilang natutuhan, nababalanse nila ang kanilang pasan at nadadala ito nang maayos.
Mga Karanasan at Interbyu
Kasali sa pagsasanay sa Paaralang Gilead ang pangangaral kasama ng mga kapatid sa mga lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Tinalakay ni William Samuelson, tagapangasiwa ng Theocratic Schools Department, ang ilan sa karanasan ng mga estudyante sa paksang “Huwag Mong Pagpahingahin ang Iyong Kamay.” (Eclesiastes 11:6) Sa pamamagitan ng buháy na buháy na pagsasadula, ipinakita ng mga estudyante kung paano sila puspusang nangaral ng mabuting balita sa mga eroplano, restawran, at gas station. Nangaral sila sa bahay-bahay, sa impormal na paraan, at sa pamamagitan ng liham. Oo, hindi nila pinagpahinga ang kanilang kamay at napakaganda ng mga resulta nito.
Ininterbyu naman ni Kenneth Stovall, isang staff member ng Gilead, ang tatlong makaranasang misyonero—si Barry Hill na naglingkod sa Ecuador at Dominican Republic, si Eddie Mobley sa Côte d’Ivoire, at si Tab Honsberger sa Senegal, Benin, at Haiti. Ang tema ng magandang bahaging ito ay “Subukin si Jehova at Umani ng mga Pagpapala.” (Malakias 3:10) Ikinuwento ni Brother Hill kung paano nila napagtiisang mag-asawa ang klima sa Ecuador na kung minsan ay mainit at maalikabok at kung minsan naman ay mainit at maputik. Sa loob ng dalawa at kalahating taon, timba ang ginagamit nila sa paliligo. Pero hindi nila kailanman naisip na umalis; itinuring nilang pagpapala ni Jehova ang kanilang atas. “Ito na ang aming buhay,” ang sabi niya.
Sa dulo ng programa, binasa ng isa sa mga estudyante ang nakaaantig na liham ng mga nagsipagtapos. Taos-puso ang kanilang pasasalamat. “Lalong tumibay ang aming pananampalataya,” ang sabi sa liham, “pero alam naming marami pa kaming dapat pasulungin.” Ang lahat ng estudyante ay tumanggap ng diploma, at inatasang maglingkod sa iba’t ibang bansa. Bago matapos ang programa, tiniyak ni Brother Jackson sa mga estudyante na makaaasa sila sa tulong ni Jehova, lalo na kapag napapaharap sila sa mga hamon. Ang lahat ng dumalo ay umuwing punung-puno ng pag-asa at pananabik. Tiyak na ang mga bagong misyonerong ito ay gagamitin ni Jehova sa pagsasagawa ng maraming bagay.
[Chart/Mapa sa pahina 31]
ESTADISTIKA NG KLASE
9 na bansa ang may kinatawan
34.0 katamtamang edad
18.6 katamtamang taon mula nang mabautismuhan
13.1 katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo
[Mapa]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Inatasan ang klase sa mga bansang nasa ibaba
MGA ATAS SA MISYONERO
ARGENTINA
ARMENIA
BURKINA FASO
BURUNDI
CONGO (KINSHASA)
CZECH REPUBLIC
HAITI
HONG KONG
INDONESIA
KENYA
LITHUANIA
MALAYSIA
MOZAMBIQUE
NEPAL
PAPUA NEW GUINEA
ROMANIA
SENEGAL
TANZANIA
UGANDA
ZIMBABWE
[Larawan sa pahina 31]
Ang Ika-130 Klase na Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan patungo sa likuran, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.
(1) Molina, Z.; Bassolino, S.; Alatsis, C.; Arroyo, A.; Niño, L.; Merkling, S.; Clark, M.
(2) Little, C.; Tibaudo, S.; Jakobsson, S.; Moreno, J.; Rodriguez, A.; Lee, K.; Cárdenas, H.; Aguilar, L.
(3) Clairbush, A.; Polley, A.; Caldwell, S.; Adame, J.; Hildebrandt, S.; Shoemaker, I.; Grohman, N.; Galvez, G.
(4) Clark, J.; Bassolino, A.; Packham, K.; Adame, J.; Knaus, M.; Niño, M.; Moreno, R.; Galvez, J.
(5) Rodriguez, D.; Geynes, M.; Molina, J.; Aguilar, A.; Alatsis, I.; Manno, A.; Grohman, R.; Packham, J.
(6) Geynes, S.; Cárdenas, M.; Arroyo, C.; Manno, C.; Merkling, J.; Lee, H.; Clairbush, X.; Jakobsson, P.
(7) Little, J.; Hildebrandt, B.; Shoemaker, M.; Knaus, K.; Caldwell, J.; Tibaudo, F.; Polley, C.