Matuto Mula sa Salita ng Diyos
Paano Mo Makikilala ang Tunay na Relihiyon?
Tinatalakay ng artikulong ito ang mga tanong na maaaring naiisip mo at ipinakikita kung saan sa iyong Bibliya matatagpuan ang sagot. Nais ng mga Saksi ni Jehova na ipakipag-usap sa iyo ang mga sagot na ito.
1. Iisa lang ba ang tunay na relihiyon?
Iisang relihiyon lang ang itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod, at iyon ang tunay na relihiyon. Ito ay tulad ng isang daan na patungo sa buhay. Tungkol sa daang iyan, sinabi ni Jesus: “Kakaunti ang mga nakasusumpong nito.” (Mateo 7:14) Tanging ang pagsambang nakasalig sa mga katotohanang nasa Salita ng Diyos ang tinatanggap ng Diyos. Ang lahat ng tunay na mananamba ay nagkakaisa sa iisang pananampalataya.—Basahin ang Juan 4:23, 24; 14:6; Efeso 4:4, 5.
2. Bakit napakaraming relihiyon ang nagsasabing sila’y Kristiyano?
Pinasamâ ng huwad na mga propeta ang Kristiyanismo at ginamit nila ito para sa kanilang sariling interes. Gaya ng inihula ni Jesus, sila ay nagkukunwaring ‘mga tupa’ niya ngunit kumikilos na gaya ng mga gutóm na lobo. (Mateo 7:13-15, 21, 23) Ang huwad na Kristiyanismo ay lumitaw partikular na noong mamatay ang mga apostol ni Jesus.—Basahin ang Gawa 20:29, 30.
3. Ano ang ilang pagkakakilanlan ng tunay na relihiyon?
Iginagalang ng mga tunay na mananamba ang Bibliya bilang Salita ng Diyos. Sinisikap nilang mamuhay ayon sa mga simulain nito. Kaya ang tunay na relihiyon ay naiiba sa relihiyong nakasalig sa mga ideya ng tao. (Mateo 15:7-9) Ginagawa ng mga tunay na mananamba kung ano ang kanilang ipinangangaral.—Basahin ang Juan 17:17; 2 Timoteo 3:16, 17.
Pinararangalan ng tunay na relihiyon ang pangalan ng Diyos na Jehova. Ipinakilala ni Jesus ang pangalan ng Diyos. Tinulungan niya ang mga tao na makilala ang Diyos at tinuruan niya sila na ipanalangin ang pagpapabanal sa pangalan ng Diyos. (Mateo 6:9) Sa inyong lugar, anong relihiyon ang nagsasabing dapat gamitin ang pangalan ng Diyos?—Basahin ang Juan 17:26; Roma 10:13, 14.
4. Paano mo makikilala ang mga tunay na mananamba?
Ang mga tunay na Kristiyano ay nangangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos. Isinugo ng Diyos si Jesus para ipangaral ang Kaharian. Ang Kaharian ng Diyos ang tanging pag-asa ng mga tao. Patuloy itong ipinangaral ni Jesus hanggang noong araw na mamatay siya. (Lucas 4:43; 8:1; 23:42, 43) Inutusan niya ang kaniyang mga tagasunod na mangaral tungkol dito. Kapag may nakipag-usap sa iyo tungkol sa Kaharian ng Diyos, ano sa palagay mo ang relihiyon niya?—Basahin ang Mateo 10:7; 24:14.
Ang mga tagasunod ni Jesus ay hindi bahagi ng masamang sanlibutang ito. Hindi sila nakikisali sa pulitika o sa mga kaguluhan sa lipunan. (Juan 17:16) Hindi rin nila tinutularan ang nakapipinsalang mga gawain at ugali ng mga tao sa sanlibutang ito.—Basahin ang Santiago 1:27; 4:4.
5. Ano ang pangunahing pagkakakilanlan ng tunay na Kristiyanismo?
Ang mga tunay na Kristiyano ay may namumukod-tanging pag-ibig sa isa’t isa. Natutuhan nila sa Salita ng Diyos na igalang ang mga tao anuman ang kanilang lahi. Bagaman karaniwan nang sinusuportahan ng huwad na relihiyon ang pagdidigmaan ng mga bansa, tumatanggi naman ang mga tunay na mananamba na gawin ito. (Mikas 4:1-4) Sa halip, ginagamit ng mga miyembro ng tunay na relihiyon ang kanilang panahon, pera, at lakas para tulungan at patibayin ang iba.—Basahin ang Juan 13:34, 35; 1 Juan 4:20, 21.
Anong relihiyon ang masasabing nagtuturo batay sa Salita ng Diyos, nagpaparangal sa pangalan ng Diyos, at naghahayag ng Kaharian ng Diyos bilang ang tanging pag-asa ng mga tao? Anong relihiyon ang nagpapakita ng pag-ibig at hindi sumusuporta sa digmaan? Maliwanag, ang mga Saksi ni Jehova.—1 Juan 3:10-12.
Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 15 ng aklat na ito, Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 16]
“Hayagan nilang sinasabi na kilala nila ang Diyos, ngunit itinatatwa nila siya sa pamamagitan ng kanilang mga gawa.”—Tito 1:16.