Papa sa Roma—“Kahalili ni San Pedro”?
Papa sa Roma—“Kahalili ni San Pedro”?
NOONG 2002, nagpadala ng liham si Pope John Paul II sa obispo ng Limburg, Germany na nagpapawalang-bisa sa isang desisyon nito may kaugnayan sa aborsiyon. Sinimulan ng papa ang kaniyang liham sa pagsasabing siya ang responsable sa “kapakanan at pagkakaisa ng lahat ng simbahan ayon sa kalooban ni Jesu-Kristo.” Sinabi niyang may awtoridad siyang pawalan ng bisa ang desisyon ng obispo dahil bilang papa, siya ang “kahalili ni San Pedro.”
Ayon sa paliwanag ng Romano Katoliko, “itinalaga ni Kristo si San Pedro bilang pinuno ng lahat ng apostol.” Ipinahayag pa ng Simbahang Katoliko na “sinabi ni Kristo na si Pedro ay dapat magkaroon ng tuluy-tuloy na kahalili sa tungkuling ito; at na ang mga obispong Romano ang mga kahaliling ito.”—New Catholic Encyclopedia (2003), Tomo 11, pahina 495-496.
Nasuri mo na ba mismo kung totoo nga ang mga pag-aangking ito? Isaalang-alang natin ang mga sagot sa tatlong tanong na ito: (1) Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pag-aangking si Pedro ang unang papa? (2) Ano ang sinasabi ng kasaysayan tungkol sa pinagmulan ng katungkulan ng papa? (3) Ipinakikita ba ng mga paggawi at turo ng mga papa na sila nga ay mga kahalili ni Pedro?
Si Pedro ba ang Unang Papa?
Para patunayang si Pedro ang pundasyon ng Simbahan, matagal nang ginagamit ng mga Katoliko ang sinabi ni Jesus sa Mateo 16:18: “Ikaw ay si Pedro, at sa batong-limpak na ito ay itatayo ko ang aking kongregasyon.” Sa katunayan, ito ay nakasulat sa wikang Latin sa simburyo ng St. Peter’s Basilica sa Roma.
Si Augustine, isang pinagpipitagang Ama ng Simbahan, ay minsang nanindigan na si Pedro ang pundasyon ng kongregasyon. Pero noong huling bahagi ng kaniyang buhay, binago niya ang kaniyang pakahulugan sa sinabi ni Jesus. Sa akdang Retractations, ikinatuwiran ni Augustine na si Jesus, at hindi si Pedro, ang pundasyon ng simbahan, samakatuwid nga, ang kongregasyong Kristiyano. *
Totoo, si apostol Pedro ay madalas banggitin sa mga Ebanghelyo. Sa mga apostol ni Jesus, tatlo lang ang isinama niya sa ilang mahahalagang pagkakataon—sina Juan, Santiago, at Pedro. (Marcos 5:37, 38; 9:2; 14:33) Ipinagkatiwala ni Jesus kay Pedro ang “mga susi ng kaharian ng langit,” na ginamit naman ni Pedro para buksan ang daan tungo sa Kaharian—una ay sa mga Judio at mga proselita, pagkatapos ay sa mga Samaritano, at panghuli ay sa mga Gentil. (Mateo 16:19; Gawa 2:5, 41; 8:14-17; 10:45) Dahil sa personalidad ni Pedro, may mga pagkakataong siya ang nagsilbing tagapagsalita para sa mga apostol. (Gawa 1:15; 2:14) Pero ibig bang sabihin nito ay siya ang ulo ng sinaunang kongregasyon?
Isinulat ni apostol Pablo na si Pedro ay pinagkatiwalaan ng “pagka-apostol doon sa mga tuli.” (Galacia 2:8) Pero ayon sa konteksto ng mga salita ni Pablo, hindi naman niya sinasabing si Pedro ang nangangasiwa sa kongregasyon. Ang tinutukoy ni Pablo ay ang papel ni Pedro sa pangangaral sa mga Judio.
Bagaman binigyan si Pedro ng malaking pananagutan, walang sinasabi sa Bibliya na inangkin niyang siya ang ulo ng kongregasyon anupat 1 Pedro 1:1; 5:1.
siya ang nagdedesisyon para sa mga alagad bilang isang grupo. Sa kaniyang liham, tinukoy lang niya ang kaniyang sarili bilang “isang apostol” at “isang matandang lalaki.”—Ano ang Sinasabi ng Kasaysayan Tungkol sa Pinagmulan ng Konsepto ng Katungkulan ng Papa?
Kailan at paano nagsimula ang konsepto ng katungkulan ng Papa? Ang ideya na makatuwirang maghangad ang isang lalaki na maging mas mataas sa kaniyang mga kapananampalataya ay nagsimula noong buháy pa ang mga apostol. Ano ang pananaw rito ng mga apostol?
Sinabi mismo ni apostol Pedro sa mga lalaking nangunguna sa kongregasyon na huwag silang ‘mamanginoon sa mga mana ng Diyos’; dapat silang maging mapagpakumbaba sa pakikitungo sa isa’t isa. (1 Pedro 5:1-5) Nagbabala si apostol Pablo na mula sa kongregasyon ay may lilitaw na mga taong “magsasalita ng mga bagay na pilipit at ilalayo ang mga alagad upang pasunurin sa kanila.” (Gawa 20:30) Sa pagtatapos ng unang siglo C.E., si apostol Juan ay sumulat ng isang liham. Doon ay mariin niyang tinuligsa ang alagad na si Diotrepes. Bakit? Ang isang dahilan ay ‘gusto ng lalaking ito na magkaroon ng unang dako’ sa kongregasyon. (3 Juan 9) Ang gayong payo ng mga apostol ay nagsilbing pamigil, anupat pansamantalang napigilan ang ambisyon ng mga gustong maging prominente.—2 Tesalonica 2:3-8.
Di-nagtagal pagkamatay ng huling apostol, may mga indibiduwal na nagsimula nang maging mas prominente. Ang The Cambridge History of Christianity ay nagsasabi: “Malamang na walang pinakamataas na obispo sa Roma bago ang kalagitnaan ng ikalawang siglo.” Pagsapit ng ikatlong siglo, itinalaga ng obispo ng Roma ang kaniyang sarili bilang ang pinakamataas na awtoridad, kahit sa ilang simbahan lamang. * Para lalong mapagtibay ang pag-aangkin na ang obispo ng Roma ay may nakatataas na awtoridad, gumawa ang ilan ng isang listahan ng mga humalili kay Pedro.
Pero walang gaanong naitulong ang listahang iyon. Una, hindi matiyak ang ilang pangalang nasa listahan. Higit pa rito, may mali sa umpisa pa lang ng listahan. Bakit? Bagaman nangaral si Pedro sa Roma, gaya ng ipinahihiwatig sa ilang sekular na literatura mula noong una at ikalawang siglo, wala namang ebidensiya na siya ang ulo ng kongregasyon doon.
Ang isang ebidensiya na hindi ulo ng kongregasyon sa Roma si Pedro ay ang liham ni apostol Pablo sa mga taga-Roma. Binanggit niya sa liham ang maraming Kristiyano roon, pero hindi man lang niya nabanggit si Pedro. (Roma 16:1-23) Kung si Pedro ay ulo ng kongregasyon sa Roma, makakaligtaan kaya siya o babalewalain ni Pablo?
Pansinin din na noong panahong isulat ni Pedro ang kaniyang unang liham, isinulat naman ni Pablo ang ikalawang liham niya kay Timoteo. Sa liham na iyon, binanggit ni Pablo ang Roma. Ang totoo, anim na liham ang isinulat ni Pablo mula sa Roma, pero ni minsan ay hindi niya nabanggit si Pedro.
Mga 30 taon matapos isulat ni Pablo ang kaniyang mga liham, isinulat naman ni apostol Juan ang Apocalipsis at ang kaniyang tatlong liham. Sa mga ito, walang binanggit si Juan na ang kongregasyon sa Roma ang pinakaprominente, at wala rin siyang tinukoy na isang lider ng simbahan na diumano’y may pinakamataas na katungkulan ng pagiging kahalili ni Pedro. Walang ebidensiya sa Bibliya o sa kasaysayan na itinalaga ni Pedro ang kaniyang sarili bilang ang unang obispo ng kongregasyon sa Roma.
Ipinakikita ba ng mga Paggawi at Turo ng mga Papa na Totoo ang Kanilang Pag-aangkin?
Makatuwiran lang na umasa tayong tutularan ng mga nag-aangking “kahalili ni San Pedro” at “Kinatawan ni Kristo” ang mga paggawi at turo nina Pedro at Kristo. Halimbawa, tinanggap ba ni Pedro ang espesyal na pagtrato sa kaniya ng mga kapananampalataya niya? Hindi. Tinanggihan niya ang anumang espesyal na pagpapakita ng pagpipitagan sa kaniya. (Gawa 10:25, 26) Kumusta si Jesus? Sinabi niyang dumating siya para maglingkod, at hindi para paglingkuran. (Mateo 20:28) Pero ano naman ang sinasabi ng mga ulat tungkol sa mga papa? Iniiwasan ba nila ang pagiging prominente, pagkakaroon ng mariringal na titulo, at pagpaparangya ng kayamanan at kapangyarihan?
Sina Pedro at Kristo ay parehong namuhay nang malinis sa moral at nagtaguyod ng kapayapaan. Ganito rin ba ang mga papa? Sinasabi ng ensayklopidiyang Katoliko na Lexikon für Theologie und Kirche (Lexicon for Theology and Church) tungkol kay Pope Leo X: “Dahil sa pulitika at nepotismo at sobrang kalayawan, napabayaan ni Leo X ang mahahalagang tungkulin may kinalaman sa espirituwal na mga bagay.” Sinabi naman ni Karl Amon, isang paring Katoliko at propesor sa kasaysayan ng simbahan, na may mapananaligang mga report tungkol kay Pope Alexander VI na nagsisiwalat ng kaniyang “napakaraming katiwalian, pag-abuso sa kapangyarihan, pagbili at pagbebenta ng posisyon, at imoralidad.”
Kumusta naman ang turo ng mga papa kung ihahambing sa turo nina Pedro at Kristo? Si Pedro ay hindi naniniwalang pupunta sa langit ang lahat ng mabubuting tao. Tungkol kay Haring David, sinabi niya: “Hindi umakyat si David sa langit.” (Gawa 2:34) Hindi rin itinuro ni Pedro na dapat binyagan, o bautismuhan, ang mga sanggol. Sa halip, itinuro niyang ang bautismo ay isang hakbang na ginagawa ng isang mananampalataya matapos itong pag-isipang mabuti.—1 Pedro 3:21.
Itinuro ni Jesus na hindi dapat hangarín ng kaniyang mga alagad na maging mas prominente kaysa sa iba. “Kung ang sinuman ay nagnanais na maging una,” ang sabi ni Jesus, “siya ay dapat na maging huli sa lahat at lingkod ng lahat.” (Marcos 9:35) Nang malapit na ang kamatayan ni Jesus, itinagubilin niya sa kaniyang mga tagasunod: “Huwag kayong patawag na Rabbi, sapagkat iisa ang inyong guro, samantalang lahat kayo ay magkakapatid. Isa pa, huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinuman sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Isa na makalangit. Ni huwag kayong patawag na ‘mga lider,’ sapagkat ang inyong Lider ay iisa, ang Kristo.” (Mateo 23:1, 8-10) Sa palagay mo, itinaguyod ba ng mga papa ang turo nina Pedro at Kristo?
Sinasabi ng ilan na ang papa ay dapat manatili sa kaniyang katungkulan kahit hindi siya namumuhay ayon sa moral na mga pamantayan para sa mga Kristiyano. Makatuwiran ba ito? Sinabi ni Jesus: “Bawat mabuting punungkahoy ay nagluluwal ng mainam na bunga, ngunit bawat bulok na punungkahoy ay nagluluwal ng walang-kabuluhang bunga; ang mabuting punungkahoy ay hindi makapamumunga ng walang-kabuluhang bunga, ni ang bulok na punungkahoy man ay makapagluluwal ng mainam na bunga.” Batay sa mga ebidensiya, gugustuhin kaya ni Pedro o ni Kristo na maiugnay sa mga bungang iniluluwal ng mga papa?—Mateo 7:17, 18, 21-23.
[Mga talababa]
^ par. 7 Ang pakikipag-usap ni Jesus kay Pedro ay nakasentro sa pagtukoy sa Kristo at sa kaniyang papel, at hindi sa papel na gagampanan ni Pedro. (Mateo 16:13-17) Nang maglaon, sinabi mismo ni Pedro na si Jesus ang batong pundasyon ng kongregasyon. (1 Pedro 2:4-8) Binanggit din ni apostol Pablo na si Jesus, at hindi si Pedro, ang “pundasyong batong-panulok” ng kongregasyong Kristiyano.—Efeso 2:20.
^ par. 14 Nagbabala si Jesus at ang mga apostol na ang kongregasyong Kristiyano ay maiimpluwensiyahan ng mga taong nagtuturo ng apostasya. (Mateo 13:24-30, 36-43; 2 Timoteo 4:3; 2 Pedro 2:1; 1 Juan 2:18) Noong ikalawang siglo, nagkatotoo ang kanilang sinabi nang tanggapin ng simbahan, o kongregasyon, ang mga paganong kaugalian at ihalo ang pilosopiyang Griego sa doktrina ng Bibliya.
[Mga larawan sa pahina 25]
Ipinahihiwatig ba ng mga ebidensiya na tinutularan ng mga papa ang halimbawa ni Pedro?