Sino ang Dapat Magturo sa mga Bata Tungkol sa Diyos?
Sino ang Dapat Magturo sa mga Bata Tungkol sa Diyos?
“Ang isang mag-aarál ay hindi nakahihigit sa kaniyang guro, kundi ang bawat isa na sakdal na naturuan ay magiging tulad ng kaniyang guro.”—LUCAS 6:40.
ANG ilang magulang ay nag-iisip na hindi nila kayang magturo sa kanilang anak tungkol sa Diyos. Baka iniisip nilang wala silang sapat na edukasyon o wala silang gaanong alam tungkol sa relihiyon para maging mahuhusay na guro. Dahil dito, baka ipaubaya na lang nila sa isang kamag-anak o lider ng relihiyon ang importanteng tungkuling ito.
Kaya sino nga ba talaga ang dapat magturo sa mga bata ng mga katotohanan sa Bibliya at ng mga simulain sa moral? Tingnan natin ang sinasabi ng Bibliya, at ikumpara ang mga ito sa natuklasan ng mga mananaliksik.
Ano ang Papel ng Ama?
Ang itinuturo ng Bibliya: “Mga ama, huwag ninyong galitin ang inyong mga anak, kundi palakihin sila ayon sa pagsasanay at utos ng Panginoon.”—Efeso 6:4, Holman Christian Standard Bible.
Ang natuklasan ng mga mananaliksik: Ano ang pakinabang ng mga ama kung may matibay silang paninindigan sa kanilang mga relihiyosong paniniwala? Ganito ang sinabi ng artikulong Fathers’ Religious Involvement and Early Childhood Behavior, na inilathala noong 2009: “Ang pagiging miyembro ng isang relihiyon ay maaaring makatulong sa mga lalaki na maging mas
mabubuting ama. Dahil sa relihiyon, ang mga indibiduwal ay nabibigyan ng suporta at patnubay pati na ng mga turo at alituntunin kung paano mamumuhay.”Idiniriin ng Bibliya ang kahalagahan ng papel ng ama sa pagpapalaki at pagsasanay sa mga anak. (Kawikaan 4:1; Colosas 3:21; Hebreo 12:9) Pero praktikal pa ba ito sa ngayon? Noong 2009, ang University of Florida ay naglathala ng isang artikulo tungkol sa impluwensiya ng mga ama sa kanilang mga anak. Natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga bata ay mas malamang na lumaking makonsiderasyon at may tiwala sa sarili kung may aktibong partisipasyon ang kanilang ama sa pagpapalaki sa kanila. Ang mga batang lalaki ay nagiging disiplinado at ang mga batang babae naman ay malamang na maging mas positibo ang pag-iisip. Oo, praktikal pa rin ang payo ng Bibliya.
Gaano Kahalaga ang Papel ng Ina?
Ang itinuturo ng Bibliya: “Huwag mong iiwan ang kautusan ng iyong ina.”—Kawikaan 1:8.
Ang natuklasan ng mga mananaliksik: Noong 2006, ang Handbook of Child Psychology ay nagsabi: “Karaniwan nang nasa pagitan ng 65% at 80% ang kahigitan ng panahong ginugugol ng mga ina kasama ang bawat maliit nilang anak kumpara sa panahong ginugugol ng mga ama, at ganiyan din ang sitwasyon sa maraming lupain.” Dahil dito, malaki ang nagiging epekto ng pananalita, pagkilos, at saloobin ng ina sa paglaki ng bata.
Kapag nagtutulungan ang ama at ina sa pagtuturo sa kanilang mga anak ng katotohanan tungkol sa Diyos, nabibigyan nila ang mga ito ng dalawang mahahalagang regalo. Una, nagkakaroon ng pagkakataon ang mga bata na makipagkaibigan sa kanilang Ama sa langit, isang pakikipagkaibigang mapakikinabangan nila habambuhay. Ikalawa, natututuhan ng mga bata kung paano dapat magtulungan ang mag-asawa para matupad ang kanilang mahahalagang plano. (Colosas 3:18-20) Bagaman maaaring tumulong ang iba, ang mga magulang pa rin talaga ang may pananagutang magturo sa kanilang mga anak tungkol sa Diyos at sa kung ano ang gusto ng Diyos na gawin ng isang pamilya.
Kung gayon, paano dapat turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak? Anu-anong paraan ang malamang na maging mabisa?