Turuan ang Iyong mga Anak
Kung Bakit Minahal ng Marami si Dorcas
GUSTO nating lahat na mahalin tayo ng mga tao. Ganiyan din ba ang gusto mo?— * Binabanggit sa atin ng Bibliya ang tungkol kay Dorcas, isang babaing mahal na mahal ng marami.
Si Dorcas ay nakatira sa Jope, isang lunsod na malapit sa Dagat Mediteraneo. Ang Jerusalem ay mga 56 na kilometro lang papasók mula sa Jope. Si Dorcas ay isa sa mga unang alagad ni Jesus.
Sa tingin mo, bakit mahal na mahal ng marami si Dorcas?— Sinasabi ng Bibliya na marami siyang ginawang mabuti at nagbigay siya ng magagandang regalo. Malamang na ginawan niya ng magagandang damit ang mga biyuda. Ipinakipag-usap din niya sa marami ang tungkol sa tunay na Diyos, si Jehova, gaya ng ginawa ni Jesus.
Alam mo ba kung ano ang masamang nangyari kay Dorcas?— Nagkasakit siya nang malubha
at namatay. Nalungkot ang lahat ng kaibigan niya. Kaya inutusan nila ang ilang tao para sunduin si apostol Pedro sa tinutuluyan nito, na mga 16 na kilometro ang layo. Pinagmadali ng mga ito si Pedro. Pagdating ni Pedro, agad siyang umakyat sa kinaroroonan ni Dorcas. Ang lahat ng babae ay umiiyak habang ipinakikita nila kay Pedro ang mga damit na ginawa ni Dorcas.Pinalabas ni Pedro ang lahat ng nasa silid. Dati nang nakagawa ng mga himala si Pedro at ang ibang mga apostol, pero hindi pa sila bumubuhay ng patay. Ano kaya ang ginawa ni Pedro?—
Lumuhod si Pedro sa tabi ng bangkay at nanalangin kay Jehova. Pagkatapos, inutusan niya si Dorcas na bumangon. At bumangon nga si Dorcas! Iniabot ni Pedro kay Dorcas ang kaniyang kamay at tinulungan niya itong makatayo. Pagkatapos ay pinapasok ni Pedro ang mga biyuda at ang iba pa, at iniharap niya si Dorcas sa kanila. Naiisip mo ba kung gaano kasaya ang lahat?—
May matututuhan ka mula sa kuwento ng pagbuhay-muli kay Dorcas. Ipinakikita nito na kapag matulungin ka sa iba, mamahalin ka ng marami sa kanila. Pero ang pinakamahalaga, aalalahanin ka at mamahalin ng Diyos. Hinding-hindi niya kalilimutan ang mabubuting bagay na ginawa mo sa iba. At gagantimpalaan ka niya ng isang maligaya at walang-hanggang buhay sa matuwid na bagong sanlibutan.
Basahin sa iyong Bibliya
^ par. 3 Kapag binabasa mo ito sa isang bata, ang gatlang pagkatapos ng tanong ay nagsisilbing paalaala sa iyo na huminto at hintayin ang kaniyang sagot.