Tanong ng mga Mambabasa
Ang Diyos ba ay Nasa Iisang Lugar?
Ayon sa iba’t ibang relihiyon, ang Diyos ay omnipresente, isang terminong nagpapahiwatig na ang Diyos ay nasa lahat ng lugar. Halimbawa, sinasabi ng New Catholic Encyclopedia na ang Diyos ay “aktuwal na nasa lahat ng lugar at bagay.” Si John Wesley, tagapagtatag ng Methodist Church, ay sumulat naman ng isang sermon na pinamagatang “On the Omnipresence of God” kung saan sinabi niyang “walang dako, sa loob man o labas ng mga hangganan ng mga lalang, na doo’y wala ang Diyos.”
Ano ba ang itinuturo ng Bibliya? Ang Diyos ba ay omnipresente, anupat nasa lahat ng lugar sa langit, sa lupa, at maging sa mga tao?
Ang totoo, binabanggit ng Bibliya na ang Diyos ay may espesipikong tahanan—ang langit. Nakaulat dito ang isang panalangin ni Haring Solomon sa Diyos: “Makinig ka nawa mula sa langit, sa iyong tatag na dakong tinatahanan.” (1 Hari 8:43) Tinuruan naman ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga alagad na manalangin sa ‘Ama na nasa langit.’ (Mateo 6:9) Matapos buhaying muli, si Kristo ay pumasok “sa langit mismo, upang ngayon ay humarap sa mismong persona ng Diyos,” ang sabi ng Bibliya.—Hebreo 9:24.
Malinaw na ipinakikita ng mga talatang ito na ang Diyos na Jehova ay wala sa lahat ng dako, kundi nasa langit lang. Siyempre pa, ang “langit” na binanggit sa mga tekstong ito ay hindi tumutukoy sa atmospera ng lupa ni sa kalawakan man. Ang Maylalang ng uniberso ay hindi magkakasya sa pisikal na langit. (1 Hari 8:27) Sinasabi ng Bibliya na ang “Diyos ay Espiritu.” (Juan 4:24) Siya ay tumatahan sa dako ng mga espiritu na hiwalay sa pisikal na uniberso.—1 Corinto 15:44.
Pero kumusta naman ang mga teksto sa Bibliya na waring nagpapahiwatig na ang Diyos ay nasa lahat ng dako? Halimbawa, sa Awit 139:7-10, sinabi ni David tungkol sa Diyos: “Saan ako makaparoroon mula sa iyong espiritu, at saan ako makatatakbo mula sa iyong mukha? Kung aakyat ako sa langit, naroon ka; at kung ilalatag ko ang aking higaan sa Sheol, narito! ikaw ay doroon. Kung kukunin ko ang mga pakpak ng bukang-liwayway, upang makatahan ako sa kalayu-layuang dagat, doon din ay papatnubayan ako ng iyong kamay.” Ibig bang sabihin, ang Diyos nga ay omnipresente, anupat nasa bawat lugar na binanggit sa mga talata?
Pansinin na nagtanong muna si David: “Saan ako makaparoroon mula sa iyong espiritu?” * Sa pamamagitan ng banal na espiritu ng Diyos, nakikita niya ang lahat ng bagay at nagagamit ang kaniyang kapangyarihan sa lahat ng lugar, nang hindi literal na pumupunta o tumatahan doon. Bilang paglalarawan: Nitong nakalipas na mga taon, nasusuri ng mga siyentipiko ang lupa sa planetang Mars, na milyun-milyong kilometro ang layo mula sa planetang Lupa. Paano? Hindi sila personal na pumupunta roon, kundi pinag-aaralan lang nila ang detalyadong mga larawan at iba pang impormasyong mula sa mga probe na ipinadadala sa Mars.
Ang Diyos na Jehova ay hindi rin kailangang nasa lahat ng lugar, o omnipresente, para makita kung ano ang nangyayari sa buong uniberso. Sinasabi ng Bibliya: “Walang nilalang na hindi hayag sa kaniyang paningin.” (Hebreo 4:13) Oo, ang makapangyarihang aktibong puwersa o banal na espiritu ni Jehova ay nakaaabot sa lahat ng lugar. Kaya naman nakikita niya ang lahat at naisasagawa ang kaniyang layunin kahit nasa isang lugar lang siya, sa kaniyang “banal na tahanan” sa langit.—Deuteronomio 26:15.
^ par. 8 Ang salitang Hebreo na isinaling “espiritu” ay tumutukoy sa aktibong puwersa ng Diyos, ang kapangyarihang ginagamit ng Diyos para gawin ang kaniyang kalooban.