Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ba ang Armagedon?

Ano ba ang Armagedon?

Tanong ng mga Mambabasa

Ano ba ang Armagedon?

▪ Para sa marami, ang salitang “Armagedon” ay nagpapahiwatig ng pagkalipol ng mga tao​—digmaang nuklear, mga likas na kasakunaan, o pagkawasak pa nga ng kapaligiran dahil sa pag-init ng globo. Ayon sa pagkakagamit sa Bibliya, ang Armagedon ay hindi tumutukoy sa alinman sa mga ito. Kung gayon, ano ang Armagedon na binabanggit ng Bibliya?

Ang salitang “Armagedon” (“Har–Magedon”) ay mababasa sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis. Tumutukoy ito sa isang naiibang digmaan, ang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” kung saan ang “mga hari ng buong tinatahanang lupa” ay titipunin para sa pangwakas na pakikidigma sa Diyos. Ang digmaang ito ay tinukoy rin sa iba pang mga teksto sa Bibliya.​—Apocalipsis 16:14-16; Ezekiel 38:22, 23; Joel 3:12-14; Lucas 21:34, 35; 2 Pedro 3:11, 12.

Ano ang magiging resulta ng digmaang ito? Sa makasagisag na paraan, sinasabi ng Apocalipsis: ‘Ang mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo ay nagtipun-tipon upang makipagdigma sa isa na nakaupo sa kabayo at sa kaniyang hukbo.’ Ang “isa na nakaupo sa kabayo” ay ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, na inatasan ng Diyos na manguna sa mga hukbo ng mandirigmang anghel na lilipol sa mga kaaway ng Diyos. (Apocalipsis 19:11-16, 19-21) Mababasa sa Jeremias 25:33 kung gaano karami ang mapupuksa: “Ang mga mapapatay ni Jehova sa araw na iyon ay tiyak na mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa.”

Bakit kailangan ang Armagedon? Dahil hindi kinikilala ng mga bansa ang soberanya ng Diyos, at sa halip ay itinatampok nila ang kanilang sarili. (Awit 24:1) Inilalarawan ito sa Awit 2:2: “Ang mga hari sa lupa ay tumitindig at ang matataas na opisyal ay nagpipisan na tila iisa laban kay Jehova at laban sa kaniyang pinahiran.”

Sa diwa, ang mga rebeldeng ito ay parang mga sutil na iskuwater. Hindi lang nila inaangkin ang lupa ng iba, kundi sinisira pa ito at ginagamit sa maling paraan. Sa ngayon, sinisira ng mga bansa ang lupa at pinarurumi ang kapaligiran nito. Inihula ng Bibliya ang nakalulungkot na kalagayang ito: ‘Ang mga bansa ay napoot, at ang sariling poot ng Diyos ay dumating.’ At ‘ipapahamak ng Diyos yaong mga nagpapahamak sa lupa.’ (Apocalipsis 11:18) Ang Armagedon ang gagamitin ng Diyos para lutasin ang isyu kung sino talaga ang may karapatang mamahala sa buong lupa.​—Awit 83:18.

Kailan magaganap ang Armagedon? Maliwanag ang sinabi ng Anak ng Diyos: “May kinalaman sa araw at oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa mga langit kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.” (Mateo 24:36) Pero nagbabala rin ang Mandirigmang-Haring si Jesu-Kristo: “Narito! Ako ay dumarating na gaya ng isang magnanakaw. Maligaya ang nananatiling gising.” (Apocalipsis 16:15) Kung gayon, ang pandaigdig na digmaang ito ay may kaugnayan sa pagkanaririto ni Kristo, na ayon sa mga hula ng Bibliya ay naririto na.

Sa Armagedon, ang lahat ng masasamang ayaw magbago ay pupuksain, samantalang “isang malaking pulutong” naman ang makaliligtas. (Apocalipsis 7:9-14) Makikita nila ang katuparan ng mga salitang ito: “Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na; at pagtutuunan mo nga ng pansin ang kaniyang dako, at siya ay mawawala na. Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”​—Awit 37:10, 11.

[Blurb sa pahina 10]

“Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan”