Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Matuto Mula sa Salita ng Diyos

Paano Ka Magiging Malapít sa Diyos?

Paano Ka Magiging Malapít sa Diyos?

Tinatalakay ng artikulong ito ang mga tanong na maaaring naiisip mo at ipinakikita kung saan sa iyong Bibliya matatagpuan ang sagot. Nais ng mga Saksi ni Jehova na ipakipag-usap sa iyo ang mga sagot na ito.

1. Pinakikinggan ba ng Diyos ang lahat ng panalangin?

Inaanyayahan ni Jehova ang mga tao sa lahat ng bansa na lumapit sa kaniya sa panalangin. (Awit 65:2) Pero hindi niya pinakikinggan ang lahat ng panalangin. Halimbawa, nang patuloy na gumawa ng masama ang mga Israelita, hindi pinakinggan ng Diyos ang kanilang mga panalangin. (Isaias 1:15) Hindi rin niya pinakikinggan ang panalangin ng isang lalaking nang-aabuso ng asawa. (1 Pedro 3:7) Gayunman, pinakikinggan ng Diyos ang panalangin ng mga makasalanan kapag nagsisisi sila.​—Basahin ang 2 Cronica 33:9-13.

2. Paano tayo dapat manalangin?

Ang panalangin ay isang pribilehiyo at bahagi ng ating pagsamba, kaya naman kay Jehova lamang tayo dapat manalangin. (Mateo 4:10; 6:9) Yamang hindi tayo perpekto, dapat tayong manalangin sa pamamagitan ng pangalan ni Jesus dahil siya ang “daan.” (Juan 14:6) Ayaw ni Jehova na ulit-ulitin natin ang kinabisa o isinulat na mga panalangin. Gusto niyang manalangin tayo mula sa ating puso.​—Basahin ang Mateo 6:7; Filipos 4:6, 7.

Naririnig din ng ating Maylalang ang tahimik na mga panalangin. (1 Samuel 1:12, 13) Hinihimok niya tayong manalangin sa lahat ng pagkakataon​—sa simula at pagtatapos ng araw, bago kumain, at kapag may problema tayo.​—Basahin ang Awit 55:22; Mateo 15:36.

3. Bakit nagtitipon ang mga Kristiyano?

Hindi madaling maging malapít sa Diyos dahil napaliligiran tayo ng mga taong walang pananampalataya sa Diyos at tumutuya sa pangako niyang kapayapaan sa lupa. (2 Timoteo 3:1, 4; 2 Pedro 3:3, 13) Kaya kailangan natin ang nakapagpapatibay na pakikipagsamahan sa ating mga kapananampalataya.​—Basahin ang Hebreo 10:24, 25.

Maaari kang maging malapít sa Diyos kung makikipagkaibigan ka sa mga taong nagmamahal sa Diyos. Ang mga pulong ng mga Saksi ni Jehova ay nagbibigay ng mga pagkakataon para makinabang sa pananampalataya ng iba.​—Basahin ang Roma 1:11, 12.

4. Paano ka magiging malapít sa Diyos?

Magiging malapít ka kay Jehova sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa mga natututuhan mo sa kaniyang Salita. Pag-isipan ang kaniyang mga ginawa, tagubilin, at mga pangako. Sa tulong ng panalangin at pagbubulay-bulay, mapahahalagahan mo ang pag-ibig at karunungan ng Diyos.​—Basahin ang Josue 1:8; Awit 1:1-3.

Magiging malapít ka lang sa Diyos kung mananampalataya ka sa kaniya. Pero ang pananampalataya ay kailangang patuloy na patibayin. Kaya dapat mong patuloy na tiyakin ang iyong mga paniniwala.​—Basahin ang 1 Tesalonica 5:21; Hebreo 11:1, 6.

5. Paano ka makikinabang sa pagiging malapít sa Diyos?

Si Jehova ay nagmamalasakit sa mga nagmamahal sa kaniya. Pinoprotektahan niya sila mula sa anumang puwedeng magsapanganib ng kanilang pananampalataya at pag-asang buhay na walang hanggan. (Awit 91:1, 2, 7-10) Binababalaan niya tayo laban sa paraan ng pamumuhay na magsasapanganib ng ating kalusugan at kaligayahan. Itinuturo sa atin ni Jehova ang pinakamabuting paraan ng pamumuhay.​—Basahin ang Awit 73:27, 28; Santiago 4:4, 8.

Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 17 ng aklat na ito, Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.