Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Liham Mula sa Congo (Kinshasa)

Sa Lilim ng Bundok ng Apoy

Sa Lilim ng Bundok ng Apoy

HABANG sumisikat ang araw sa lunsod ng Goma, ang langit ay nagkukulay rosas at kahel. Araw-araw ay nakikita namin ang napakagandang tanawin ng Bundok Nyiragongo, isa sa pinakaaktibong bulkan sa buong mundo. Laging may lumalabas na usok mula sa bunganga nito. Kung gabi, ang usok ay nagkukulay pula dahil sa repleksiyon ng lava sa bunganga ng bulkan.

Sa wikang Swahili, ang bundok na ito ay tinatawag na Mulima ya Moto​—Bundok ng Apoy. Ang huling malakas na pagsabog ng Nyiragongo ay nangyari noong 2002. Marami sa mga kapitbahay at kaibigan namin dito sa Goma ang nawalan ng lahat ng kanilang ari-arian. Sa ilang lugar na pinangangaralan naming mag-asawa, kami ay naglalakad sa ibabaw ng alun-alon at tuyong lava. Naiisip ko tuloy na ganito siguro ang paglalakad sa buwan. Pero ang mga tao rito ay kabaligtaran ng matigas na lava. Masayahin sila, malambot ang puso, at tumatanggap ng mabuting balita na ipinangangaral namin. Kaya naman napakasayang maglingkod sa lilim ng Bundok ng Apoy.

Isang umaga ng Sabado, gumising ako nang sabik na sabik. Kasi, kaming mag-asawa, pati ang aming dumadalaw na mga kaibigan at kapuwa misyonero, ay maghapong mangangaral sa refugee camp sa Mugunga, na nasa labas lang ng Goma sa bandang kanluran nito. Marami sa naroroon ay tumakas mula sa mararahas na pagsalakay sa kani-kanilang bayan.

Nang maikarga na namin sa trak ang mga literatura sa Bibliya sa wikang Pranses, Kiswahili, at Kinyarwanda, nagsimula na kaming bumiyahe. Habang binabagtas namin ang baku-bakong Route Sake, nagiging abala na ang lunsod. Ang mga kabataang lalaki ay nagtutulak ng kanilang mga chukudus (scooter na gawa sa kahoy) na punung-puno ng mga kargada. Sa gilid ng daan, naglalakad ang mga babaing makukulay ang palda at may sunong na malalaking bungkos sa ulo. Abalang-abala naman ang mga mototaxi sa paghahatid ng mga pasahero sa palengke at sa kani-kanilang trabaho. Saanman kami tumingin, may mga bahay na gawa sa kahoy na nangingitim-ngitim na at may pintang asul.

Dumaan kami sa Kingdom Hall ng Ndosho para katagpuin ang ilang kapuwa Saksi ni Jehova na sasama sa amin sa pangangaral sa refugee camp. Naantig ako nang makita ko ang mga bata, biyuda, ulila, at mga may kapansanan. Marami sa kanila ang dumanas ng matinding paghihirap pero bumuti ang kanilang buhay dahil sa pagsunod sa mga simulain ng Bibliya. Buháy na buháy sa puso nila ang pag-asang binabanggit ng Bibliya, at gustung-gusto nila itong ibahagi sa iba. Matapos ang maikling pag-uusap tungkol sa mga tekstong makapagpapatibay sa mga mapangangaralan namin, kaming 130 ay bumiyahe na sakay ng limang minibus at isang trak.

Makalipas ang mga 30 minuto, nakarating kami sa refugee camp. Daan-daang maliliit na puting tolda ang nakatayo sa matigas na lava. Maayos na nakahanay sa gitna ng kampo ang mga palikuran at labahan. Abalang-abala ang mga tao​—naglalaba, nagluluto, nagbabalat ng beans, at nagwawalis sa harapan ng kani-kanilang tolda.

Nakausap namin ang isang lalaki na tinatawag na Papa Jacques, na nangangasiwa sa isang seksiyon ng kampo. Nababahala siya sa pagpapalaki sa kaniyang mga anak sa mahirap na panahong ito. Tuwang-tuwa siya nang iwan namin sa kaniya ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​Mga Sagot na Lumulutas. Sinabi niyang babasahin niya iyon at magtitipon siya nang maliliit na grupo para ibahagi ang mga natututuhan niya.

Sa di-kalayuan, nakausap naman namin ang isang babae na tinatawag na Mama Beatrice. Tinanong niya kami kung bakit hinahayaan ng Diyos na magdusa ang mga tao. Iniisip niyang pinarurusahan siya ng Diyos. Napatay sa digmaan ang kaniyang asawa, ang anak niyang babae ay nagsosolong ina at hirap na hirap sa pagpapalaki ng anak, ang anak naman niyang lalaki ay kinidnap at ilang buwan na niyang hindi nakikita.

Dahil sa mga ikinuwento ni Mama Beatrice, naisip ko tuloy kung ano ang nadama ni Job sa lahat ng masasamang balita na tinanggap niya. Ipinaliwanag namin kay Mama Beatrice kung bakit nagdurusa ang mga tao at tiniyak sa kaniya na hindi siya pinarurusahan ng Diyos. (Job 34:10-12; Santiago 1:14, 15) Ipinaliwanag din namin ang mga pagbabagong malapit nang gawin ng Diyos sa lupa sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian. Ngumiti si Mama Beatrice, at sinabing ipagpapatuloy niya ang pag-aaral ng Bibliya at pananalangin sa Diyos.

Nag-enjoy kaming lahat nang araw na iyon. Nadama namin na talagang tinulungan kami ni Jehova para mabigyan ng pag-asa at pampatibay-loob ang mga taong nakausap namin. Nang papaalis na kami sa kampo, hawak-hawak ng marami sa mga tagaroon ang kanilang mga tract, magasin, at mga aklat habang kumakaway sa amin.

Samantalang papauwi, nakapagbulay-bulay ako. Punung-puno ako ng pasasalamat para sa espesyal na araw na ito. Naaalaala ko ang pagpapahalagang ipinakita ni Papa Jacques, ang kislap sa mga mata ni Mama Beatrice, ang mahigpit na pakikipagkamay ng isang matandang babae na idinaan na lang sa mga ngiti ang gusto niyang sabihin sa akin. Naiisip ko rin ang mga kabataang may malalalim na tanong at kakikitaan ng pagkamaygulang. Hanga ako sa katatagang nakita ko sa mga taong iyon. Nakakangiti pa rin sila at nakakatawa sa kabila ng mga problema.

Sa lugar na ito, kitang-kita namin ang taimtim na pagsisikap ng marami na makapagbigay ng kaginhawahan sa mga nagdurusa. Sa ngayon, isang pribilehiyo nga na magamit ang Bibliya para ipakita sa mga tao ang permanenteng solusyon sa kanilang mga problema. Napakasaya ko na maging bahagi ng walang-katulad na gawaing ito ng paglalaan ng espirituwal na kaginhawahan sa mga tao.