Alam Mo Ba?
Alam Mo Ba?
Bakit may mga tagapagpalit ng salapi sa templo sa Jerusalem?
▪ Nang malapit na ang kaniyang kamatayan, binigyang-pansin ni Jesus ang isang malubhang kawalang-katarungan na nangyayari sa templo. Iniulat ng Bibliya: “Pinalayas [ni Jesus] ang lahat niyaong mga nagtitinda at bumibili sa templo, at itinaob ang mga mesa ng mga tagapagpalit ng salapi at ang mga bangkô niyaong mga nagtitinda ng mga kalapati. At sinabi niya sa kanila: ‘Nasusulat, “Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan,” ngunit ginagawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw.’”—Mateo 21:12, 13.
Noong unang siglo, ang mga Judio at proselitang Judio mula sa iba’t ibang lupain at lunsod ay nagtutungo sa templo sa Jerusalem na may dalang sariling mga barya. Pero hinihilingan silang gumamit ng salaping tinatanggap bilang taunang buwis sa templo, pambili ng hayop na ihahain, at para sa iba pang kusang-loob na handog. Kaya kailangan nilang papalitan ang kanilang mga barya sa mga tagapagpalit ng salapi, na naniningil naman para sa kanilang serbisyo. Habang papalapit ang mga kapistahang Judio, ang mga tagapagpalit ng salaping ito ay naglalagay ng kani-kanilang mesa sa Looban ng mga Gentil na nasa loob ng templo.
Nang sabihin ni Jesus na ginagawa ng mga tagapagpalit ng salapi na “yungib ng mga magnanakaw” ang templo, pinatutunayan nitong sobra-sobra ang sinisingil nila para sa kanilang serbisyo.
Bakit mahalaga ang mga punong olibo noong panahon ng Bibliya?
▪ Ang mga punong olibo at ubasan ay kabilang sa mga pagpapalang ipinangako ng Diyos sa kaniyang bayan para sa kanilang katapatan sa kaniya. (Deuteronomio 6:10, 11) Hanggang sa ngayon, mahalaga pa rin ang mga punong olibo sa mga lugar kung saan tumutubo ang mga ito. Namumunga ito nang sagana sa loob ng daan-daang taon kahit hindi alagaang mabuti. Nabubuhay rin ito sa mabatong lupa at nakatatagal sa madalas na tagtuyot. Kapag pinuputol, may bagong mga supang na tumutubo sa tuod nito at nagiging malalaking sanga rin.
Noong panahon ng Bibliya, ang balat at dahon ng punong olibo ay ginagamit na pampababa ng lagnat. Ang dagtang lumalabas sa matatanda nang sanga ay amoy banilya at ginagamit sa paggawa ng pabango. Pero ang punong ito ay pangunahin nang pinahahalagahan dahil sa bunga at langis nito. Halos ang kalahati ng isang hinog na bunga ng olibo ay langis.
Sa loob ng isang taon, makakakuha ng mga 57 litro ng langis sa isang mabungang punong olibo. Ginagamit din ang langis ng olibo sa ilawan, seremonyal at relihiyosong layunin, katawan at buhok, at sa mga sugat at pasa.—Exodo 27:20; Levitico 2:1-7; 8:1-12; Ruth 3:3; Lucas 10:33, 34.