Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kailan Winasak ang Sinaunang Jerusalem?—Bahagi 1

Kailan Winasak ang Sinaunang Jerusalem?—Bahagi 1

Kailan Winasak ang Sinaunang Jerusalem?​—Bahagi 1

Kung Bakit Ito Mahalaga; Kung Ano ang Ipinakikita ng mga Ebidensiya

Ito ang una sa dalawang artikulong mababasa sa magkasunod na isyu ng Ang Bantayan na tatalakay sa malalalim na tanong tungkol sa petsa ng pagkawasak ng sinaunang Jerusalem. Ang seryeng ito ay maghaharap ng sinaliksik-na-mabuti at salig-Bibliyang sagot sa mga tanong na gumugulo sa isipan ng ilang mambabasa.

“Ayon sa mga istoryador at arkeologo, 586 o 587 B.C.E. ang karaniwang tinatanggap bilang taon ng pagkawasak ng Jerusalem. * Pero bakit sinasabi ng mga Saksi ni Jehova na naganap ito noong 607 B.C.E.? Ano ang basehan ninyo sa petsang iyan?”

IYAN ang isinulat ng isa naming mambabasa. Pero bakit tayo dapat maging interesado sa eksaktong petsa kung kailan winasak ni Haring Nabucodonosor II ng Babilonya ang lunsod ng Jerusalem? Una, dahil ang pangyayaring ito ay naghudyat ng isang mahalaga at malaking pagbabago sa kasaysayan ng bayan ng Diyos. Sinabi ng isang istoryador na humantong ito sa “isang kapahamakan, isa ngang sukdulang kapahamakan.” Sa petsang iyan, nawasak ang templo na mahigit 400 taóng naging sentro ng pagsamba sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. “O Dios,” ang pagtangis ng salmista sa Bibliya, “nilapastangan nila ang iyong banal na templo, ang Jerusalem ay winasak, iniwang nakaguho.”​—Awit 79:1, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino. *

Ikalawa, dahil ang pagkaalam sa eksaktong petsa kung kailan nagsimula ang “sukdulang kapahamakan” at ang pagkaunawa na isang katuparan ng hula sa Bibliya ang pagsasauli ng tunay na pagsamba sa Jerusalem ay magpapatibay ng pagtitiwala mo sa Salita ng Diyos. Kung gayon, bakit nanghahawakan ang mga Saksi ni Jehova sa isang petsa na 20 taon ang diperensiya sa kronolohiyang tinatanggap ng marami? Ito’y dahil sa mga ebidensiyang nasa Bibliya mismo.

“Pitumpung Taon” Para Kanino?

Maraming taon bago ang pagkawasak, ang Judiong propeta na si Jeremias ay nagbigay ng isang napakahalagang palatandaan tungkol sa panahong ito na binabanggit sa Bibliya. Ang “lahat ng . . . naninirahan sa Jerusalem” ay binabalaan niya: “Ang buong bansang ito ay magiging dako ng kapanglawan [pagkatiwangwang], at ang mga bansang ito ay pitumpung taong maglilingkod sa hari ng Babilonia.” (Jeremias 25:1, 2, 11, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Nang maglaon, idinagdag ng propeta: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Ayon sa pagtatapos ng pitumpung taon sa Babilonya ay ibabaling ko sa inyo ang aking pansin, at pagtitibayin ko sa inyo ang aking mabuting salita sa pagpapabalik sa inyo sa dakong ito.’” (Jeremias 29:10) Ano ang kahalagahan ng “pitumpung taon”? At paano ito makatutulong para matukoy ang eksaktong petsa ng pagkawasak ng Jerusalem?

Sa halip na sabihing 70 taon “sa Babilonya,” maraming salin ng Bibliya ang kababasahan ng “para sa Babilonya.” (New International Version) Kaya sinasabi ng ilang istoryador na ang 70 taóng ito ay kumakapit sa Imperyo ng Babilonya. Ayon sa sekular na kronolohiya, sinupil ng mga Babilonyo ang lupain ng sinaunang Juda at Jerusalem sa loob ng mga 70 taon, mula mga 609 B.C.E. hanggang 539 B.C.E. nang masakop ang kabiserang lunsod ng Babilonya.

Gayunman, ipinakikita ng Bibliya na ang 70 taóng ito ay magiging panahon ng matinding pagpaparusa ng Diyos​—partikular na sa mga naninirahan sa Juda at Jerusalem, na nakipagtipang susunod sa kaniya. (Exodo 19:3-6) Nang ayaw nilang magbago, sinabi ng Diyos: “Tatawagin ko . . . si Nabucodonosor na hari ng Babilonia . . . laban sa lupaing ito at sa lahat ng naninirahan dito, at laban sa lahat ng bansa sa paligid.” (Jeremias 25:4, 5, 8, 9, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Bagaman madaramay sa galit ng Babilonya ang kalapít na mga bansa, ang pagkawasak ng Jerusalem at ang 70-taóng pagkatapon ay tinawag ni Jeremias na “parusa sa aking bayan,” dahil “napakalaki ng pagkakasala” ng Jerusalem.​—Panaghoy 1:8; 3:42; 4:6, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino.

Kaya ayon sa Bibliya, ang 70 taon ay isang panahon ng pagpaparusa sa Juda, at ginamit ng Diyos ang mga Babilonyo para ipataw ito. Pero sinabi rin ng Diyos sa mga Judio: “Kapag naganap na . . . ang pitumpung taon, . . . ibabalik [ko] kayo sa dakong ito”​—ang lupain ng Juda at Jerusalem.​—Jeremias 29:10, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino.

Kailan Nagsimula ang “Pitumpung Taon”?

Ang kinasihang istoryador na si Ezra, na nabuhay pagkatapos matupad ang 70 taon na inihula ni Jeremias, ay sumulat tungkol kay Haring Nabucodonosor: “Dinala nilang bihag sa Babilonia ang mga nalabing nakatakas sa tabak at ginawang alipin niya at ng kaniyang mga anak hanggang maging makapangyarihan ang kaharian ng Persia. Ang mga lupain ay nakaranas ng mga pamamahingang Sabbat, nagkaroon ito ng kapahingahan sa buong panahon ng kasiraan nito hanggang sa matapos ang pitumpung taon bilang katuparan ng salita ng PANGINOON na sinabi ni Jeremias.”​—2 Cronica 36:20, 21, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino.

Kaya ang 70 taon ay magiging isang panahon ng “pamamahingang Sabbat” para sa lupain ng Juda at Jerusalem. Nangangahulugan ito na ang lupain ay hindi lilinangin​—walang maghahasik ng binhi o magpuputol sa ubasan. (Levitico 25:1-5, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Dahil sa pagkamasuwayin ng bayan ng Diyos, na maaaring hindi rin ipinangingilin ang lahat ng mga taon ng Sabbath, 70 taóng matitiwangwang ang kanilang lupain bilang parusa.​—Levitico 26:27, 32-35, 42, 43.

Kailan natiwangwang ang lupain ng Juda? Ang totoo, dalawang beses na sinalakay ng mga Babilonyo, sa pangunguna ni Nabucodonosor, ang Jerusalem. Ang mga ito ay may pagitang mga sampung taon. Kailan nagsimula ang 70 taon? Tiyak na hindi noong unang kubkubin ni Nabucodonosor ang Jerusalem. Bakit? Bagaman nagdala ng maraming bihag si Nabucodonosor sa Babilonya mula sa Jerusalem, may iniwan pa rin siya sa lupain. Hindi pa rin niya lubusang winasak ang lunsod. Sa loob ng maraming taon pagkatapos nito, ang mga natira sa Juda, ang “mababang uri sa mga tao,” ay umasa sa kanilang lupain para sa kanilang ikabubuhay. (2 Hari 24:8-17) Pero biglang nagbago ang mga bagay-bagay.

Dahil sa paghihimagsik ng mga Judio, bumalik ang mga Babilonyo sa Jerusalem. (2 Hari 24:20; 25:8-10) Winasak nila ang lunsod, pati na ang sagradong templo nito, at dinala nilang bihag sa Babilonya ang marami sa mga naninirahan dito. Sa loob ng dalawang buwan, “lahat ng naroon [na iniwan sa lupain], mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila, pati mga pinuno ng hukbo ay tumakas sa Egipto dahil sa takot sa mga taga-Babilonia.” (2 Hari 25:25, 26, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Kaya noon lang ikapitong buwan ng mga Judio, Tisri (Setyembre/Oktubre), ng taóng iyon, masasabing nagtamasa ng pamamahingang Sabbat ang lupaing tiwangwang na. Sa mga Judiong lumikas sa Ehipto, sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Jeremias: “Inyong nakita ang buong kasamaan na aking dinala sa Jerusalem, at sa lahat ng mga bayan ng Juda; at, narito, sa araw na ito, sila’y kagibaan, at walang taong tumatahan doon.” (Jeremias 44:1, 2, Ang Biblia) Lumilitaw na ang pangyayaring ito ang pasimula ng 70 taon. At anong taon ito nangyari? Para masagot iyan, kailangan nating malaman kung kailan natapos ang 70 taon.

Kailan Natapos ang “Pitumpung Taon”?

Si propeta Daniel, na nabuhay hanggang sa “maging makapangyarihan ang kaharian ng Persia,” ay nasa Babilonya, at kinalkula niya kung kailan matatapos ang 70 taon. Isinulat niya: “Akong si Daniel ay nakaunawa mula sa Kasulatan, ayon sa salita ng PANGINOON na ibinigay niya kay Propeta Jeremias, na ang kapanglawan [pagkatiwangwang] ng Jerusalem ay tatagal ng pitumpung taon.”​—Daniel 9:1, 2, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino.

Pinag-isipan ni Ezra ang mga hula ni Jeremias at iniugnay ang wakas ng “pitumpung taon” sa panahong “kinilos ng PANGINOON ang puso ni Ciro na hari ng Persia para gumawa ng isang nakatitik na pahayag.” (2 Cronica 36:21, 22, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Kailan pinalaya ang mga Judio? Ang utos na tumapos sa kanilang pagkatapon ay inilabas noong “unang taon ni Ciro na hari ng Persia.” (Tingnan ang kahong  “Isang Napakahalagang Petsa sa Kasaysayan.”) Kaya noong taglagas ng 537 B.C.E., bumalik ang mga Judio sa Jerusalem para isauli ang tunay na pagsamba.​—Ezra 1:1-5; 2:1; 3:1-5.

Ayon sa kronolohiya ng Bibliya, ang 70 taon ay literal na panahong nagtapos noong 537 B.C.E. Kaya kung bibilang tayo pabalik, papatak na 607 B.C.E. nagsimula ang 70 taon.

Pero kung malinaw na ipinakikita ng mga ebidensiya mula sa kinasihang Kasulatan na noong 607 B.C.E. winasak ang Jerusalem, bakit pinaninindigan ng maraming awtoridad ang taóng 587 B.C.E.? Dahil nagtitiwala sila sa dalawang reperensiya​—ang akda ng klasikal na mga istoryador at ang kanon ni Ptolemy. Mas maaasahan ba ang mga reperensiyang ito kaysa sa Kasulatan? Tingnan natin.

Klasikal na mga Istoryador​—Gaano Katumpak?

Ang mga istoryador na nabuhay malapit sa panahong wasák na ang Jerusalem ay nagbigay ng halu-halong impormasyon tungkol sa mga haring Neo-Babilonyo. * (Tingnan ang kahong  “Mga Haring Neo-Babilonyo.”) Ang pagkakasunud-sunod at panahon ng mga pangyayari na nakabatay sa kanilang kronolohikal na impormasyon ay hindi kaayon ng nasa Bibliya. Pero maaasahan ba talaga ang kanilang mga akda?

Ang isa sa mga istoryador na nabuhay nang pinakamalapit sa panahong Neo-Babilonyo ay si Berossus, isang Babilonyong “saserdote ni Bel.” Ang kaniyang orihinal na akda, ang Babyloniaca, na isinulat noong mga 281 B.C.E. ay nawala, at mga bahagi na lang nito ang makikita sa mga akda ng ibang istoryador. Sinabi ni Berossus na gumamit siya ng “mga aklat na iningatang mabuti sa Babilonya.”1 Si Berossus ba ay talagang istoryador na nag-ulat ng tumpak na mga impormasyon? Isaalang-alang natin ang isang halimbawa.

Isinulat ni Berossus na ang Asiryanong si Haring Senakerib ay sumunod sa “paghahari ng [kaniyang] kapatid”; at “pagkatapos ay ang kaniyang anak [si Esarhaddon na namahala nang] 8 taon; at si Sammuges [Shamash-shuma-ukin] 21 taon.” (III, 2.1, 4) Pero ang mga dokumento tungkol sa kasaysayan ng Babilonya na isinulat matagal na bago pa ang panahon ni Berossus ay nagsasabi na si Senakerib ay naghari kasunod ng kaniyang ama, si Sargon II, hindi ng kaniyang kapatid; si Esarhaddon ay namahala nang 12 taon, hindi 8; at si Shamash-shuma-ukin ay namahala nang 20 taon, hindi 21. Naniniwala ang iskolar na si R. J. van der Spek na komonsulta si Berossus sa mga kronika ng Babilonya, pero isinulat niya: “Hindi ibig sabihin nito na wala siyang idinagdag na impormasyon o sariling interpretasyon.”2

Ano ang pangmalas ng ibang mga iskolar kay Berossus? “Noon, karaniwan nang itinuturing na istoryador si Berossus,” ang sabi ni S. M. Burstein na nagsuring mabuti sa mga akda ni Berossus. Pero ang konklusyon niya: “Magkagayunman, ang kaniyang ginawa ay masasabing hindi sapat. Kahit na ang natitirang mga bahagi ng Babyloniaca sa ngayon ay naglalaman ng maraming nakagugulat na mga pagkakamali maging sa simpleng detalye . . . Para sa isang istoryador, hindi katanggap-tanggap ang ganitong mga pagkakamali, pero ang layunin ni Berossus ay hindi naman nauukol sa kasaysayan.”3

Ano sa tingin mo? Dapat bang ituring na tumpak at maaasahan ang mga kalkulasyon ni Berossus? Kumusta naman ang ibang klasikal na mga istoryador, na karamihan sa kanila ay nagbatay ng kanilang kronolohiya sa mga akda ni Berossus? Maaasahan ba talaga ang kanilang mga konklusyon?

Ang Kanon ni Ptolemy

Ang Royal Canon ni Claudius Ptolemy, isang astronomo noong ikalawang siglo C.E., ay ginagamit din para suportahan ang 587 B.C.E. Ang listahan ni Ptolemy ng mga hari ay itinuturing na pundasyon ng kronolohiya ng sinaunang kasaysayan, pati na ng panahong Neo-Babilonyo.

Tinipon ni Ptolemy ang kaniyang listahan mga 600 taon pagkatapos ng panahong Neo-Babilonyo. Kaya paano niya natukoy ang petsa ng simula ng pamamahala ng unang hari sa kaniyang listahan? Ipinaliwanag ni Ptolemy na sa pamamagitan ng astronomikal na mga kalkulasyon na ang isa sa mga pinagbatayan ay mga eklipse, “nakalkula namin ang simula ng paghahari ni Nabonassar,” ang unang hari sa kaniyang listahan.4 Kaya naman, sinasabi ni Christopher Walker ng British Museum na ang kanon ni Ptolemy ay “isang artipisyal na talaan na dinisenyo para maglaan sa mga astronomo ng isang mapananaligang kronolohiya” at “hindi para maglaan sa mga istoryador ng isang tumpak na rekord ng pagluklok sa trono at pagkamatay ng mga hari.”5

“Matagal nang alam na ang Kanon ay maaasahan pagdating sa astronomiya,” ang isinulat ni Leo Depuydt, isa sa pinakamasusugid na tagapagtanggol ni Ptolemy, “pero hindi ito nangangahulugang maaasahan na rin ito pagdating sa kasaysayan.” Tungkol sa listahang ito ng mga hari, idinagdag ni Propesor Depuydt: “May kinalaman sa sinaunang mga tagapamahala [kasama na ang mga haring Neo-Babilonyo], ang Kanon ay kailangang ikumpara sa rekord ng cuneiform para matukoy ang panahon ng pamamahala ng bawat hari.”6

Ano ba ang “rekord ng cuneiform” na tutulong sa atin para malaman kung gaano katumpak ang kanon ni Ptolemy? Kasama riyan ang mga kronika ng Babilonya, listahan ng mga hari, at mga economic tablet​—mga dokumentong cuneiform na isinulat ng mga eskribang nabuhay noong panahong Neo-Babilonyo o malapit sa panahong iyon.7

Kumusta naman ang listahan ni Ptolemy kung ikukumpara sa rekord ng cuneiform? Makikita sa kahong  “Kumusta ang Kanon ni Ptolemy Kumpara sa Sinaunang mga Tablet?” (tingnan sa ibaba) ang isang bahagi ng kanon at ang sinaunang dokumentong cuneiform. Pansinin na apat na hari lang ang inilista ni Ptolemy sa pagitan ng mga tagapamahalang Babilonyo na sina Kandalanu at Nabonido. Pero ipinakikita ng Uruk King List​—isang bahagi ng rekord ng cuneiform​—na pito ang naghari sa pagitan ng dalawang ito. Ang panahon ba ng kanilang paghahari ay maikli lang at bale-wala? Ayon sa mga economic tablet, ang isa sa kanila ay pitong taóng naghari.8

Mayroon ding matibay na ebidensiya mula sa mga dokumentong cuneiform na nagsasabing bago ang paghahari ni Nabopolassar (ang unang hari ng panahong Neo-Babilonyo), isa pang hari (si Ashur-etel-ilani) ang namahala nang apat na taon sa Babilonia. Bukod diyan, mahigit isang taóng walang naghari sa lupain.9 Ang lahat ng detalyeng ito ay wala sa kanon ni Ptolemy.

Bakit hindi isinama ni Ptolemy ang ilang tagapamahala? Lumilitaw na hindi niya sila itinuring na lehitimong mga tagapamahala ng Babilonya.10 Halimbawa, hindi niya isinama si Labashi-Marduk, isang haring Neo-Babilonyo. Pero ayon sa mga dokumentong cuneiform, ang mga haring hindi isinama ni Ptolemy ay talagang namahala sa Babilonia.

Sa kabuuan, itinuturing na tumpak ang kanon ni Ptolemy. Pero kung kulang ito, dapat ba itong gamitin para makapagbigay ng isang tamang kronolohiya sa kasaysayan?

Ang Konklusyon Batay sa mga Ebidensiyang Ito

Bilang sumaryo: Malinaw na sinasabi ng Bibliya na may naganap na 70-taóng pagkatapon. May matibay na ebidensiya​—at sang-ayon ang karamihan sa mga iskolar​—na ang mga Judiong tapon ay bumalik sa kanilang sariling lupain noong 537 B.C.E. Kung bibilang pabalik, papatak na ang pagkawasak ng Jerusalem ay naganap noong 607 B.C.E. Bagaman hindi ito ang petsang sinasabi ng klasikal na mga istoryador at ng kanon ni Ptolemy, may mga tanong naman na bumabangon tungkol sa pagiging tumpak ng kanilang mga akda. Oo, hindi sapat ang ebidensiya ng dalawang reperensiyang ito para pabulaanan ang kronolohiya ng Bibliya.

Gayunman, mayroon pa ring mga tanong na kailangang masagot. Wala ba talagang ebidensiya sa kasaysayan na sumusuporta sa petsang 607 B.C.E. na ayon sa ipinahihiwatig ng Bibliya? Ano ang ebidensiyang isinisiwalat ng mga napetsahang dokumentong cuneiform, na marami sa mga ito ay isinulat ng mismong nakasaksi sa mga pangyayari? Tatalakayin natin ang mga ito sa susunod na isyu.

[Mga talababa]

^ par. 4 Ang mga taóng ito ay parehong binabanggit sa sekular na mga reperensiya. Pero 587 B.C.E. ang gagamitin sa seryeng ito. Ang ibig sabihin ng B.C.E. ay “Before the Common Era.”

^ par. 5 Ang mga Saksi ni Jehova ay naglalathala ng isang mapananaligang salin ng Bibliya, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Pero kung hindi ka Saksi ni Jehova, maaari kang gumamit ng ibang mga salin kapag nagsasaalang-alang ng mga paksa sa Bibliya. Ang artikulong ito ay sumipi mula sa ibang mga salin ng Bibliya na kinikilala ng marami.

^ par. 23 Ang Imperyong Neo-Babilonyo ay nagsimula sa paghahari ng ama ni Nabucodonosor, si Nabopolassar, at nagtapos kay Nabonido. Mahalaga ang panahong ito sa mga iskolar dahil saklaw nito ang kalakhang bahagi ng 70 taóng pagkatiwangwang.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 28]

 ISANG NAPAKAHALAGANG PETSA SA KASAYSAYAN

Ang petsang 539 B.C.E. nang sakupin ni Ciro II ang Babilonya ay kinalkula gamit ang:

Mga sinaunang reperensiya ng kasaysayan at mga cuneiform tablet: Isinulat ni Diodorus ng Sicily (c. 80-20 B.C.E.) na si Ciro ay naging hari ng Persia noong “taon ng pagsisimula ng ika-55 Olimpiyada.” (Historical Library, Book IX, 21) Ang taóng iyan ay 560 B.C.E. Ayon sa Griegong istoryador na si Herodotus (c. 485-425 B.C.E.), si Ciro ay pinatay “matapos siyang maghari nang dalawampu’t siyam na taon,” kaya pumapatak na namatay siya noong 530 B.C.E., sa ika-30 taon ng kaniyang pamamahala. (Histories, Book I, Clio, 214) Ipinakikita ng mga cuneiform tablet na si Ciro ay namahala sa Babilonya nang siyam na taon bago siya mamatay. Kaya kung bibilang tayo ng siyam na taon pabalik mula sa taon ng kaniyang kamatayan noong 530 B.C.E., papatak na nasakop ni Ciro ang Babilonya noong 539 B.C.E.

Kompirmasyon ng isang cuneiform tablet: Kinumpirma ng isang astronomikal na clay tablet sa Babilonya (BM 33066) na namatay si Ciro noong 530 B.C.E. Bagaman may ilang pagkakamali ang tablet na ito tungkol sa posisyon ng mga bagay sa kalangitan, naglalaman naman ito ng paglalarawan sa dalawang eklipseng lunar na ayon sa tablet ay naganap noong ikapitong taon ni Cambyses II, anak at kahalili ni Ciro. Ito ay ang mga eklipseng lunar na nakita sa Babilonya noong Hulyo 16, 523 B.C.E. at noong Enero 10, 522 B.C.E., kaya pumapatak na noong tagsibol ng 523 B.C.E. nagsimula ang ikapitong taon ni Cambyses. Lumilitaw na ang opisyal na taon ng paghahari niya ay 529 B.C.E. Kung gayon, 530 B.C.E. ang huling taon ng pamamahala ni Ciro na nangangahulugang 539 B.C.E. ang unang taon ng kaniyang pamamahala sa Babilonya.

[Credit Line]

Tablet: © The Trustees of the British Museum

[Kahon sa pahina 31]

MAIKLING SUMARYO

▪ Karaniwang sinasabi ng sekular na mga istoryador na winasak ang Jerusalem noong 587 B.C.E.

▪ Malinaw na ipinahihiwatig ng kronolohiya ng Bibliya na winasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E.

▪ Pangunahing ibinabatay ng sekular na mga istoryador ang kanilang konklusyon sa mga akda ng klasikal na mga istoryador at sa kanon ni Ptolemy.

▪ Ang mga akda ng klasikal na mga istoryador ay naglalaman ng kapansin-pansing mga pagkakamali at hindi laging kaayon ng rekord sa mga clay tablet.

[Kahon sa pahina 31]

Mga Reperensiya at Karagdagang Impormasyon

1. Babyloniaca (Chaldaeorum Historiae), Book One, 1.1.

2. Studies in Ancient Near Eastern World View and Society, pahina 295.

3. The Babyloniaca of Berossus, pahina 8.

4. Almagest, III, 7, isinalin ni G. J. Toomer, sa Ptolemy’s Almagest, na inilathala noong 1998, pahina 166. Alam ni Ptolemy na ang mga astronomong Babilonyo ay gumamit ng mga kalkulasyon para “matuos” kung ilang beses nagkaeklipse at magkakaeklipse dahil natuklasan nilang ang magkakahawig na mga eklipse ay nauulit kada 18 taon.​—Almagest, IV, 2.

5. Mesopotamia and Iran in the Persian Period, pahina 17-18.

6. Journal of Cuneiform Studies, Tomo 47, 1995, pahina 106-107.

7. Ang cuneiform ay isang paraan ng pagsulat kung saan idiniriin ng isang eskriba ang isang panulat na hugis-tatsulok ang dulo sa malambot na clay tablet para makabuo ng iba’t ibang simbolo.

8. Si Sin-sharra-ishkun ay namahala nang pitong taon, at 57 economic tablet ng haring ito ay may petsang mula sa taon ng pagluklok niya bilang hari hanggang sa kaniyang ikapitong taon. Tingnan ang Journal of Cuneiform Studies, Tomo 35, 1983, pahina 54-59.

9. Ang economic tablet na C.B.M. 2152 ay may petsang ikaapat na taon ni Ashur-etel-ilani. (Legal and Commercial Transactions Dated in the Assyrian, Neo-Babylonian and Persian Periods​—Chiefly From Nippur, ni A.T. Clay, 1908, pahina 74.) Inilista rin si Ashur-etel-ilani sa Harran Inscriptions of Nabonidus, (H1B), I, ika-30 linya, bago si Nabopolassar. (Anatolian Studies, Tomo VIII, 1958, pahina 35, 47.) Para sa mga panahong walang hari, tingnan ang Chronicle 2, ika-14 na linya, ng Assyrian and Babylonian Chronicles, pahina 87-88.

10. Iginigiit ng ilang iskolar na may mga haring hindi isinama ni Ptolemy​—na ipinapalagay na mga hari lang ng Babilonya ang inilista​—dahil ang mga ito ay may titulong “Hari ng Asirya.” Pero gaya ng mapapansin mo sa kahon sa pahina 30, ang ilang haring nasa kanon ni Ptolemy ay may titulo rin namang “Hari ng Asirya.” Ang mga economic tablet, cuneiform na mga liham, at mga inskripsiyon ay malinaw na nagsasabing naghari sa Babilonia sina Ashur-etel-ilani, Sin-shumu-lishir, at Sin-sharra-ishkun.

[Chart/Larawan sa pahina 29]

 (Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

MGA HARING NEO-BABILONYO

Kung maaasahan ang mga istoryador na ito, bakit sila nagkakasalungatan?

Nabopolassar

BEROSSUS c. 350-270 B.C.E. (21)

POLYHISTOR 105-? B.C.E. (20)

JOSEPHUS 37-?100 C.E. (—)

PTOLEMY c. 100-170 C.E. (21)

Nabucodonosor II

BEROSSUS c. 350-270 B.C.E. (43)

POLYHISTOR 105-? B.C.E. (43)

JOSEPHUS 37-?100 C.E. (43)

PTOLEMY c. 100-170 C.E. (43)

Amel-Marduk

BEROSSUS c. 350-270 B.C.E. (2)

POLYHISTOR 105-? B.C.E. (12)

 JOSEPHUS 37-?100 C.E. (18)

PTOLEMY c. 100-170 C.E. (2)

Neriglissar

BEROSSUS c. 350-270 B.C.E. (4)

POLYHISTOR 105-? B.C.E. (4)

JOSEPHUS 37-?100 C.E. (40)

PTOLEMY c. 100-170 C.E. (4)

Labashi-Marduk

BEROSSUS c. 350-270 B.C.E. (9 na buwan)

POLYHISTOR 105-? B.C.E. (—)

JOSEPHUS 37-?100 C.E. (9 na buwan)

PTOLEMY c. 100-170 C.E. (—)

Nabonido

BEROSSUS c. 350-270 B.C.E. (17)

POLYHISTOR 105-? B.C.E. (17)

JOSEPHUS 37-?100 C.E. (17)

PTOLEMY c. 100-170 C.E. (17)

(#) = Haba ng taon ng pamamahala ng hari ayon sa klasikal na mga istoryador

[Credit Line]

Photograph taken by courtesy of the British Museum

[Chart/Mga larawan sa pahina 30]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

KUMUSTA ANG KANON NI PTOLEMY KUMPARA SA SINAUNANG MGA TABLET?

Hindi isinama ni Ptolemy sa kaniyang listahan ang ilang hari. Bakit?

KANON NI PTOLEMY

Nabonassar

Nabu-nadin-zeri (Nadinu)

Mukin-zeri at Pul

Ululayu (Shalmaneser V) “Hari ng Asirya”

Merodach-baladan

Sargon II “Hari ng Asirya”

Unang Panahon na Walang Hari

Bel-ibni

Ashur-nadin-shumi

Nergal-ushezib

Mushezib-Marduk

Ikalawang Panahon na Walang Hari

Esarhaddon “Hari ng Asirya”

Shamash-shuma-ukin

Kandalanu

Nabopolassar

Nabucodonosor

Amel-Marduk

Neriglissar

Labashi-Marduk

Nabonido

Ciro

Cambyses

ANG URUK KING LIST GAYA NG MAKIKITA SA SINAUNANG MGA TABLET

Kandalanu

Sin-shumu-lishir

Sin-sharra-ishkun

Nabopolassar

Nabucodonosor

Amel-Marduk

Neriglissar

Nabonidos

[Larawan]

Ang mga kronika ng Babilonya ay bahagi ng rekord na cuneiform na makatutulong sa atin na malaman kung gaano katumpak ang kanon ni Ptolemy

[Credit Line]

Photograph taken by courtesy of the British Museum

[Picture Credit Line sa pahina 31]

Photograph taken by courtesy of the British Museum