Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Turuan ang Iyong mga Anak

Kung Kailan Tayo Dapat Manatiling Gising

Kung Kailan Tayo Dapat Manatiling Gising

MALAMANG na sasang-ayon ka na mahalagang manatiling gising kapag nasa paaralan. Marami ang inaantok kapag nasa klase, pero para matuto, dapat kang manatiling gising. Marahil ay sumasama ka rin sa mga pag-aaral ng Bibliya.

Ano kaya ang puwede mong gawin para manatili kang gising?​ * Ang isang puwedeng gawin ay ang matulog nang maaga. Baka makatulong din ang pag-idlip sa tanghali. Tingnan kung ano ang matututuhan natin sa nangyari sa isang kabataang nakatulog habang nagpapahayag si apostol Pablo isang hatinggabi. Basahin sa iyong Bibliya ang Gawa kabanata 20, talata 7-12 para malaman kung ano ang nangyari.

Dinadalaw noon ni Pablo ang kongregasyong nasa daungang lunsod ng Troas. Sinasabi ng Bibliya na “lilisan na siya kinabukasan” sakay ng bangka. Kaya “pinahaba niya ang kaniyang pagsasalita hanggang hatinggabi.” Mababasa natin: “Habang nakaupo sa bintana, isang kabataang lalaki na nagngangalang Eutico ang nakatulog nang mahimbing habang si Pablo ay patuloy na nagsasalita.” Ano ang sumunod na nangyari?​

Si Eutico ay “nahulog mula sa ikatlong palapag.” Dali-daling bumaba sa hagdan si Pablo at ang iba pa. Nakita nila si Eutico na nakahandusay sa lupa, at patay na! Naiisip mo ba kung gaano sila kalungkot?​— Sinasabi ng Bibliya na niyakap ni Pablo si Eutico. Pagkatapos ay humiyaw si Pablo: ‘Huwag kayong mag-alala, buháy siya!’ Binuhay-muli ng Diyos si Eutico!

Sa nangyari kay Eutico, ano ang matututuhan natin tungkol sa Diyos?​— Kaya ng ating Ama sa langit, si Jehova, na bumuhay ng mga patay, matanda man o bata. Naiintindihan at mahal na mahal ka ni Jehova, higit pa sa ipinakikita ng iyong mga magulang. Noong nasa lupa si Jesus, ipinakita niya kung ano ang nadarama ng kaniyang Ama sa maliliit na bata nang kunin niya ang mga ito at pagpalain. Bumuhay rin siya ng mga kabataan, kasama na ang isang 12-anyos na batang babae.

Ano ang nadarama mo sa iyong Ama sa langit ngayong nalaman mong mahal ka niya?​— Oo, mamahalin din natin si Jehova at susundin ang Kaniyang mga utos. Alam mo ba kung paano natin maipakikitang mahal natin Siya?​— Ang isang paraan ay ang pagsasabi mismo na mahal natin Siya. Sinabi ni Jesus: “Iniibig ko ang Ama.” Pero hindi lang sinabi ni Jesus na mahal niya ang Diyos, ipinakita rin niya ito sa gawa.

Sinunod ni Jesus ang Diyos. “Lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kaniya,” ang sabi ni Jesus. Kung gusto rin nating mapasaya si Jehova at ang kaniyang Anak, si Jesus, sisikapin nating manatiling gising kapag kailangan.

Basahin sa iyong Bibliya

^ par. 4 Kapag binabasa mo ito sa isang bata, ang gatlang pagkatapos ng tanong ay nagsisilbing paalaala sa iyo na huminto at hintayin ang kaniyang sagot.