Alam Mo Ba?
Alam Mo Ba?
Paano tinutustusan ang mga paglilingkod sa templo ni Jehova sa Jerusalem?
▪ Tinutustusan ang iba’t ibang paglilingkod sa templo sa pamamagitan ng pagbubuwis, pangunahin na ang pagbibigay ng ikapu. Pero may iba pang anyo ng pagbubuwis. Halimbawa, noong itinatayo ang tabernakulo, inutusan ni Jehova si Moises na mangolekta ng kalahating siklong pilak mula sa bawat nakarehistrong Israelita bilang “abuloy para kay Jehova.”—Exodo 30:12-16.
Lumilitaw na naging kaugalian na ng bawat Judio na mag-abuloy ng halagang ito bilang buwis sa templo taun-taon. Iyan ang buwis na pinabayaran ni Jesus kay Pedro gamit ang baryang nakuha sa bibig ng isda.—Mateo 17:24-27.
Nitong nakalipas na mga taon, natuklasan sa Jerusalem ang dalawang pilak na baryang ipinambabayad noon bilang buwis sa templo. Ang isang barya, na ginawa sa Tiro noong 22 C.E., ay nakita sa isang unang-siglong kanal. Ang isang panig ng siklong ito ay may ulo ni Melkart, o Baal, ang pangunahing bathala ng Tiro, at sa kabila naman ay isang agilang nakadapo sa proa ng barko. Ang pangalawang barya, na nakita sa mga guho ng templo, ay may petsang unang taon ng paghihimagsik ng mga Judio laban sa Roma, noong 66-67 C.E. Mayroon itong kalis at tatlong maliliit pang bunga ng granada at mga inskripsiyon na “Kalahating Siklo” at “Banal na Jerusalem.” May kinalaman sa baryang ito, sinasabi ni Propesor Gabriel Barkay na may “mga palatandaang nasunog ito, malamang na noong wasakin ang Ikalawang Templo noong 70 CE.”
Gaano kahanga-hanga ang mga proyektong itinayo ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya?
▪ Sa aklat ng Bibliya na Daniel, iniulat si Nabucodonosor na nagsasabi: “Hindi ba ito ang Babilonyang Dakila, na ako mismo ang nagtayo para sa maharlikang bahay sa lakas ng aking kapangyarihan at para sa dangal ng aking karingalan?” (Daniel 4:30) Talaga bang dakila ang sinaunang lunsod na ito?
Kinikilala ng mga istoryador ang husay ni Nabucodonosor sa pagtatayo ng mga templo, palasyo, mga pader ng lunsod, at isang maringal na hagdan-hagdang halamanan. Ang pangunahing templo sa sentro ng Babilonya ay may tore, o ziggurat, na malamang mahigit 70 metro ang taas. Pero “ang pinakatanyag sa mga nagawa [ni Nabucodonosor] ay ang Processional Way at Ishtar Gate,” ang sabi ng aklat na Babylon—City of Wonders. Ang Processional Way, na bumabagtas sa Ishtar Gate, ay may mga relyebe ng nakahilerang naglalakad na mga leon. Tungkol sa Ishtar Gate, ang napakaringal na pasukan ng Babilonya, sinasabi rin ng aklat: “[Dahil sa] asul na asul at makikintab na laryo na napapalamutian ng daan-daang relyebe ng nagmamartsang toro at dragon, talagang di-malilimutang tanawin ang bubungad sa mga bumibisita sa lunsod noong sinaunang panahon.”
Sa pasimula ng ika-20 siglo, nakahukay ang mga arkeologo ng libu-libong bahagi ng Processional Way at Ishtar Gate. Binuong muli ang marami sa mga ito sa Pergamon Museum, sa Berlin, Alemanya.
[Mga larawan sa pahina 12]
Aktuwal na sukat
[Credit Lines]
Itaas: Clara Emit, Courtesy of Israel Antiquities Authority; ibaba: Zev Radovan
[Larawan sa pahina 12]
Muling-itinayong Ishtar Gate