Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Dapat Mamuhay Ayon sa Pamantayan ng Bibliya?

Bakit Dapat Mamuhay Ayon sa Pamantayan ng Bibliya?

Bakit Dapat Mamuhay Ayon sa Pamantayan ng Bibliya?

MAKALUMA ba at sobrang higpit ang pangmalas ng Bibliya tungkol sa sex? Hindi naman. Ang totoo, makatutulong pa nga ito para makaiwas tayo sa:

Mga sakit na naililipat sa pagtatalik

Pagkakaroon ng anak sa pagkadalaga

Masasaklap na resulta ng paghihiwalay ng mag-asawa

Pang-uusig ng budhi

Pagkawala ng pagpapahalaga sa sarili dahil sa panggagamit ng iba

Gusto ng ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, * na masiyahan tayo at makinabang sa kaniyang mga regalo. Ang Diyos “ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka.” (Isaias 48:17) Ang isang taong namumuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya sa sex ay nagtatamo ng:

Pagsang-ayon ng Diyos

Kapayapaan ng isip

Mas matibay na pagsasamahan ng pamilya

Magandang reputasyon

Paggalang sa sarili

Paano kung hindi ka namumuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya? Posible mo pa bang mabago iyon? Sisingilin ka pa ba ng Diyos sa mga maling nagawa mo?

Isaalang-alang ito: Ang ilang Kristiyano sa unang-siglong kongregasyon ay dating mga mapakiapid, mangangalunya, at mga homoseksuwal. Pinili nilang magbago, at dahil dito ay pinatawad sila ng Diyos. (1 Corinto 6:9-11) Sa ngayon, libu-libo rin sa buong daigdig ang gumawa ng ganiyan. Tinigilan na nila ang maruming pamumuhay at nakinabang sila nang iayon nila ang kanilang paggawi sa mga pamantayan ng Bibliya. Tingnan natin ang karanasan ni Sarah na binanggit sa unang artikulo.

“Nabunutan Ako ng Tinik”

Natuklasan ni Sarah na ang kaniyang paraan ng pamumuhay ay hindi nakapagbigay sa kaniya ng kalayaan at kasiyahan na matagal na niyang hinahangad. “Namanhid na ang aking budhi,” ang sabi niya. “Nahihiya ako at natatakot na baka mabuntis ako o mahawahan ng nakapandidiring sakit. Naniniwala pa rin naman akong may Diyos, at alam kong nasasaktan siya sa mga ginagawa ko. Pakiramdam ko’y napakarumi ng aking buong pagkatao.”

Nang maglaon, nagkalakas ng loob si Sarah na baguhin ang kaniyang buhay. Humingi siya ng tulong sa kaniyang mga magulang na mga Saksi ni Jehova. Humingi rin siya ng tulong sa mga Kristiyanong elder sa kanilang kongregasyon. “Hindi ako makapaniwala sa kabaitan at pagmamahal na ipinakita sa akin ng mga magulang ko at ng mga elder sa kongregasyon,” ang sabi ni Sarah. “Nabunutan ako ng tinik.”

May dalawa nang anak ngayon si Sarah. “Lagi kong ikinukuwento sa aking mga anak,” ang sabi niya, “ang tungkol sa mga ginawa ko noon. Gusto kong maintindihan nila na napasamâ ako dahil binale-wala ko ang mga pamantayan ng Diyos. Gusto ko silang tulungan na pahalagahan ang pisikal, mental, at emosyonal na mga pakinabang ng pamumuhay ayon sa mga pamantayan ng Diyos tungkol sa sex. Kumbinsido ako na binigyan tayo ng Diyos ng mga pamantayang moral dahil ayaw niya tayong makitang nasasaktan.”

Maaari ka ring makinabang sa pagsunod sa maibiging patnubay ng Diyos. Nangangako ang Bibliya: “Ang mga pag-uutos mula kay Jehova ay matuwid, na nagpapasaya ng puso; ang utos ni Jehova ay malinis, na nagpapaningning ng mga mata. . . . Sa pag-iingat ng mga iyon ay may malaking gantimpala.”​—Awit 19:8, 11. *

[Mga talababa]

^ par. 8 Jehova ang personal na pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.

^ par. 20 Para malaman ang iba pang praktikal na payo ng Bibliya, makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar. O maaari kayong sumulat sa angkop na adres na nasa pahina 4, o pumunta sa Web site na www.watchtower.org.

[Blurb sa pahina 8]

Kadalasan nang nasasaktan ang mga nagwawalang-bahala sa pamantayan ng Bibliya

[Blurb sa pahina 9]

Ang mga namumuhay ayon sa pamantayan ng Bibliya ay may malinis na budhi at mas matibay na pagsasamahan ng pamilya