Kailan Winasak ang Sinaunang Jerusalem?—Bahagi 2
Kailan Winasak ang Sinaunang Jerusalem?—Bahagi 2
Kung Ano Talaga ang Ipinakikita ng mga Clay Document
Ito ang ikalawa sa dalawang artikulong mababasa sa magkasunod na isyu ng Ang Bantayan na tatalakay sa malalalim na tanong tungkol sa petsa ng unang pagkawasak ng sinaunang Jerusalem. Ang seryeng ito ay maghaharap ng sinaliksik-na-mabuti at salig-Bibliyang sagot sa mga tanong na gumugulo sa isipan ng ilang mambabasa.
Pinagtibay sa Bahagi 1 ang Sumusunod na mga Punto:
▪ Sinasabi ng sekular na mga istoryador na winasak ang Jerusalem noong 587 B.C.E. *
▪ Ipinahihiwatig ng kronolohiya ng Bibliya na winasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E.
▪ Ibinabatay ng sekular na mga istoryador ang kanilang konklusyon sa mga akda ng klasikal na mga istoryador at sa kanon ni Ptolemy.
▪ Ang ilang akda ng klasikal na mga istoryador ay naglalaman ng kapansin-pansing mga pagkakamali at hindi laging kaayon ng rekord sa mga clay tablet. *
SINASABI ng Bibliya na ang mga bihag na Judio ay magiging tapon sa Babilonya “hanggang sa matapos ang pitumpung taon bilang katuparan ng salita ng PANGINOON na sinabi ni Jeremias.” Kailan sila pinalaya? Noong “unang taon [ng paghahari] ni Haring Ciro ng Persia.” (2 Cronica 36:21, 22, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Parehong sang-ayon ang Bibliya at ang sekular na kasaysayan na nagwakas ang pagkatapong ito sa Babilonya matapos sakupin ni Ciro ang Babilonya at palayain ang mga Judio, na bumalik sa Jerusalem noong 537 B.C.E. Yamang malinaw na sinasabi ng Bibliya na tumagal nang 70 taon ang pagkatapon, tiyak na nagsimula ito noong 607 B.C.E.
Pero sinasabi ng karamihan sa mga iskolar na winasak ang Jerusalem noong 587 B.C.E. Kung gayon, lumalabas na 50 taon lang ang pagkatapon. Bakit nila nasabi iyan? Ibinabatay nila ang kanilang kalkulasyon sa sinaunang mga dokumentong cuneiform na nagbibigay ng mga detalye tungkol kay Nabucodonosor II at sa kaniyang mga kahalili.1 Marami sa mga dokumentong ito ay isinulat ng mga lalaking nabuhay noong panahon o malapit sa panahon ng pagkawasak ng Jerusalem. Pero mapananaligan nga kaya ang mga kalkulasyon na tumutukoy sa taóng 587 B.C.E.? Ano ba talaga ang ipinakikita ng mga dokumentong ito?
Para masagot ang mga iyan, isaalang-alang ang tatlong uri ng dokumentong pinagbabatayan ng mga iskolar: (1) Ang mga kronika ng Babilonya, (2) mga business tablet, at (3) mga astronomical tablet.
● Ang mga kronika ng Babilonya.
Ano ang mga ito? Ang mga kronika ng Babilonya ay serye ng mga tablet na may ulat ng mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Babilonya.2
Ano ang sinasabi ng mga eksperto? Sinasabi ni R. H. Sack, isang kilalang awtoridad pagdating sa mga dokumentong cuneiform, na ang mga kronika ay naglalaman ng di-kumpletong rekord ng mahahalagang pangyayari. * Isinulat niya na ang mga istoryador ay dapat magsuri ng “iba pang mapagkukunan ng impormasyon . . . para malaman kung ano ang aktuwal na nangyari.”
Ano ang ipinakikita ng mga dokumento? May mga patlang sa kasaysayang nakaulat sa mga kronika ng Babilonya.3 (Tingnan ang kahon sa ibaba.) Kaya mahalagang itanong, Mapananaligan ba ang mga konklusyon na ibinatay sa gayong di-kumpletong rekord?
● Mga business tablet.
Ano ang mga ito? Karamihan sa mga business tablet noong panahong Neo-Babilonyo ay legal na mga resibo. Makikita sa mga tablet ang araw at buwan ng transaksiyon at kung ilang taon nang namamahala ang kasalukuyang hari. Halimbawa, isang tablet ang may petsang “Nisan, ika-27 araw, ika-11 taon ni Nabucodorosor [kilala rin bilang Nabucodonosor II], hari ng Babilonya.”4
Kapag ang hari ay namatay o inalis sa posisyon, ang natitirang mga buwan sa opisyal na taóng iyon ng kaniyang paghahari ay itinuturing na taon ng pagluklok ng bagong hari. *5 Sa ibang salita, ang transisyon ng dalawang hari ay nagaganap sa iisang taon sa kalendaryo ng mga Babilonyo. Kaya, makatuwiran lang na ang petsa ng taon ng pagluklok ng bagong hari ay sa mga buwan pagkatapos ng huling buwan ng pamamahala ng dating hari.
Ano ang sinasabi ng mga eksperto? Sinuri ni R. H. Sack ang maraming business tablet noong panahong Neo-Babilonyo. Noong 1972, isinulat ni Sack na ang bago at di-nailathalang mga
teksto ng British Museum na nasa kaniyang pangangalaga ay “lubusang nagpagulo” sa dating konklusyon may kinalaman sa transisyon ng pamamahala ni Nabucodonosor II at ng kaniyang anak na si Amel-Marduk (kilala rin bilang Evil-merodac).6 Paano? Alam ni Sack na ipinakikita ng mga tablet na namamahala pa si Nabucodonosor II noong ikaanim na buwan ng kaniyang huling (ika-43) taon. Pero makikita sa mga bagong pinag-aralang tablet na ang taon ng pagluklok ng sumunod na hari, si Amel-Marduk, ay may petsang ikaapat at ikalimang buwan ng ipinapalagay na huling taon ni Nabucodonosor II.7 Maliwanag na hindi nagtutugma ang rekord sa mga tablet.Ano ang ipinakikita ng mga dokumento? May iba pang di-pagkakatugma sa transisyon ng mga hari. Halimbawa, ipinakikita ng isang dokumento na si Nabucodonosor II ay namamahala pa rin noong kaniyang ikasampung buwan—anim na buwan pagkatapos ng ipinapalagay na simula ng pamamahala ng kahalili niya.8 Hindi rin nagtutugma ang transisyon ng pamamahala sa pagitan nina Amel-Marduk at Neriglissar.9
Bakit mahalagang isaalang-alang ang mga di-pagkakatugmang ito? Gaya ng nabanggit na, ang mga patlang sa kasaysayang nakaulat sa mga kronika ng Babilonya ay nagpapahiwatig na posibleng hindi kumpleto ang mga rekord.10 May iba pa kayang namahala sa pagitan ng mga haring iyon? Kung mayroon, kailangang magdagdag ng mga taon sa panahong Neo-Babilonyo. Kaya ang mga kronika ng Babilonya at ang mga business tablet ay hindi naglalaan ng basehan para tiyakang masabi na winasak ang Jerusalem noong 587 B.C.E. *
● Mga astronomical tablet.
Ano ang mga ito? Mga cuneiform tablet na may mga paglalarawan sa posisyon ng araw, buwan, mga planeta, at mga bituin. Mayroon din itong impormasyon sa kasaysayan gaya ng opisyal na taon ng paghahari ng isang partikular na hari. Halimbawa, ang astronomical diary sa ibaba ay nagrekord ng eklipseng lunar na naganap sa unang buwan ng unang taon ni Haring Mukin-zeri.11
Ano ang sinasabi ng mga eksperto? Sang-ayon ang mga eksperto na ang mga Babilonyo ay gumawa ng detalyadong mga tsart at talaan para matantiya kung kailan magkakaeklipse.12
Pero kaya rin ba ng mga Babilonyo na kalkulahin pabalik ang nakalipas na mga eklipse? “Posible,” ang sabi ni Propesor John Steele, “na ang ilan sa pinakaunang pagtantiya ay ginawa sa pamamagitan ng pagtatala pabalik matapos tipunin ang teksto.” (Amin ang italiko.)13 Si Propesor David Brown, na naniniwalang kasama sa
astronomikal na mga tsart ang mga pagtantiyang ginawa di-nagtagal bago ang nakarekord na mga pangyayari, ay nagsabi na posibleng ang ilan sa mga ito ay “mga pagkalkula pabalik (retrocalculation) na ginawa ng mga eskriba noong ika-4 at noong sumunod na mga siglo BC.”14 Kung ang mga ito ay pagkalkula pabalik, maituturing nga ba na talagang mapananaligan ang mga ito malibang may iba pang sumusuportang ebidensiya?Kung nagkaeklipse nga sa isang partikular na petsa, ibig bang sabihin ay tumpak na ang impormasyon sa kasaysayan na isinulat sa tablet para sa petsang iyon? Hindi naman. Ganito ang paliwanag ng iskolar na si R. J. van der Spek: “Ang mga tagapagtipon ay astrologo, hindi istoryador.” Sinasabi niya na ang bahagi ng mga tablet na naglalaman ng rekord sa kasaysayan ay “hindi masyadong mapananaligan,” at nagbabala siya na dapat “mag-ingat sa paggamit” ng gayong impormasyon sa kasaysayan.15
Ano ang ipinakikita ng mga dokumento? Isaalang-alang ang halimbawa ng VAT 4956. Mababasa sa pambungad na linya ng tablet na ito: “Ika-37 taon ni Nebukadnezar, hari ng Babilonya.”16 Kasunod nito ang detalyadong mga paglalarawan sa posisyon ng buwan at mga planeta may kaugnayan sa iba’t ibang bituin at konstelasyon. Kasama rin dito ang isang eklipseng lunar. Sinasabi ng mga iskolar na ang lahat ng posisyong ito ay naganap noong 568/567 B.C.E., kaya ang ika-18 taon ni Nabucodonosor II nang wasakin niya ang Jerusalem ay noong 587 B.C.E. Pero sa taóng 568/567 B.C.E. lang ba tuwirang tumutukoy ang mga impormasyong iyan?
Binabanggit sa tablet ang isang eklipseng lunar na ayon sa kalkulasyon ay naganap noong ika-15 araw ng Simanu, ikatlong buwan sa kalendaryo ng mga Babilonyo. Totoong nagkaroon ng eklipseng lunar sa buwang iyon (Hulyo 4 sa kalendaryong Julian) noong 568 B.C.E. Pero 20 taon bago nito, nagkaeklipse rin noong Hulyo 15, 588 B.C.E.17
Kung 588 B.C.E. ang ika-37 taon ni Nabucodonosor II, papatak na ang ika-18 taon niya ay 607 B.C.E.—ang mismong taon ng pagkawasak ng Jerusalem ayon sa ipinahihiwatig ng kronolohiya ng Bibliya! (Tingnan ang time line sa ibaba.) Pero may iba pa bang sumusuportang ebidensiya ang VAT 4956 para sa taóng 607 B.C.E.?
Bukod sa nabanggit na eklipse, ang tablet ay mayroon ding 13 set ng obserbasyon sa buwan at 15 set ng obserbasyon sa mga planeta. Inilalarawan ng mga ito ang posisyon ng buwan o mga planeta may kaugnayan sa ilang bituin o konstelasyon.18 Mayroon ding walong time interval sa pagitan ng mga paglitaw at paglubog ng araw at ng buwan.18a
Dahil talagang mapananaligan ang mga posisyon ng buwan, pinag-aralang mabuti ng mga mananaliksik ang 13 set ng posisyon ng buwan na nasa VAT 4956. Gumamit sila ng computer program na kayang magpakita ng lokasyon ng mga bagay sa kalangitan sa isang partikular na petsa.19 Ano ang resulta? Hindi lahat ng set ng posisyon ng buwan ay tumutugma sa taóng
568/567 B.C.E., samantalang lahat ng 13 set ay tumutugma sa mga kinalkulang posisyon para sa 20 taon bago nito, 588/587 B.C.E.Makikita sa kopya ng bahagi ng VAT 4956 na nasa mga pahinang ito ang isa sa posisyon ng buwan na mas tumutugma sa 588 B.C.E. kaysa sa 568 B.C.E. Sa ikatlong linya ng tablet na iyan, mababasa na ang buwan ay nasa isang partikular na posisyon noong “gabi ng ika-9 [ng Nisanu].” Pero ang mga iskolar na nagsabing nangyari iyon noong 568 B.C.E. ay umamin na noong 568 B.C.E. (hanggang 567, batay sa astronomikal na mga impormasyon), ang buwan ay nasa posisyong iyon noong “ika-8 ng Nisanu at hindi ika-9.” Para masuportahan ang petsang 568 B.C.E., sinabi nilang nagkamali ang eskriba sa pagsulat ng “9” sa halip na “8.”20 Pero ang posisyon ng buwan sa ikatlong linya ay tugmang-tugma sa Nisanu 9 noong 588 B.C.E.21
Maliwanag na marami sa mga impormasyong nasa VAT 4956 ay tumutugma sa taóng 588 B.C.E. bilang ang ika-37 taon ni Nabucodonosor II. Kaya sinusuportahan nito ang petsang 607 B.C.E. bilang taon ng pagkawasak ng Jerusalem—gaya ng ipinahihiwatig ng Bibliya.
Bakit Dapat Magtiwala sa Bibliya?
Sa ngayon, karamihan sa sekular na mga istoryador ay naniniwalang winasak ang Jerusalem noong 587 B.C.E. Pero malinaw na binabanggit nina Jeremias at Daniel, mga manunulat ng Bibliya, na ang mga Judio ay nasa pagkatapon sa loob ng 70 taon, at hindi 50 taon. (Jeremias 25:1, 2, 11; 29:10; Daniel 9:2) Malinaw na ipinahihiwatig ng mga pananalitang iyon na winasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E. At gaya ng nabanggit na, sinusuportahan ito ng ilang sekular na ebidensiya.
Paulit-ulit na kinukuwestiyon ng sekular na mga eksperto ang pagiging tumpak ng Bibliya. Pero habang dumarami ang mga ebidensiyang natutuklasan, paulit-ulit ding naipagbabangong-puri ang Bibliya. * Kaya makatuwiran lang ang ginagawa ng mga nagtitiwala sa Bibliya. Ibinabatay nila ang kanilang opinyon sa ebidensiyang nagpapatunay na tumpak ang Bibliya pagdating sa kasaysayan, siyensiya, at mga hula. Dahil sa ebidensiyang iyan, naniniwala sila sa sinasabi ng Bibliya na ito ay kinasihang Salita ng Diyos. (2 Timoteo 3:16) Bakit hindi mo suriin mismo ang ebidensiya? Baka ganiyan din ang iyong maging konklusyon.
[Mga talababa]
^ par. 5 May iba’t ibang paraan ng pagsasabi ng petsa. Sa artikulong ito, ang ibig sabihin ng B.C.E. ay “Before the Common Era.”
^ par. 8 Tingnan ang artikulong “Kailan Winasak ang Sinaunang Jerusalem?—Kung Bakit Ito Mahalaga, Kung Ano ang Ipinakikita ng mga Ebidensiya” sa isyu ng Oktubre 1, 2011.
^ par. 14 Pansinin: Wala ni isa man sa mga ekspertong sinipi sa artikulong ito ang nagsasabing winasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E.
^ par. 18 Ang taon ng pagluklok ay hindi ibinibilang sa mga taon ng pamamahala ng isang hari; tumutukoy ito sa natitirang mga buwan ng taon hanggang sa opisyal na mailuklok ang bagong hari.
^ par. 21 May mga business tablet sa lahat ng taon ng mga haring Neo-Babilonyo. Kapag pinagsama-sama ang mga taon ng pamamahala ng mga haring ito at ginawa ang kalkulasyon mula sa huling haring Neo-Babilonyo, si Nabonido, papatak nga na ang pagkawasak ng Jerusalem ay noong 587 B.C.E. Pero magiging tumpak lang ang pamamaraang ito kung ang bawat transisyon ng pamamahala ng mga hari ay naganap sa iisang taon at walang pagitan.
^ par. 36 Para sa mga halimbawa, tingnan ang kabanata 4 at 5 ng aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Kahon/Chart sa pahina 23]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ANG MGA KRONIKA NG BABILONYA—ISANG KASAYSAYAN NA MAY MGA PATLANG
Ang ulat ng mga kronika ng Babilonya ay sumasaklaw lang sa 35 taon ng panahong Neo-Babilonyo, na karaniwan nang pinaniniwalaang umabot nang mga 88 taon.
TAON NA WALANG ULAT NG MGA PANGYAYARI
TAON NA MAY ULAT NG MGA PANGYAYARI
BM 21901
BM 21946
BM 35382
PANAHONG NEO-BABILONYO
MGA PERSIANO
Nabopolassar
Nabucodonosor II
Amel-Marduk
Nabonido
Neriglissar
Labashi-Marduk
BM 25127
BM 22047
BM 25124
[Credit Lines]
BM 21901 and BM 35382: Photograph taken by courtesy of the British Museum; BM 21946: Copyright British Museum; BM 22047, 25124, 25127: © The Trustees of the British Museum
[Kahon/Larawan sa pahina 24]
ANG ASTRONOMICAL DIARY NA BM 32238
Ang tablet na ito ay naglalaman ng rekord ng mga eklipseng lunar, pero ang nilalaman ng tablet ay tinipon pagkatapos ng huling eklipse na naganap mga 400 taon makalipas ang unang eklipse. Dahil hindi nasaksihan ng eskriba ang lahat ng pangyayari, maaaring gumamit siya ng matematikal na mga kalkulasyon para matukoy ang naunang mga eklipse. Malibang may karagdagang ebidensiya na sumusuporta sa kaniyang mga konklusyon, ang mga kalkulasyong iyon ay hindi maaaring pagkunan ng mapananaligang kronolohikal na impormasyon.
[Credit Lines]
© The Trustees of the British Museum
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 26, 27]
ANO BA TALAGA ANG NAKASULAT SA VAT 4956?
Bakit ito mahalaga? Mababasa sa ikatlong linya ng tablet na ito na noong “gabi ng ika-9” ng unang buwan (Nisanu/Nisan), ang “buwan ay tumakip nang 1 siko sa ß Virginis.” Pero noong 1915, isinulat nina Neugebauer at Weidner may kinalaman sa taóng 568 B.C.E. (na tutukoy sa 587 B.C.E. bilang taon ng pagkawasak ng Jerusalem) na “ang buwan ay tumakip nang 1 siko sa bituing ito noong ika-8 ng Nisan, at hindi noong ika-9 ng Nisan.” (Amin ang italiko.) Gayunman, tugmang-tugma ang posisyong ito ng buwan noong Nisan 9, 588 B.C.E., na tutukoy naman sa taóng 607 B.C.E.
Ika-9 na araw o ika-8?
(1) Gaya ng nasa larawan, malinaw na makikita ang simbolong Akkadiano para sa bilang na 9.
(2) Sa transliterasyon nina Neugebauer at Weidner sa tekstong cuneiform na ito, pinalitan nila ng “8” ang “9.”
(3) Sa talababa lang sinasabi na “9” ang nasa orihinal na teksto.
(4) Kahit na sa kanilang salin sa wikang Aleman, “8” ang inilagay nila.
(5) Noong 1988, inilathala nina Sachs at Hunger ang teksto gaya ng orihinal na pagkakasulat dito na may “9.”
(6) Pero sa kanilang salin sa Ingles, binanggit nila na ang “ika-9” ay isang “pagkakamali para sa: ika-8.”
[Credit Line]
bpk/Vorderasiatisches Museum, SMB/Olaf M. Teßmer
[Kahon sa pahina 28]
Mga Reperensiya at Karagdagang Impormasyon Para sa “Kailan Winasak ang Sinaunang Jerusalem?—Bahagi 2”
1. Ang cuneiform ay isang paraan ng pagsulat na hugis-tatsulok ang marka. Idiniriin ng isang eskriba ang isang panulat na hugis-tatsulok ang dulo sa malambot na clay tablet para makabuo ng iba’t ibang simbolo.
2. Assyrian and Babylonian Chronicles, ni A. K. Grayson, inilathala noong 1975, muling inilimbag noong 2000, pahina 8.
3. Ang panahong Neo-Babilonyo ay nagsimula noong ikapitong siglo B.C.E. nang ang dinastiya ng mga haring Caldeo ang namamahala sa Imperyo ng Babilonya. Ang unang hari ay si Nabopolassar, ang ama ni Nabucodonosor II. Natapos ang panahong iyon nang matalo ni Haring Ciro ng Persia ang huling haring si Nabonido noong 539 B.C.E.
4. Neo-Babylonian Business and Administrative Documents, ni Ellen Whitley Moore, inilathala noong 1935, pahina 33.
5. Archimedes, Volume 4, New Studies in the History and Philosophy of Science and Technology, “Observations and Predictions of Eclipse Times by Early Astronomers,” ni John M. Steele, inilathala noong 2000, pahina 36.
6. Amel-Marduk 562-560 B.C.—A Study Based on Cuneiform, Old Testament, Greek, Latin and Rabbinical Sources. With Plates, ni Ronald H. Sack, inilathala noong 1972, pahina 3.
7. Ang mga tablet na BM 80920 at BM 58872 ay pinetsahan na ikaapat at ikalimang buwan ng taon ng pagluklok ni Evil-merodac. Ang mga ito ay inilathala ni Sack sa Amel-Marduk 562-560 B.C.—A Study Based on Cuneiform, Old Testament, Greek, Latin and Rabbinical Sources. With Plates, pahina 3, 90, 106.
8. Ang tablet sa British Museum (BM 55806) ay pinetsahan na ikasampung buwan ng ika-43 taon.
9. Ang mga tablet na BM 75106 at BM 61325 ay pinetsahan na ikapito at ikasampung buwan ng itinuturing na huling (ikalawang) taon ng paghahari ni Evil-merodac. Pero ang tablet na BM 75489 ay pinetsahan na ikalawang buwan ng taon ng pagluklok ni Neriglissar, ang kaniyang kahalili.—Catalogue of the Babylonian Tablets in the British Museum, Tomo VIII, (Tablets From Sippar 3) nina Erle Leichty, J. J. Finkelstein, at C.B.F. Walker, inilathala noong 1988, pahina 25, 35.
Catalogue of the Babylonian Tablets in the British Museum, Tomo VII, (Tablets From Sippar 2) nina Erle Leichty at A. K. Grayson, inilathala noong 1987, pahina 36.
Neriglissar—King of Babylon, ni Ronald H. Sack, inilathala noong 1994, pahina 232. Ang buwan na nasa tablet ay Ajaru (ikalawang buwan).
10. Isaalang-alang ang halimbawa ni Neriglissar. Sinasabi ng isang inskripsiyon na siya ay “anak ni Bêl-shum-ishkun,” ang “hari ng Babilonya.” (Amin ang italiko.) Tinutukoy naman ng isang inskripsiyon si Bêl-shum-ishkun bilang “marunong na prinsipe.” Ang orihinal na salitang isinaling “prinsipe,” rubû, ay isang titulo na nangangahulugan ding “hari, tagapamahala.” Yamang kitang-kita ang di-pagkakatugma sa pamamahala ni Neriglissar at ng kaniyang kahaliling si Amel-Marduk, hindi kaya namahala sa pagitan ng dalawang ito si Bêl-shum-ishkun na “hari ng Babilonya”? Kinilala ni Propesor R. P. Dougherty na ang “ebidensiya ng maharlikang angkan ni Neriglissar ay hindi puwedeng bale-walain.”—Nabonidus and Belshazzar—A Study of the Closing Events of the Neo-Babylonian Empire, ni Raymond P. Dougherty, inilathala noong 1929, pahina 61.
11. Astronomical Diaries and Related Texts From Babylonia, Tomo V, inedit ni Hermann Hunger, inilathala noong 2001, pahina 2-3.
12. Journal of Cuneiform Studies, Tomo 2, Blg. 4, 1948, “A Classification of the Babylonian Astronomical Tablets of the Seleucid Period,” ni A. Sachs, pahina 282-283.
13. Astronomical Diaries and Related Texts From Babylonia, Tomo V, pahina 391.
14. Mesopotamian Planetary Astronomy-Astrology, ni David Brown, inilathala noong 2000, pahina 164, 201-202.
15. Bibliotheca Orientalis, L N° 1/2, Januari-Maart, 1993, “The Astronomical Diaries as a Source for Achaemenid and Seleucid History,” ni R. J. van der Spek, pahina 94, 102.
16. Astronomical Diaries and Related Texts From Babylonia, Tomo I, ni Abraham J. Sachs, kinumpleto at inedit ni Hermann Hunger, inilathala noong 1988, pahina 47.
17. Babylonian Eclipse Observations From 750 BC to 1 BC, nina Peter J. Huber at Salvo De Meis, inilathala noong 2004, pahina 186. Ayon sa VAT 4956, ang eklipseng ito ay naganap noong ika-15 ng ikatlong buwan sa kalendaryo ng mga Babilonyo, na nangangahulugang nagsimula ang buwan ng Simanu nang mas maaga ng 15 araw. Kung ang eklipse ay naganap noong Hulyo 15, 588 B.C.E. ayon sa kalendaryong Julian, papatak na ang unang araw ng Simanu ay Hunyo 30/Hulyo 1, 588 B.C.E. Kung gayon, ang unang buwan ng taon sa kalendaryo ng mga Babilonyo (Nisanu) ay nagsimula nang mas maaga ng dalawang buwan noong Mayo 2/3. Bagaman ang taon ng eklipseng ito ay karaniwan nang Abril 3/4 ang simula, sinasabi sa ikaanim na linya ng VAT 4956 na isang buwan (intercalary) ang idinagdag pagkatapos ng ika-12 (huling) buwan (Addaru) ng nakaraang taon. (Mababasa sa tablet: “Ika-8 ng buwan na XII2 [ika-13 buwan].”) Kung gayon, ang simula ng bagong taon ay Mayo 2/3. Kaya ang petsang 588 B.C.E. para sa eklipseng ito ay tugmang-tugma sa impormasyong nasa tablet.
18. Ayon sa Berichte über die Verhandlungen der Königl. Sächsischen Gesellschaft der Wissenschaften zu Leipzig (Reports Regarding the Discussions of the Royal Saxonian Society of Sciences at Leipzig); Tomo 67; Mayo 1, 1915; sa artikulong “Ein astronomischer Beobachtungstext aus dem 37. Jahre Nebukadnezars II” (An Astronomical Observer’s Text of the 37th Year Nebuchadnezzar II), nina Paul V. Neugebauer at Ernst F. Weidner, pahina 67-76, may 13 set ng obserbasyon sa buwan kung saan inilalarawan ito may kaugnayan sa isang partikular na bituin o konstelasyon. Inilista rin nila ang 15 set ng obserbasyon sa mga planeta. (Pahina 72-76) Bagaman malinaw ang simbolong cuneiform para sa buwan, malabo naman ang ilang simbolo para sa pangalan at posisyon ng mga planeta. (Mesopotamian Planetary Astronomy—Astrology, ni David Brown, inilathala noong 2000, pahina 53-57) Dahil dito, ang mga obserbasyon sa mga planeta ay bukás sa espekulasyon at iba’t ibang interpretasyon. Yamang mas madaling matukoy ang posisyon ng buwan, ang mga posisyon ng ibang mga bagay sa kalangitan na binanggit sa VAT 4956 na konektado sa buwan ay puwedeng matukoy at mapetsahan nang may katiyakan.
18a. Ang mga time interval na ito (“lunar threes”) ay sukat ng panahon mula, halimbawa, sa paglubog ng araw hanggang sa paglubog ng buwan sa unang araw ng buwan at sa dalawang iba pang araw sa dulo ng buwan. Iniuugnay ng mga iskolar ang mga sukat ng panahong ito sa mga petsa sa kalendaryo. (“The Earliest Datable Observation of the Aurora Borealis,” nina F. R. Stephenson at David M. Willis, sa Under One Sky—Astronomy and Mathematics in the Ancient Near East, inedit nina John M. Steele at Annette Imhausen, inilathala noong 2002, pahina 420-428) Para masukat ng sinaunang mga tagapagmasid ang panahong ito, kailangan nila ng isang uri ng orasan. Pero hindi mapananaligan ang mga sukat na ito. (Archimedes, Volume 4, New Studies in the History and Philosophy of Science and Technology, “Observations and Predictions of Eclipse Times by Early Astronomers,” ni John M. Steele, inilathala noong 2000, pahina 65-66) Sa kabilang banda, ang posisyon ng buwan may kaugnayan sa ibang bagay sa kalangitan ay nakalkula nang may higit na katiyakan.
19. Ginamit sa pag-aaral na ito ang astronomy software na TheSky6™. Pinagtibay rin ito ng comprehensive freeware program na Cartes du Ciel/Sky Charts (CDC) at ng isang converter ng petsa na inilaan ng U.S. Naval Observatory. Dahil ang mga simbolong cuneiform para sa mga posisyon ng mga planeta ay bukás sa espekulasyon at maraming interpretasyon, hindi ginamit sa surbey ang mga posisyong ito para matukoy ang taon na ipinahihiwatig ng astronomical diary na ito.
20. Berichte über die Verhandlungen der Königl. Sächsischen Gesellschaft der Wissenschaften zu Leipzig (Reports Regarding the Discussions of the Royal Saxonian Society of Sciences at Leipzig); Tomo 67; Mayo 1, 1915; “Ein astronomischer Beobachtungstext aus dem 37. Jahre Nebukadnezars II” (An Astronomical Observer’s Text of the 37th Year Nebuchadnezzar II), nina Paul V. Neugebauer at Ernst F. Weidner, pahina 41.
21. Mababasa sa ikatlong linya ng VAT 4956: “Ang buwan ay tumakip nang 1 siko [o 2 digri] sa ß Virginis.” Ayon sa nabanggit na pag-aaral, noong Nisanu 9, ang buwan ay 2°04ʹ sa harap ng ß Virginis at 0° sa ibaba nito. Ito ay itinuturing na tugmang-tugma.
[Chart sa pahina 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ALIN ANG TINUTUKOY NG VAT 4956 NA TAON NG PAGKAWASAK NG JERUSALEM—587 B.C.E. O 607 B.C.E.?
▪ Sinasabi sa tablet ang astronomikal na mga pangyayaring naganap sa ika-37 taon ng pamamahala ni Haring Nabucodonosor II.
▪ Winasak ni Nabucodonosor II ang Jerusalem noong kaniyang ika-18 opisyal na taon ng paghahari.—Jeremias 32:1.
Kung ang ika-37 taon ni Nabucodonosor II ay 568 B.C.E., lilitaw na winasak 587 ang Jerusalem noong 587 B.C.E.
610 B.C.E.
600
590
580
570
560
Kung ang ika-37 taon ni Nabucodonosor II ay 588 B.C.E., lilitaw na winasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., ang petsang ipinahihiwatig sa kronolohiya ng Bibliya.
▪ Ang VAT 4956 ay mas tumutukoy sa 607 B.C.E.
[Picture Credit Line sa pahina 22]
Photograph taken by courtesy of the British Museum