Mahalaga Bang Malaman ang Sagot?
Mahalaga Bang Malaman ang Sagot?
“Sampung taon lang ako nang magsimulang makipag-date. Noong una, holding hands lang at paghahalikan ang ginagawa namin. Pero di-nagtagal, naghihipuan na kami ng maseselang bahagi ng aming katawan at nag-eeksperimento sa sex. Nagsimula akong magtrabaho noong 15 anyos ako, at madalas ay niyayaya ako ng mga katrabaho kong lalaki na mag-sex. Naging mapusok ako at nakisama sa aking mga katrabaho sa lahat ng kanilang ginagawa. Gusto kong tanggapin nila ako, kaya lalo akong nagumon sa sex.”—SARAH, * AUSTRALIA.
BAKA magulat ka kapag nalaman mong si Sarah ay mula sa isang relihiyosong pamilya. Sinikap ng mga magulang niya na palakihin siya ayon sa mga pamantayang moral ng Bibliya. Pero iba ang pinili ni Sarah.
Marami ang sasang-ayon sa pinili ni Sarah. Iniisip nilang makaluma na ang pangmalas ng Bibliya tungkol sa sex. Para sa iba, hindi naman masamang pagsabayin ang pagiging relihiyoso at ang pagiging liberal pagdating sa sex.
Mahalaga bang malaman ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa sex at mamuhay ayon dito? Sinasabi ng Bibliya na ito ay “kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo.” (2 Timoteo 3:16) Kung naniniwala kang nilalang ng Diyos ang mga tao at na ang Bibliya ay kaniyang Salita, kung gayon, mahalagang malaman mo kung ano ang sinasabi nito tungkol sa sex.
Nakalulungkot, marami ang nalilito kung ano ba talaga ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa sex. Ang mga lider ng relihiyon na nag-aangking nagbabasa ng Bibliya ay nagtuturo ng magkakasalungat na ideya. Sa katunayan, maraming malalaking relihiyon ang nagkabaha-bahagi dahil dito.
Sa halip na umasa lang sa sinasabi ng iba, bakit hindi mo suriin ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa sex? Tatalakayin sa susunod na artikulo ang sampung tanong tungkol sa pangmalas ng Bibliya sa sex. Mababasa mo sa artikulong ito ang mga tuwirang sagot na nakasalig sa itinuturo ng Bibliya. Tatalakayin naman ng huling artikulo sa seryeng ito kung bakit napakahalaga ng gagawin nating mga pagpili.
[Talababa]
^ par. 2 Binago ang pangalan.