Sampung Tanong Tungkol sa Sex—Sinagot
Sampung Tanong Tungkol sa Sex—Sinagot
1 Ang pagtatalik ba ang orihinal na kasalanang ginawa nina Adan at Eva sa hardin ng Eden?
▪ Sagot: Marami ang nag-iisip na ang ipinagbabawal na bunga sa hardin ng Eden ay ang pagtatalik. Pero hindi iyan ang itinuturo ng Bibliya.
Pansinin: Bago pa lalangin si Eva, inutusan na ng Diyos si Adan na huwag kainin ang bunga ng “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” (Genesis 2:15-18) Dahil nag-iisa pa lang noon si Adan, ang pagbabawal na ito ay hindi tumutukoy sa pagtatalik. Isa pa, binigyan ng Diyos sina Adan at Eva ng isang malinaw na utos na ‘magpalaanakin at magpakarami at punuin ang lupa.’ (Genesis 1:28) Uutusan kaya ng maibiging Diyos ang unang mag-asawa na ‘punuin ang lupa’—siyempre pa, sa pamamagitan ng pagtatalik—at pagkatapos ay hahatulan sila ng kamatayan dahil sa pagsunod dito?—1 Juan 4:8.
Karagdagan pa, mag-isa lang si Eva nang ‘kumuha siya ng ipinagbabawal na bunga at kainin ito. Pagkatapos ay binigyan din niya ang kaniyang asawa nang kasama na niya at kinain ni Adan ang bunga.’—Genesis 3:6.
Bilang panghuli, hindi hinatulan ng Diyos sina Adan at Eva nang magtalik sila at magkaroon ng mga anak. (Genesis 4:1, 2) Maliwanag, ang bunga na kinain nina Adan at Eva ay hindi tumutukoy sa pagtatalik, kundi isang literal na bunga ng punungkahoy.
2 Ipinagbabawal ba ng Bibliya ang sex?
▪ Sagot: Binabanggit sa unang aklat ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang mga tao na “lalaki at babae.” Sinabi ng Diyos na ang kaniyang nilalang ay “napakabuti.” (Genesis 1:27, 31) Pagkaraan, kinasihan ng Diyos ang isang manunulat ng Bibliya na sabihin ang tagubiling ito sa mga asawang lalaki: “Magsaya ka sa asawa ng iyong kabataan . . . Magpakalango ka sa kaniyang mga dibdib sa lahat ng panahon.” (Kawikaan 5:18, 19) Masasabi bang ipinahihiwatig ng mga pananalitang ito na ipinagbabawal ng Bibliya ang sex?
Ipinakikita ng mga ito na nilalang ng Diyos ang mga sangkap sa sekso hindi lang para magkaanak ang mga mag-asawa, kundi para maipadama rin nila ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa na magdudulot sa kanila ng kaligayahan. Masasapatan nito ang pisikal at emosyonal na pangangailangan ng lalaki at babae na lubusang nagmamahalan.
3 Sinasang-ayunan ba ng Bibliya ang pagsasama ng lalaki at babae nang di-kasal?
▪ Sagot: Maliwanag na sinasabi ng Bibliya na “hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid.” (Hebreo 13:4) Ang salitang Griego para sa pakikiapid, por·nei’a, ay tumutukoy sa maling paggamit sa mga sangkap sa sekso ng mga hindi mag-asawa. * Kaya mali sa paningin ng Diyos na magsama ang lalaki at babae nang di-kasal—kahit pa may balak silang magpakasal.
Kahit lubos na nagmamahalan ang dalawa, hinihiling pa rin ng Diyos na magpakasal muna sila bago mag-sex. Nilalang tayo ng Diyos na may kakayahang umibig. Ang pangunahing katangian ng Diyos ay pag-ibig. Kaya may mabuti siyang dahilan na iutos na ang pagtatalik ay para lang sa mga ikinasal na mag-asawa, gaya ng ipaliliwanag ng susunod na artikulo.
4 Katanggap-tanggap ba sa Diyos ang poligamya?
▪ Sagot: May panahong pinayagan ng Diyos ang isang lalaki na magkaroon ng higit sa isang asawa. (Genesis 4:19; 16:1-4; 29:18–30:24) Pero hindi iyan ang orihinal na layunin ng Diyos. Isa lang ang ibinigay niyang asawa kay Adan.
Binigyan ng Diyos si Jesu-Kristo ng awtoridad na itatag-muli ang Kaniyang orihinal na pamantayan—ang monogamya. (Juan 8:28) Nang tanungin tungkol sa pag-aasawa, sinabi ni Jesus: “Siya na lumalang sa kanila mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae at nagsabi, ‘Sa dahilang ito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman.’”—Mateo 19:4, 5.
Pagkaraan ay kinasihan ng Diyos ang isa sa mga alagad ni Jesus na isulat: “Magkaroon ang bawat lalaki ng kaniyang sariling asawa at magkaroon ang bawat babae ng kaniyang sariling asawa.” 1 Corinto 7:2) Sinasabi rin ng Bibliya na ang sinumang lalaking binibigyan ng pantanging mga pananagutan sa loob ng kongregasyong Kristiyano ay dapat na “asawa ng isang babae.”—1 Timoteo 3:2, 12.
(5 Mali bang gumamit ng mga contraceptive ang mag-asawa?
▪ Sagot: Hindi inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na mag-anak. Ni hindi rin nagbigay ng gayong utos ang kaniyang mga alagad. Wala ring tuwirang sinasabi ang Bibliya na masama ang birth control.
Kung gayon, ang mga mag-asawa ay malayang makapagpapasiya kung mag-aanak sila o hindi. Sila rin ang magdedesisyon kung ilan ang gusto nilang maging anak at kung kailan sila mag-aanak. Kung ipasiya ng mag-asawa na gumamit ng nonabortive form ng contraceptive, iyan ay personal nilang desisyon at pananagutan. * Hindi sila dapat hatulan ng sinuman.—Roma 14:4, 10-13.
6 Mali bang magpa-abort?
▪ Sagot: Ang buhay ay sagrado para sa Diyos, at maging ang embryo ay itinuturing niyang isang buháy na nilalang. (Awit 139:16) Sinabi ng Diyos na mananagot ang sinumang pipinsala sa di-pa-naisisilang na sanggol. Kaya sa mata ng Diyos, ang pagpatay sa di-pa-naisisilang na sanggol ay isang kasalanan.—Exodo 20:13; 21:22, 23.
Kumusta naman kung magkaroon ng emergency sa panahon ng panganganak, at kailangang pumili kung ang ina o ang sanggol ang ililigtas? Sa ganitong kaso, ang mag-asawa ang dapat magpasiya. *
7 Pinapayagan ba ng Bibliya ang diborsiyo?
▪ Sagot: Oo, pero sinabi ni Jesus na iisa lang ang makatuwirang dahilan para maputol ang relasyon ng mag-asawa: “Ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban sa saligan ng pakikiapid [pakikipagtalik sa hindi asawa], at mag-asawa ng iba ay nangangalunya.”—Mateo 19:9.
Napopoot ang Diyos sa mapandaya at pataksil na pagdidiborsiyo. Siya mismo ang maniningil sa mga humihiwalay sa asawa nang walang sapat na dahilan, lalo na kung ginagawa nila ito para lang palitan ang kanilang asawa.—Malakias 2:13-16; Marcos 10:9.
8 Sinasang-ayunan ba ng Diyos ang homoseksuwalidad?
Roma 1:26, 27; Galacia 5:19-21) Bagaman tinitiyak ng Bibliya na hindi sang-ayon ang Diyos sa istilong iyan ng pamumuhay, alam din natin na “gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”—Juan 3:16.
▪ Sagot: Maliwanag na hinahatulan ng Bibliya ang pakikiapid, kasama na ang homoseksuwalidad. (Bagaman hindi kinukunsinti ng mga tunay na Kristiyano ang homoseksuwalidad, nagpapakita naman sila ng kabaitan sa lahat ng tao. (Mateo 7:12) Gusto ng Diyos na “parangalan [natin] ang lahat ng uri ng mga tao.” Kaya ang mga tunay na Kristiyano ay hindi homophobic.—1 Pedro 2:17.
9 Masama ba ang phone sex, “sexting,” o cybersex?
▪ Sagot: Ang phone sex ay ang di-angkop na pakikipag-usap tungkol sa sex o ang pakikinig sa malalaswang mensahe sa telepono. Ang “sexting” naman ay ang pagpapadala ng malalaswang larawan at text message gamit ang cell phone. Ang cybersex ay ang malaswang interaksiyon sa Internet.
Hindi espesipikong tinatalakay sa Bibliya ang mga modernong gawaing ito. Pero sinasabi ng Bibliya: “Ang pakikiapid at bawat uri ng karumihan o kasakiman ay huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo, gaya ng angkop sa mga taong banal; ni ang kahiya-hiyang paggawi ni ang mangmang na usapan ni ang malaswang pagbibiro, mga bagay na hindi nararapat.” (Efeso 5:3, 4) Ang phone sex, “sexting,” at cybersex ay nagtataguyod ng maling pangmalas sa sex at humihikayat sa mga tao na makadama ng seksuwal na kaluguran sa isa na hindi nila asawa. Sa halip na matulungan ang mga tao na kontrolin ang kanilang pagnanasa, nahihikayat pa sila ng mga gawaing ito na paluguran ang kanilang sarili.
10 Ano ang pangmalas ng Bibliya sa masturbasyon?
▪ Sagot: Hindi espesipikong binabanggit sa Bibliya ang masturbasyon—ang sadyang pagpukaw sa sarili para makadama ng seksuwal na pagnanasa at orgasm. Pero inuutusan ng Salita ng Diyos ang mga Kristiyano: “Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, [at maling] pita sa sekso.”—Colosas 3:5.
Dahil sa masturbasyon, ang isa ay nagkakaroon ng pilipit na pangmalas sa sex at nagiging makasarili. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na ang Diyos ay makapagbibigay ng “lakas na higit sa karaniwan” sa mga taong nagsisikap makalaya sa bisyong ito.—2 Corinto 4:7; Filipos 4:13.
[Mga talababa]
^ par. 11 Ang por·nei’a ay tumutukoy rin sa mga gawaing labag sa orihinal na layunin ng Diyos sa paglalang sa mga sangkap sa sekso, gaya ng pangangalunya, homoseksuwalidad, at bestiyalidad.
^ par. 19 Para sa higit pang impormasyon hinggil sa pangmalas ng Kasulatan tungkol sa isterilisasyon, tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Ang Bantayan, isyu ng Hunyo 15, 1999, pahina 27-28.
^ par. 22 Para sa pagtalakay kung makatuwirang magpa-abort ang isang biktima ng panggagahasa, tingnan ang Gumising! ng Mayo 22, 1993, pahina 10-11, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.