Alam Mo Ba?
Alam Mo Ba?
Ano ang “sinulid na iskarlatang kokus” na madalas tukuyin sa aklat ng Exodo?
▪ Ayon sa ulat ng Bibliya, ang mga telang pantolda na nagsisilbing dingding at pintuang-daan ng tabernakulo, ang sinaunang sentro ng pagsamba sa Israel, ay gawa sa “sinulid na asul at lanang tinina sa mamula-mulang purpura at sinulid na iskarlatang kokus at mainam na linong pinilipit.” (Exodo 26:1; 38:18) Ang “mga banal na kasuutan” ng mga saserdote ay gawa rin sa “sinulid na iskarlatang kokus.”—Exodo 28:1-6.
Ang iskarlatang kokus, tinatawag ding kermes, ay tina na kulay matingkad na pula o iskarlata. Nakukuha ito sa katawan ng mga babaing insekto na kabilang sa pamilyang Coccidae. Ang walang-pakpak na mga insektong ito ay makikita sa puno ng kermes oak (Quercus coccifera), na matatagpuan sa Gitnang Silangan at Baybayin ng Mediteraneo. Ang kulay na iskarlata ay nasa mga itlog sa loob ng katawan ng insekto. Kaya ang insekto ay nagmumukhang berry na halos kasinlaki ng pea at nakadikit sa mga dahon at sanga ng kermes oak. Matapos kunin at pisain ang mga insekto, lumalabas ang kulay na iskarlata na natutunaw sa tubig at nagagamit na pantina ng tela. Binanggit ng Romanong istoryador na si Pliny na Nakatatanda ang iskarlatang kokus at ibinilang itong isa sa pinakapaboritong kulay noong panahon niya.
Sinu-sinong manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang naroroon noong Pentecostes 33 C.E.?
▪ Posibleng anim sa walong manunulat ng bahaging ito ng Kasulatan ang naroroon noong Pentecostes 33 C.E.
Ayon sa ulat ng Mga Gawa, inutusan ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Huwag kayong umalis sa Jerusalem, kundi patuloy ninyong hintayin yaong ipinangako ng Ama.” (Gawa 1:4) Ipinahihiwatig ng ulat ding iyon na ang magiging mga manunulat ng Bibliya na sina Mateo, Juan, at Pedro ay sumunod sa utos na iyan at nagtipon “sa iisang dako,” kasama ang iba pang mga alagad. Naroroon din ang mga kapatid ni Jesus sa ina. (Gawa 1:12-14; 2:1-4) Nang maglaon, ang dalawa sa kanila, sina Santiago at Judas (Hudas), ay sumulat ng mga aklat sa Bibliya na nakapangalan sa kanila.—Mateo 13:55; Santiago 1:1; Judas 1.
Sa kaniyang Ebanghelyo, may binanggit si Marcos na isang kabataang tumakas noong gabing arestuhin si Jesus. Malamang na ang tinutukoy niya ay ang kaniyang sarili, yamang iniwan na noon ng lahat ng iba pang alagad si Jesus. (Marcos 14:50-52) Kaya lumilitaw na si Marcos ay kabilang sa mga unang alagad at posibleng naroroon noong Pentecostes.
Ang dalawang natitirang manunulat ng kinasihang Kristiyanong Griegong Kasulatan ay sina Pablo at Lucas. Noong Pentecostes 33 C.E., si Pablo ay hindi pa tagasunod ni Kristo. (Galacia 1:17, 18) Lumilitaw na wala rin si Lucas noon, yamang hindi niya isinama ang kaniyang sarili sa “mga saksi” sa ministeryo ni Jesus.—Lucas 1:1-3.
[Larawan sa pahina 22]
Mga insektong pinagkukunan ng tina
[Credit Line]
Courtesy of SDC Colour Experience (www.sdc.org.uk)
[Larawan sa pahina 22]
Si Pedro habang nagsasalita noong Pentecostes 33 C.E.