Gusto Kong Maging Gaya ng Anak ni Jepte
Gusto Kong Maging Gaya ng Anak ni Jepte
Ayon sa salaysay ni Joanna Soans
Tin-edyer pa lang ako, pangarap ko nang maging gaya ng anak na babae ni Jepte. Hayaan ninyong ikuwento ko kung bakit at kung paano ako naging gaya niya.
NOONG 1956, dumalo ako sa unang pagkakataon sa asamblea ng mga Saksi ni Jehova sa Bombay (ngayo’y Mumbai), India. Iyon ang nagpabago sa buhay ko. Talagang naantig ako sa isang pahayag tungkol sa anak ni Jepte.
Gaya ng maaaring nabasa mo na sa Bibliya, malamang na tin-edyer pa lang ang anak ni Jepte nang pumayag itong hindi mag-asawa. Dahil dito, natupad ng kaniyang ama ang panata nito. Kaya buong-buhay siyang naglingkod sa bahay, o tabernakulo, ni Jehova nang walang asawa.—Hukom 11:28-40.
Talagang pangarap kong maging gaya niya! Pero malaking problema ito sa akin—salungat sa aming kultura noon sa India ang manatiling walang asawa.
Ang Aming Pamilya
Panlima ako sa anim na anak nina Benjamin at Marcelina Soans sa Udipi, isang lunsod sa kanlurang baybayin ng India. Ang aming wika ay Tulu, na ginagamit ng mga dalawang milyon katao. Pero gaya ng maraming taga-Udipi, natuto kami ng wikang Kannada sa paaralan.
Napakaimportante sa buhay ng mga tagarito ang pag-aasawa at pagkakaroon ng anak. Hindi ko nakalakhan ang mga salitang “walang asawa,” “kalungkutan,” o “pangungulila sa pamilya,” anupat parang hindi umiiral ang ganitong mga kalagayan. Halimbawa, ang aming pamilya, ang aking mga lolo’t lola, mga tiyuhin at tiyahin, at isang dosenang pinsan ay nakatira sa iisang bahay.
Sa aming kultura, ang mga anak ay itinuturing na bahagi ng pamilya ng ina. Tinutunton ang angkan mula sa ina, at ang mga anak na babae ang tumatanggap ng mas malaking mana. Sa ilang komunidad na Tulu ang wika, ang nag-asawang anak na babae pati na ang asawa nito, ay nananatiling kapisan ng ina.
Dahil napabilang sa isang relihiyong Kristiyano, nagbago ang ilang bagay sa aming pamilya. Gabi-gabi, pinangungunahan kami ng aking lolo sa pagsamba, pagdarasal, at malakas na pagbabasa ng Bibliya sa wikang Tulu. Sa tuwing bubuksan niya ang kaniyang sira-sirang Bibliya para basahin sa amin, para siyang nagbubukas ng isang kahon ng mga alahas. Sabik na sabik ako! Naging interesado ako sa binabanggit ng Awit 23:1: “Si Jehova ang aking Pastol. Hindi ako kukulangin ng anuman.” Sa loob-loob ko, ‘Sino kaya si Jehova, at bakit siya tinawag na pastol?’
Nalaglag ang “mga Kaliskis” Mula sa Aking mga Mata
Dahil sa hirap ng buhay pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, lumipat kami sa Bombay, na may layong mahigit 900 kilometro. Noong 1945, dalawang Saksi ni Jehova ang dumalaw kay Itay at nagbigay sa kaniya ng isang buklet tungkol sa Bibliya. Sabik na sabik si Itay na basahin at ikapit ang mensahe nito, anupat para siyang tigang na lupa na sabik sa ulan. Pagkatapos, ibinahagi niya ito sa iba pang nagsasalita ng Kannada. Sa pagsisimula ng dekada ng 1950, ang isang maliit na grupong nag-aaral ng Bibliya ay lumaki at naging unang kongregasyon sa
wikang Kannada sa Bombay.Kaming magkakapatid ay tinuruan nina Itay at Inay na maging masisipag na estudyante ng Bibliya at mahuhusay na guro. Araw-araw, sinisikap nilang pangunahan kami sa panalangin at pag-aaral. (Deuteronomio 6:6, 7; 2 Timoteo 3:14-16) Isang araw, habang nagbabasa ako ng Bibliya, nalaglag ang mga kaliskis, wika nga, mula sa aking mga mata. (Gawa 9:18) Natutuhan kong si Jehova ay itinulad sa isang pastol dahil pinapatnubayan niya, pinakakain, at ipinagsasanggalang ang kaniyang mga mananamba.—Awit 23:1-6; 83:18.
Hinawakan ni Jehova ang Aking Kamay
Ako ay nabautismuhan di-nagtagal matapos ang di-malilimot na kombensiyong iyon sa Bombay noong 1956. Makalipas ang anim na buwan, sinundan ko ang yapak ni Kuya Prabhakar at naging isang buong-panahong ebanghelisador. Bagaman gustung-gusto kong ibahagi sa iba ang katotohanan sa Bibliya, nahihirapan akong magsalita dahil sa sobrang nerbiyos ko. Nauutal ako at nanginginig ang boses ko. Kaya sinasabi ko sa aking sarili, ‘Si Jehova lang ang makatutulong sa akin para magawa ko ito!’
Dumating ang tulong ni Jehova sa pamamagitan ng mga misyonerong sina Homer at Ruth McKay na mga taga-Canada. Nag-aral sila sa paaralan ng mga Saksi ni Jehova para sa mga misyonero sa New York, E.U.A. noong 1947. Hinawakan nila, wika nga, ang aking kamay habang nagsisimula pa lang ako sa aking ministeryo. Regular akong pinapraktis ni Ruth sa pagbibigay ng presentasyon sa bahay-bahay. Alam na alam niya kung paano aalisin ang nerbiyos ko. Habang nakahawak sa aking kamay, sinasabi niya: “Ok lang ’yon. Subukan ulit natin sa susunod na bahay.” Dahil dito, lumalakas ang loob ko.
Isang araw, ipinaalam sa akin na ang magiging partner ko sa ministeryo ay si Elizabeth Chakranarayan, isang may-edad at makaranasang guro ng Bibliya. Naisip ko agad: ‘Paano ko kaya pakikisamahan ang sister na ito? Ang laki ng tanda niya sa akin!’ Pero siya pala ang partner na talagang kailangan ko.
“Hindi Talaga Tayo Nag-iisa”
Ang aming unang teritoryo ay sa makasaysayang lunsod ng Aurangabad, halos 400 kilometro sa silangan ng Bombay. Napag-isip-isip agad namin na dadalawa kaming Saksi sa isang lunsod na halos isang milyon ang populasyon. Bukod diyan, dapat akong matuto ng Marathi, ang pangunahing wika na ginagamit doon.
Paminsan-minsan, dinadalaw ako ng kalungkutan at umiiyak na parang batang nangungulila sa ina. Pero kapag kinakausap ako ni Elizabeth na gaya ng isang ina, lumalakas ang loob ko. “Maaaring nalulungkot tayo kung minsan, pero hindi talaga tayo nag-iisa,” ang sabi niya. “Kahit malayo ka sa iyong mga kaibigan at pamilya, lagi mo namang kasama si Jehova. Gawin mo siyang kaibigan, at mawawala ang kalungkutan mo.” Hindi ko nalilimutan ang payo niyang iyon.
Kapag kapos kami sa pera, araw-araw kaming naglalakad nang 20 kilometro. Kapag tag-araw, umaabot nang 40 digri Celsius ang temperatura at maalikabok ang daan. Kapag tag-ulan naman, ilang buwang maputik ang aming teritoryo. Pero para sa amin, mas mahirap pakibagayan ang kultura ng mga tao kaysa sa klima.
Kapag nasa pampublikong lugar, hindi puwedeng makipag-usap ang mga babae sa mga lalaki malibang magkamag-anak sila, at hindi rin karaniwan doon na magturo ang mga babae sa mga lalaki. Kaya tinutuya kami at nilalait. Sa unang anim na buwan, kaming dalawa lang ang
nagpupulong linggu-linggo para pag-aralan ang Bibliya. Nang maglaon, may sumama na sa amin. Di-nagtagal, nabuo ang isang maliit na grupo. Ang ilan ay sumasama pa nga sa amin sa ministeryo.“Patuloy Mong Pasulungin ang Iyong mga Kakayahan”
Pagkatapos ng mga dalawa at kalahating taon, inatasan naman kami sa Bombay. Habang patuloy si Elizabeth sa pangangaral, pinatulong naman ako kay Itay, ang kaisa-isang tagapagsalin noon ng mga literatura sa Bibliya sa wikang Kannada. Natuwa si Itay sa pagkakaroon ng katulong dahil marami siyang pananagutan sa kongregasyon.
Noong 1966, nagpasiya ang aking mga magulang na bumalik sa Udipi. Bago umalis ng Bombay, sinabi ni Itay: “Patuloy mong pasulungin ang iyong mga kakayahan, anak. Gawin mong simple at malinaw ang iyong pagsasalin. Huwag kang masyadong magtiwala sa iyong sarili at manatili kang mapagpakumbaba. Magtiwala ka kay Jehova.” Iyan ang naging huling habilin niya sa akin dahil namatay siya di-nagtagal pagbalik nila sa Udipi. Hanggang sa ngayon, sinisikap kong masunod iyan sa aking pagsasalin.
“Ayaw Mo Pa Bang Magkapamilya?”
Sa kultura ng mga taga-India, ang mga magulang ang nagsasaayos ng pag-aasawa ng kanilang mga anak habang mga bata pa ito, at hinihimok nila ang mga ito na magkaroon ng mga anak. Kaya madalas akong tanungin: “Ayaw mo pa bang magkapamilya? Sino ang mag-aalaga sa iyo kapag matanda ka na? Hindi ka ba nalulungkot?”
Kung minsan, nagsasawa na akong marinig ang ganiyang mga komento. Hindi ko ito ipinahahalata sa iba, pero kapag nag-iisa ako, ibinubuhos ko kay Jehova ang aking nadarama. Naaaliw ako kapag naiisip kong hindi niya itinuturing na kakulangan ang aking pagiging walang asawa. Para mapatibay ang aking determinasyong makapaglingkod sa kaniya nang walang abala, iniisip ko ang anak ni Jepte at si Jesus—na parehong walang asawa at naging abala sa paggawa ng kalooban ng Diyos.—Juan 4:34.
Isang Kaloob Mula kay Jehova
Kami ni Elizabeth ay naging matalik na magkaibigan sa loob ng halos 50 taon. Namatay siya noong 2005, sa edad na 98. Nang hindi na siya makabasa ng Bibliya dahil sa paglabo ng kaniyang mata, ginugol niya ang bawat araw sa taimtim at mahabang pananalangin sa Diyos. Kung minsan, akala ko’y may kausap siya sa kuwarto at nagpapaliwanag tungkol sa isang teksto sa Bibliya, iyon pala’y nananalangin siya kay Jehova. Totoong-totoo si Jehova para sa kaniya, anupat namuhay siyang parang kasama niya mismo si Jehova. Natutuhan kong ito ang kailangan para makapanatiling matatag sa paglilingkod sa Diyos, gaya ng anak ni Jepte. Laking pasalamat ko kay Jehova dahil binigyan niya ako ng may-edad at maygulang na sister para magsanay at magpatibay sa akin.—Eclesiastes 4:9, 10.
Napakarami kong pagpapala dahil sa paglilingkod kay Jehova na gaya ng anak ni Jepte! Dahil ako’y walang asawa at sumusunod sa payo ng Bibliya, nagkaroon ako ng makabuluhang buhay sa “palagiang paglilingkod sa Panginoon nang walang abala.”—1 Corinto 7:35.
[Larawan sa pahina 28]
Si Itay habang nagpapahayag sa Bombay noong dekada ng 1950
[Larawan sa pahina 28]
Kasama si Elizabeth bago siya mamatay
[Larawan sa pahina 29]
Nag-aanunsiyo ng isang pahayag sa Bibliya sa Bombay noong 1960
[Larawan sa pahina 29]
Kasama ang mga kapuwa ko tagapagsalin sa aming opisina