Matuto Mula sa Salita ng Diyos
Paano Tayo Makapipili ng Mabubuting Kaibigan?
Tinatalakay ng artikulong ito ang mga tanong na maaaring naiisip mo at ipinakikita kung saan sa iyong Bibliya matatagpuan ang sagot. Nais ng mga Saksi ni Jehova na ipakipag-usap sa iyo ang mga sagot na ito.
1. Bakit dapat tayong mag-ingat sa pagpili ng mga kaibigan?
Gusto ng karamihan na tanggapin sila ng iba. Dahil dito, kadalasan nang ginagaya natin ang mga taong nakakasama natin. Napakalakas ng impluwensiya ng ating mga kaibigan sa ating mga saloobin. Kaya ang mga kaibigang pinipili natin ay makaiimpluwensiya sa magiging pagkatao natin.—Basahin ang Kawikaan 4:23; 13:20.
Ang manunulat ng Bibliya na si David ay naging maingat sa pagpili ng mga kaibigan. Nakipagkaibigan siya sa mga taong tumutulong sa kaniya na manatiling tapat na lingkod ng Diyos. (Awit 26:4, 5, 11, 12) Halimbawa, naging mabuting kaibigan ni David si Jonatan dahil pinatitibay siya ni Jonatan na magtiwala kay Jehova.—Basahin ang 1 Samuel 23:16-18.
2. Paano ka magiging kaibigan ng Diyos?
Bagaman si Jehova ang pinakamakapangyarihang persona, maaari pa rin tayong maging mga kaibigan niya. Halimbawa, si Abraham ay naging kaibigan ng Diyos. Siya ay nagtiwala at sumunod kay Jehova, kaya naman itinuring siyang kaibigan ni Jehova. (Genesis 22:2, 9-12; Santiago 2:21-23) Kung magtitiwala tayo kay Jehova at gagawin ang hinihiling niya, magiging kaibigan din tayo ng Diyos.—Basahin ang Awit 15:1, 2.
3. Paano makatutulong sa iyo ang mabubuting kaibigan?
Ang tunay na mga kaibigan ay tapat at tumutulong sa iyo na gawin ang tama. (Kawikaan 17:17; 18:24) Halimbawa, kahit malamang na 30 taon ang tanda ni Jonatan kay David at siya dapat ang magmamana ng trono sa Israel, naging tapat siya sa pagsuporta kay David bilang ang pinili ng Diyos na maging hari. Ang mga tunay na kaibigan ay mayroon ding lakas ng loob na ituwid ka kung kailangan. (Awit 141:5) Tutulungan ka ng mga kaibigang umiibig sa Diyos na magkaroon ng mabubuting ugali.—Basahin ang 1 Corinto 15:33.
Sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, makakakilala ka ng mga taong nagpapahalaga rin sa kung ano ang tama. Magkakaroon ka doon ng mga kaibigang tutulong sa iyo na mapasaya ang Diyos.—Basahin ang Hebreo 10:24, 25.
Pero kahit ang mga kaibigang umiibig sa Diyos ay maaari pa ring makagawa sa atin ng mali. Huwag maghinanakit agad. (Eclesiastes 7:9, 20-22) Tandaan, walang perpektong kaibigan at mahalaga sa atin ang mga kaibigang umiibig sa Diyos. Hinihimok tayo ng Salita ng Diyos na palampasin ang mga pagkakamali ng ating mga kapuwa Kristiyano.—Basahin ang Colosas 3:13.
4. Paano kung sinasalansang ka ng iyong “mga kaibigan”?
Napapansin ng marami na nang magsimula silang tumanggap ng tulong para maunawaan ang Salita ng Diyos, sinalansang sila ng ilang kaibigan nila. Marahil ay hindi lang nauunawaan ng gayong mga kaibigan ang praktikal na payo o ang tiyak na pag-asang natututuhan mo sa Bibliya. Baka makatulong ka sa kanila.—Basahin ang Colosas 4:6.
Sa ibang kaso naman, maaaring pagtawanan ng iyong “mga kaibigan” ang mabuting balita ng Salita ng Diyos. (2 Pedro 3:3, 4) Baka tuyain ka pa nga ng ilan kapag sinisikap mong gawin ang tama. (1 Pedro 4:4) Kung mangyari iyan sa iyo, kailangan mong pumili sa pagitan ng Diyos at ng iyong “mga kaibigan.” Kapag pinili mo ang Diyos, pinili mo ang pinakamabuting kaibigan.—Basahin ang Santiago 4:4, 8.
Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 12 at 19 ng aklat na, Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.