Liham Mula sa Norway
Pagdalaw sa Napakalawak na Puting Kaparangan
ISANG umaga noon ng taglamig. Sumilip kaming mag-asawa sa bintana para tingnan ang lagay ng panahon. Tuwang-tuwa kaming makita ang asul at maaliwalas na langit! Tatlong araw kaming mangangaral sa Finnmarksvidda—isang malawak na talampas sa hilaga ng Arctic Circle.
Napakalamig sa Norway kapag ganitong panahon, kaya medyo nag-aalala kaming pumunta sa hilagang kaparangan. Mabuti na lang at may makakasama kaming tatlo ring Saksi ni Jehova na tagaroon. Kabisado nila ang lugar na iyon at sinabi nila sa amin ang mga kailangan naming gawin.
Iilan lamang ang kalsada rito. Ang pinakamadaling paraan para marating ang liblib na mga lugar ay sa pamamagitan ng snowmobile. Ikinarga na namin ang aming mga damit, pagkain, at ekstrang gasolina sa aming mga snowmobile at sledge. Mula sa aming kinaroroonan, natatanaw namin ang napakalawak na puting talampas. Kumikinang na parang brilyante ang mga niyebe habang nasisinagan ng araw. Talagang napakagandang tanawin!
Ang Finnmarksvidda ay tirahan din ng maiilap na hayop at ilang oso. Pero ang mas pinananabikan namin ay ang marating ang liblib na lugar na iyon at makausap ang mga taong nagsasalita ng Sami. Karaniwan na, sila ay nagpapastol ng mga reindeer o nagtatrabaho sa mga bahay-tuluyan sa bundok.
Pagdating namin sa unang bahay-tuluyan, nasalubong namin ang ilang kabataang magkakaklase na nagko-cross-country skiing. Huminto sila at nagtanong kung ano ang ginagawa namin. Siyempre pa, tuwang-tuwa kaming nagpaliwanag. Nang paalis na kami, sinabi ng isa sa kanila, “Pagpalain sana kayo sa pangangaral n’yo!” Pagkasakay naming muli sa snowmobile, tumawid kami sa malalawak at nagyeyelong lawa at parang. Makakakita kaya kami ng kawan ng reindeer?
Nang marating namin ang isang maliit na bahay, masaya kaming binati ng isang lalaki. Isa siya sa iilang permanenteng residente rito. Nang mapansin niyang sira ang aming sledge, nagprisinta siyang kumpunihin ito. Hindi ugali ng mga tagarito na mag-apura. Relaks na relaks siya habang inaayos ang aming sledge kaya narelaks din kami. Nang matapos na siya, pinasalamatan namin siya at ipinaliwanag ang sinasabi ng Bibliya kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa. Nakinig siyang mabuti. Bago kami
umalis, binigyan namin siya ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? at ng mga magasing Ang Bantayan at Gumising! Ngumiti siya at sinabi, “Salamat at dinalaw n’yo ako.”Pagkatapos naming dalawin ang ilan pang tagarito, nagsimula nang dumilim, kaya pumunta na kami sa cabin kung saan kami magpapalipas ng gabi. Bigla kaming nakakita ng isang sorra. Kitang-kita ang mamula-mulang balahibo nito dahil sa puting niyebe. Huminto sandali ang sorra, tumingin sa amin, at saka umalis. Nagsimula nang umulan ng niyebe kaya nahirapan kaming makita ang daan. Nakahinga lang kami nang maluwag nang makita namin sa wakas ang cabin! Inapuyan namin ang kalan, at unti-unti naming naramdaman ang init nito. Tagtag na tagtag kami sa maghapong biyahe sakay ng snowmobile, pero masaya kami.
Mabilis na lumipas ang gabi. Ikinarga namin ulit ang aming mga gamit sa snowmobile at nagbiyahe pababa. Binagtas namin ang isang ilog hanggang sa makarating kami sa isa pang bahay-tuluyan. Nakilala namin dito ang isang kabataang lalaki, at ibinahagi namin sa kaniya ang ilang nakapagpapatibay na mensahe ng Bibliya. Pagkatapos, itinuro niya sa amin ang shortcut pabalik.
Huling araw na ng aming pagdalaw. Pagpasok namin sa Stabbursdalen National Park, bumungad sa amin ang isang napakagandang tanawin, pati na ang mga bundok na nababalot ng niyebe at kumikinang sa sikat ng araw. Nakakita kami ng isang malaking kawan ng nanginginaing mga reindeer! Naghahanap ang mga ito ng lumot sa ilalim ng niyebe gamit ang kanilang malalaking paa. Sa di-kalayuan, natanaw namin ang isang lalaking Sami ang wika, na nakaupo sa kaniyang snowmobile. Tahimik niyang pinagmamasdan ang kaniyang mga reindeer, habang binabantayan ng kaniyang aso ang mga ito. Saglit na lumingon ang aso sa aming kinaroroonan. Pero agad din itong nagpatuloy sa ginagawa nito. Sinabi namin sa tagapagpastol ang aming mensahe. Mabait siya, at nakinig sa amin.
Habang papauwi, iniisip namin ang mga taong nakausap namin sa 300-kilometrong paglalakbay na ito. Isa ngang pribilehiyo na madalaw ang ilang tao sa napakalawak na puting kaparangang ito!
[Picture Credit Line sa pahina 15]
© Norway Post