Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagharap sa Likas na mga Sakuna

Pagharap sa Likas na mga Sakuna

Dahil sa madalas na pagkakaroon ng likas na mga sakuna at patuloy na paglubha ng pinsalang dulot nito, paano mo ito haharapin? Isa-isahin natin ang ilang praktikal na hakbang na puwede nating gawin.

Umiwas sa lugar ng kalamidad.

“Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli, ngunit ang mga walang-karanasan ay dumaraan at daranas ng kaparusahan,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 22:3) Kapit na kapit ang payong ito sa panahon ng sakuna. Kapag may babala tungkol sa nagbabantang pagputok ng bulkan, pagbaha, o bagyo, isang katalinuhan para sa mga nasa apektadong lugar na lumikas sa mas ligtas na lugar. Ang buhay ay mas mahalaga kaysa sa bahay o iba pang materyal na bagay.

Baka puwedeng iwasan ng ilan na manirahan sa mga delikadong lugar. Ganito ang sabi ng isang awtoridad: “May mga lugar na mas nanganganib tamaan ng sakuna. Pero napakaliit na bahagi lang ito ng Lupa at karamihan ng malalaking sakuna ay dito mangyayari.” Halimbawa, maaaring totoo ito sa mabababang baybayin o sa mga lugar na malapit sa fault line. Kung maiiwasan mong tumira sa mga delikadong lugar o makalilipat ka sa mas ligtas na lokasyon, hindi ka gaanong mapipinsala ng mga sakuna.

Magplano.

Anumang pag-iingat ang iyong gawin, puwede ka pa ring maging biktima ng di-inaasahang trahedya. Mas madali mo itong mahaharap kung may patiuna kang plano. Kaayon din ito ng nabanggit na payo sa Kawikaan 22:3. May nakahanda ka na bang emergency kit? Ang publikasyong 1-2-3 of Disaster Education ay nagmumungkahing isama sa kit ang sumusunod: Pang-first aid, tubig, di-napapanis na pagkain, at mga importanteng dokumento. Mabuti ring pag-usapan ng buong pamilya kung anong mga sakuna ang posibleng mangyari sa inyong lugar at kung ano ang puwede ninyong gawin.

Maging malapít sa Diyos.

Makatutulong iyan anuman ang sitwasyon. Tinutukoy ng Bibliya ang Diyos bilang “ang Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa amin sa lahat ng aming kapighatian.” Sa ibang teksto, inilalarawan siya bilang ang Diyos na “umaaliw doon sa mga inilugmok.”​—2 Corinto 1:3, 4; 7:6.

Oo, alam na alam ng Diyos ang nangyayari sa mga nagtitiwala sa kaniya. Siya ay Diyos ng pag-ibig at pinatitibay niya ang kaniyang mga lingkod sa iba’t ibang paraan. (1 Juan 4:8) Makatutulong sa lahat ng kalagayan kung ang hihilingin natin ay ang makapangyarihang banal na espiritu ng Diyos, at hindi mga himala. Ipaaalaala ng banal na espiritu ang mga teksto sa Bibliya na makaaaliw at makapagpapaginhawa sa mga dumaranas ng problema. Oo, madarama ng tapat na mga lingkod ng Diyos ang nadama ni David, isang hari sa sinaunang Israel, na nagsabi: “Bagaman lumalakad ako sa libis ng matinding karimlan, wala akong kinatatakutang masama, sapagkat ikaw ay kasama ko; ang iyong tungkod at ang iyong baston ang siyang umaaliw sa akin.”​—Awit 23:4.

Nagtutulungan ang mga Kristiyano.

Noong unang siglo, sinabi ni Agabo, isang propetang Kristiyano, na “isang malaking taggutom ang malapit nang dumating sa buong tinatahanang lupa; na talaga namang naganap noong panahon ni Claudio.” Maraming alagad ni Jesus sa Judea ang naapektuhan ng taggutom. Ano ang ginawa ng mga alagad sa ibang lugar nang mabalitaan nila ang dinaranas ng kanilang mga kapuwa Kristiyano? Ganito ang sabi ng ulat: “Yaong mga kabilang sa mga alagad ay nagpasiya, bawat isa sa kanila ayon sa makakayanan ng sinuman, na magpadala ng tulong bilang paglilingkod sa mga kapatid na nakatira sa Judea.” (Gawa 11:28, 29) Udyok ng pag-ibig, nagpadala sila ng tulong sa kanilang mga kapatid.

Kapag may nagaganap na mga kalamidad sa ngayon, ganiyan din ang ginagawa ng mga lingkod ng Diyos. Kilalá ang mga Saksi ni Jehova sa pagtulong sa kanilang mga kapananampalataya. Halimbawa, nang yanigin ng malakas na lindol ang Chile noong Pebrero 27, 2010, tinulungan agad ng mga Saksi ni Jehova ang mga biktima. Si Karla, na nawalan ng bahay dahil sa tsunami, ay nagsabi: “Nakaaaliw at nakapagpapatibay makita na dumating agad kinabukasan ang mga [kapuwa ko Saksi] mula sa ibang lugar para tulungan kami. Talagang inaliw kami ni Jehova sa pamamagitan ng kabaitan ng mga boluntaryong iyon. Nakadama ako ng pagmamahal at proteksiyon.” Ang pagtulong na ito ay napansin ng di-Saksing lolo ni Karla. Sinabi nito: “Ibang-iba talaga ito sa nakikita ko sa aming relihiyon.” Dahil dito, hiniling niya sa mga Saksi ni Jehova na turuan siya ng Bibliya.

Ang mapabilang sa mga umiibig sa Diyos ay isang malaking tulong kapag may problema. Pero darating kaya ang panahon na mawawala na ang mga sakuna? Alamin natin ang sinasabi ng Bibliya sa paksang iyan.