“Panahon ng Pag-ibig at Panahon ng Pagkapoot”
“Panahon ng Pag-ibig at Panahon ng Pagkapoot”
“ANG Diyos ay pag-ibig.” Sa ilang lupain, ang mga salitang ito ay nakadispley sa loob ng mga bahay. Talagang napakagandang paglalarawan para sa Diyos—ang pinakamagandang halimbawa ng pag-ibig.
Pero marami ang hindi nakaaalam na ang mga salitang ito ay galing sa Bibliya. Isinulat ni apostol Juan: “Siya na hindi umiibig ay hindi nakakilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Isinulat din ni Juan ang tungkol sa pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”—Juan 3:16.
Kung gayon, baka isipin nating palalampasin na ng Diyos ang lahat ng ating ginagawa. Makikita sa paraan ng pamumuhay ng maraming tao na iniisip nilang hindi sila pananagutin ng Diyos anuman ang kanilang gawin. Pero totoo kaya ito? Iniibig ba ng Diyos ang lahat, mabuti man o masama? Napopoot din ba ang Diyos?
Ang Pag-ibig ng Diyos at ang Kaniyang Pagkapoot
Sinabi ng marunong na si Haring Solomon: “Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon, isang panahon nga para sa bawat pangyayari sa silong ng langit . . . panahon ng pag-ibig at panahon ng pagkapoot.” (Eclesiastes 3:1, 8) Ayon dito, bagaman ang Diyos ay napakamaibigin at napakabait, may mga pagkakataon ding nagagalit siya.
Una, ano ba ang kahulugan ng ‘poot’ ayon sa pagkakagamit sa Bibliya? Ganito ang sagot ng isang reperensiya: “Sa Kasulatan, ang salitang ‘poot’ ay may ilang kahulugan na nagkakaiba-iba nang bahagya. Maaari itong tumukoy sa masidhing galit o sa nagtatagal na sama ng loob na kadalasa’y may kasamang hangaring maminsala. Ang gayong poot ay maaaring maging isang napakatinding emosyon na nag-uudyok sa isa upang magdulot ng pinsala sa kaniyang kinapopootan.” Ang kahulugang iyan ang pinakapamilyar sa atin, at nakikita natin sa buong daigdig ang mga epekto ng ganiyang uri ng pagkapoot. Pero sinabi rin ng reperensiyang iyon: “Ang ‘poot’ ay maaari ring tumukoy sa masidhing pagkamuhi na walang anumang layuning magdulot ng pinsala sa kinamumuhian.”
Ang ikalawang kahulugang iyan ang tatalakayin natin. Ito ay ang sobrang pagkainis o matinding pagkamuhi na wala namang masamang hangarin, galit, o intensiyong makapinsala. Nakadarama ba ang Diyos ng ganitong uri ng pagkapoot? Tingnan natin ang sinasabi sa Kawikaan 6:16-19: “May anim na bagay na kinapopootan ni Jehova; oo, pitong bagay ang karima-rimarim sa kaniyang kaluluwa: matayog na mga mata, bulaang dila, at mga kamay na nagbububo ng dugong walang-sala, pusong kumakatha ng mga nakasasakit na pakana, mga paang nagmamadali sa pagtakbo sa kasamaan, bulaang saksi na nagbubunsod ng mga kasinungalingan, at sinumang naghahasik ng mga pagtatalo sa gitna ng magkakapatid.”
Gaya ng nabanggit na, may mga gawaing kinapopootan ang Diyos. Pero hindi naman ito nangangahulugang kinapopootan niya ang taong gumagawa ng ganitong mga bagay. Isinasaalang-alang niya ang ilang dahilan, gaya ng kahinaan, kapaligiran, kinalakhan, at kawalang-alam. (Genesis 8:21; Roma 5:12) Ipinaliliwanag ito ng manunulat ng Kawikaan gamit ang isang magandang halimbawa: “Ang iniibig ni Jehova ay sinasaway niya, gaya nga ng ginagawa ng ama sa anak na kaniyang kinalulugdan.” (Kawikaan 3:12) Maaaring ikagalit ng magulang ang pagsuway ng isang anak, pero mahal pa rin niya ang kaniyang anak at gagawin niya ang lahat para maituwid ito sa pamamagitan ng disiplina. Dahil sa pag-ibig, ganiyan ang ginagawa ni Jehova kapag may pag-asa pang maituwid ang nagkasala.
Makatuwirang Pagkapoot
Paano kaya kung pagkatapos malaman ng isang tao ang kalooban ng Diyos ay ayaw pa rin niya itong gawin? Sa halip na pag-ibig ng Diyos, ang di-pagsang-ayon ng Diyos ang natatamo ng taong iyon. Kung sinasadya niyang gawin ang mga bagay na kinapopootan ni Jehova, mapopoot sa kaniya ang Diyos. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya: “Si Jehova ang sumusuri sa matuwid at gayundin sa balakyot, at ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng Kaniyang kaluluwa.” (Awit 11:5) Para sa gayong di-nagsisisi, wala siyang kapatawaran. Nilinaw iyan ni apostol Pablo sa kaniyang liham sa mga Hebreo: “Kung sinasadya nating mamihasa sa kasalanan pagkatapos na matanggap ang tumpak na kaalaman sa katotohanan, wala nang anumang haing natitira pa para sa kasalanan, kundi may nakatatakot na paghihintay sa paghuhukom at may maapoy na paninibugho na lalamon doon sa mga sumasalansang.” (Hebreo 10:26, 27) Bakit ganiyan ang pangmalas ng isang Diyos ng pag-ibig?
Kapag sinasadya ng isang tao na gumawa ng malubhang kasalanan, ang kasamaan ay maaaring mag-ugat nang malalim sa kaniyang puso. Siya ay magiging napakasama at hindi na mababago. Inihahambing ng Bibliya ang gayong tao sa isang leopardo na hindi na mababago ang mga batík. (Jeremias 13:23) Dahil hindi nagsisisi, ang indibiduwal ay nagkakasala ng tinatawag sa Bibliya na “walang-hanggang kasalanan,” anupat wala na siyang kapatawaran.—Marcos 3:29.
Ganiyan ang nangyari kina Adan at Eva at kay Hudas Iscariote. Sina Adan at Eva ay nilalang na perpekto, at yamang napakalinaw ng utos ng Diyos sa kanila at naintindihan nilang pareho ito, maliwanag na sinadya nilang magkasala. Kaya naman sa sumunod na mga sinabi ng Diyos, hindi na sila hinimok na magsisi. (Genesis 3:16-24) Si Hudas, bagaman hindi perpekto, ay lagi namang kasama ng Anak ng Diyos pero nagtaksil pa rin siya. Tinukoy pa nga siya ni Jesus bilang “anak ng pagkapuksa.” (Juan 17:12) Ipinakikita rin ng Bibliya na, mula’t sapol, puro kasalanan na ang ginagawa ng Diyablo kaya karapat-dapat siya sa pagkapuksa. (1 Juan 3:8; Apocalipsis 12:12) Kinapootan ng Diyos ang mga indibiduwal na ito.
Pero nakatutuwang malaman na hindi lahat ng nagkakasala ay wala nang pag-asa. Napakamatiisin ni Jehova at hindi siya nalulugod na parusahan ang mga nagkakasala dahil sa kawalang-alam. (Ezekiel 33:11) Hinihimok niya silang magsisi para mapatawad sila. Mababasa natin: “Iwan ng taong balakyot ang kaniyang lakad, at ng taong mapaminsala ang kaniyang mga kaisipan; at manumbalik siya kay Jehova, na maaawa sa kaniya, at sa ating Diyos, sapagkat magpapatawad siya nang sagana.”—Isaias 55:7.
Tamang Pananaw sa Pag-ibig at Pagkapoot
Maliwanag, bilang mga tagatulad ng Diyos, kailangang maunawaan ng mga tunay na Kristiyano kung kailan ang “panahon ng pag-ibig” at ang “panahon ng pagkapoot.” Kapag ang isa ay masyadong sentimental, hindi na nagiging timbang ang pananaw niya sa pag-ibig at awa. Pero matutulungan tayo ng mga salita ng alagad na si Judas na manatiling timbang sa pagpapakita ng awa at sa pagkapoot sa kasalanan: “Patuloy na magpakita ng awa sa iba, na ginagawa iyon nang may takot, habang kinapopootan ninyo maging ang panloob na kasuutan na narumhan ng laman.” (Judas 22, 23) Kaya nga dapat nating kapootan ang masama pero hindi ang taong gumagawa nito.
Inuutusan din ang mga Kristiyano na magpakita ng pag-ibig sa kanilang mga kaaway sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti sa kanila. “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 5:44) Kaya naman ang mga Saksi ni Jehova ay patuloy na nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, kahit na hindi tinatanggap ng ilan ang mensaheng iyan. (Mateo 24:14) Dahil ibinabatay nila sa Bibliya ang kanilang pangmalas, itinuturing ng mga Saksi na lahat ng tao ay posibleng tumanggap ng pag-ibig at awa ni Jehova. Kapag hindi pinahahalagahan ang kanilang pagsisikap na makatulong sa mga tao o kapag tinatanggihan sila o pinag-uusig pa nga, sinusunod ng mga Saksi ang payo ni apostol Pablo: “Patuloy na pagpalain yaong mga nang-uusig; kayo ay maging mapagpala at huwag manumpa . . . Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama.” (Roma 12:14, 17) Isinasaisip nila na si Jehova ang magpapasiya kung sino ang karapat-dapat sa kaniyang pag-ibig at kung sino ang nararapat sa kaniyang pagkapoot. Siya ang pangwakas na Hukom pagdating sa buhay at kamatayan.—Hebreo 10:30.
Oo, “ang Diyos ay pag-ibig.” Kaya naman dapat nating pahalagahan ang kaniyang pag-ibig at pagsikapang alamin ang kaniyang kalooban at gawin ito. Malulugod ang mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar na tulungan kang malaman mula sa iyong sariling kopya ng Bibliya ang kalooban ng Diyos at kung paano mo ito ikakapit sa iyong buhay. Kapag ginawa mo ito, maiiwasan mo ang pagkapoot ng Diyos at matatamo ang kaniyang pag-ibig.
[Blurb sa pahina 23]
“May anim na bagay na kinapopootan ni Jehova; oo, pitong bagay ang karima-rimarim sa kaniyang kaluluwa: matayog na mga mata, bulaang dila, at mga kamay na nagbububo ng dugong walang-sala, pusong kumakatha ng mga nakasasakit na pakana, mga paang nagmamadali sa pagtakbo sa kasamaan, bulaang saksi na nagbubunsod ng mga kasinungalingan, at sinumang naghahasik ng mga pagtatalo sa gitna ng magkakapatid.”—KAWIKAAN 6:16-19
[Blurb sa pahina 24]
“Kung sinasadya nating mamihasa sa kasalanan pagkatapos na matanggap ang tumpak na kaalaman sa katotohanan, wala nang anumang haing natitira pa para sa kasalanan, kundi may nakatatakot na paghihintay sa paghuhukom.”—HEBREO 10:26, 27
[Blurb sa pahina 25]
“Iwan ng taong balakyot ang kaniyang lakad, at ng taong mapaminsala ang kaniyang mga kaisipan; at manumbalik siya kay Jehova, na maaawa sa kaniya . . . Magpapatawad siya nang sagana.”—ISAIAS 55:7
[Larawan sa pahina 24]
Dinidisiplina ng maibiging magulang ang kaniyang anak para matulungan ito
[Larawan sa pahina 25]
Maraming bilanggo ang nakikinabang sa pag-ibig at awa ng Diyos