Sino ang Makapagbibigay-Kahulugan sa mga Hula?
Sino ang Makapagbibigay-Kahulugan sa mga Hula?
Ang Gordian knot ang itinuturing na pinakamahirap na palaisipan noong panahon ni Alejandrong Dakila. Naniniwala ang mga tao na ang sinumang makalulutas sa palaisipang ito ay marunong at makalulupig ng maraming lupain. * Nalutas ni Alejandro ang palaisipan, gaya ng sinasabi sa alamat, sa pamamagitan lang ng isang tagpas ng kaniyang espada.
SA PAGLIPAS ng panahon, bukod sa pagkakalag ng buhol, pinagtuunan din ng pansin ng marurunong na tao ang pagsagot sa mga bugtong, pagbibigay-kahulugan sa mga hula, at maging ang paghula sa hinaharap.
Pero karaniwan nang nahihirapan silang lutasin ang mga iyon. Halimbawa, hindi nabigyang-kahulugan ng marurunong na tao ng Babilonya ang sulat-kamay sa pader ng palasyo ni Haring Belsasar sa panahon ng isang kapistahan. Tanging si Daniel—ang may-edad nang propeta ng Diyos na Jehova, na kilala sa “pagkakalag ng mga buhol”—ang nakapagbigay-kahulugan sa makahulang mensahe. (Daniel 5:12) Ang hulang iyan tungkol sa pagbagsak ng Imperyo ng Babilonya ay natupad nang gabi ring iyon!—Daniel 5:1, 4-8, 25-30.
Ano ang Hula?
Ang hula ay binigyang-katuturan bilang pagsisiwalat sa hinaharap, mga pangyayaring iniulat bago mangyari. Ang tunay na hula ay isang kinasihang mensahe, nasusulat o bibigan, isang kapahayagan ng banal na kalooban at layunin. Sa Bibliya, mababasa ang mga hula tungkol sa paglitaw at pagkakakilanlan ng Mesiyas at sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” pati na ang mga mensahe ng paghatol ng Diyos.—Mateo 24:3; Daniel 9:25.
Sinusubukan din ng “marurunong na tao” sa ngayon—mga eksperto sa siyensiya, ekonomiks, kalusugan, pulitika, kapaligiran, at maraming iba pang larangan—na hulaan ang hinaharap. Bagaman ginagawang popular ng media ang marami sa gayong mga prediksiyon—at tinatangkilik naman ng publiko—ito ay mga pagtantiya lang ayon sa mga pag-aaral at personal na opinyon. At sa bawat opinyong ipinahahayag, lagi namang may bumabangong salungat na mga argumento. Talagang mapanganib na hulaan ang hinaharap dahil walang sinumang nakatitiyak dito.
Ang Pinagmumulan ng Tunay na Hula
Kung gayon, saan nagmumula ang tunay na mga hula, at sino ang makapagbibigay-kahulugan sa mga iyon? Isinulat ni apostol Pedro: “Walang hula ng Kasulatan ang nagmumula sa anumang sariling pagpapakahulugan.” (2 Pedro 1:20) Ang ibig sabihin ng salitang Griego para sa “pagpapakahulugan” ay “solusyon, pagsisiwalat,” na may ideyang “anuman ang pinakawalan o kinalagan ay dating nakatali.” Kaya ganito ang pagkakasalin ng The Amplified New Testament sa mga salita ni Pedro: “Walang hula ng Kasulatan ang nagmumula sa anumang personal . . . na pagkakalag.”
Ilarawan sa isip ang isang magdaragat habang ibinubuhol ang isang lubid sa komplikadong paraan. Bagaman nakikita ng isang taong hindi mahusay sa pagbubuhol ang pasikut-sikot ng buhol, hindi naman siya sigurado kung paano ito kakalagin. Sa katulad na paraan, nakikita ng mga tao ang mga pangyayaring umaakay tungo sa komplikadong hinaharap, pero hindi sila sigurado kung paano ito mangyayari.
Hindi sinikap ng mga propeta noon ng Diyos, tulad ni Daniel, na pag-aralan ang mga pangyayari sa kanilang panahon at pagkatapos ay tangkaing ipaliwanag ang komplikadong hinaharap sa pamamagitan ng paghula. Kung ganito ang ginawa nila, ang gayong paghula ay produkto lang ng kanilang imahinasyon—mga prediksiyon ng tao na mabuway ang pundasyon. Sa halip, ipinaliwanag ni Pedro: “Ang hula ay hindi kailanman dumating sa pamamagitan ng kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.”—“Ang mga Pakahulugan ay sa Diyos”
Mga 3,700 taon na ang nakalilipas, may dalawang lalaking nakabilanggo sa Ehipto. Pareho nilang hindi maunawaan ang kanilang panaginip. Dahil hindi nila masangguni ang marurunong na tao ng lupain, inihayag nila ito sa kanilang kapuwa bilanggong si Jose: “Nanaginip kami ng isang panaginip, at walang tagapagbigay-kahulugan sa amin.” Hinimok sila ng lingkod ng Diyos na iyon na sabihin sa kaniya ang kanilang panaginip, na sinasabi: “Hindi ba ang mga pakahulugan ay sa Diyos?” (Genesis 40:8) Ang Diyos na Jehova lamang ang may kakayahang magsiwalat sa mga hula kung paanong kaya ng makaranasang magdaragat na magkalag ng komplikadong mga buhol. Tutal, ang Diyos naman ang gumawa o nagbuhol ng mga hulang iyan. Kaya dapat tayong umasa sa kaniya para sa “pagkakalag” ng kahulugan ng mga iyon. Oo, tama lang na ibigay ni Jose sa Diyos ang kapurihan.
Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng “ang mga pakahulugan ay sa Diyos”? Maraming beses nang napatunayang totoo ito. Ang ilang hula sa Bibliya ay iniulat kasama ang katuparan ng mga ito. Kaya naman madali itong kalagin, gaya ng ilang buhol na madaling naipaliliwanag ng magdaragat kung paano kakalagin.—Genesis 18:14; 21:2.
Ang ibang mga hula naman ay maipaliliwanag at mauunawaan kung susuriin ang konteksto. Si propeta Daniel ay nagkaroon ng isang makahulang pangitain tungkol sa “barakong tupa na may dalawang sungay” na pinabagsak ng isang “mabalahibong kambing na lalaki” na may “isang sungay na kapansin-pansin sa pagitan ng mga mata nito.” Ipinakikita ng konteksto na ang barakong tupa na may dalawang sungay ay kumakatawan sa “mga hari ng Media at Persia” at ang kambing naman ay sa “hari ng Gresya.” (Daniel 8:3-8, 20-22) Makalipas ang mahigit 200 taon, sinimulan na ng “malaking sungay”—si Alejandrong Dakila—ang paglupig sa Persia. Sinabi ng Judiong istoryador na si Josephus na noong nagsasagawa si Alejandro ng kaniyang kampanyang pangmilitar sa Jerusalem, ipinakita sa kaniya ang mismong hulang ito at naniwala siyang tumutukoy ito sa kaniya.
May iba pang ibig sabihin ang pananalitang “ang mga pakahulugan ay sa Diyos.” Sa tulong ng banal na espiritu, naunawaan ng tapat na si Jose ang kahulugan ng mga panaginip ng kaniyang kapuwa mga bilanggo. (Genesis 41:38) Sa ngayon, kapag hindi nakatitiyak ang mga lingkod ng Diyos tungkol sa kahulugan ng isang partikular na hula, nananalangin sila para sa espiritu ng Diyos bago saliksikin at pag-aralang mabuti ang Salita ng Diyos. Sa patnubay ng Diyos, nasusumpungan nila ang mga teksto na magbibigay-kahulugan sa ilang hula. Ang pagpapakahulugan ay hindi dumarating sa makahimalang paraan sa pamamagitan ng sinumang tao. Nagmumula ito sa Diyos dahil ang kahulugan ng hula ay nagiging malinaw sa pamamagitan ng kaniyang espiritu at Salita. Ang pagpapakahulugan ay hindi nagmumula sa mga taong gumagawa ng mga prediksiyong hindi nakasalig sa Bibliya.—Gawa 15:12-21.
Masasabi ring “ang mga pakahulugan ay sa Diyos” dahil siya ang nagtatakda kung kailan dapat maunawaan ng kaniyang tapat na mga lingkod sa lupa ang isang hula. Ang kahulugan ng isang hula ay maaaring maunawaan bago, sa panahon, o pagkatapos ng katuparan nito. Yamang Diyos ang “nagbuhol” sa mga hula, siya rin ang magkakalag nito sa tamang panahon—sa kaniyang panahon.
Sa ulat tungkol kay Jose at sa dalawang bilanggo, binigyang-kahulugan ni Jose ang kanilang panaginip tatlong araw bago ito matupad. (Genesis 40:13, 19) Nang dalhin naman si Jose sa harap ng makapangyarihang si Paraon para ipaliwanag ang panaginip ng hari, malapit nang magsimula ang pitong taon ng kasaganaan. Sa tulong ng espiritu ng Diyos, ipinaliwanag ni Jose ang mga panaginip ni Paraon para makagawa na ng mga kaayusan sa pagtitipon ng inihulang saganang ani.—Genesis 41:29, 39, 40.
Ang ibang mga hula ay saka lang lubusang nauunawaan ng mga lingkod ng Diyos kapag natupad na ang mga iyon. Maraming pangyayari sa buhay ni Jesus ang inihula mga ilang siglo bago siya ipanganak, pero lubusan lang itong naunawaan ng kaniyang mga alagad nang buhayin siyang muli. (Awit 22:18; 34:20; Juan 19:24, 36) Bilang huli, ayon sa Daniel 12:4, may ilang hula na ‘tatatakan’ “hanggang sa panahon ng kawakasan,” kung kailan, sinabi ni Daniel, “ang tunay na kaalaman ay sasagana.” Nabubuhay tayo sa mismong panahong natutupad na ang mga hulang iyan. *
Ikaw at ang mga Hula sa Bibliya
Sina Jose at Daniel ay humarap sa mga hari noong kanilang panahon at naghatid ng makahulang mensahe na nakaapekto sa mga bansa at kaharian. Ang unang-siglong mga Kristiyano ay humarap sa mga tao noong kanilang panahon bilang mga tagapagsalita ni Jehova, ang Diyos ng mga hula, at nagdulot ng malaking pakinabang sa mga tumugon sa kanilang mensahe.
Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay naghahayag ng isang makahulang mensahe—ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos—at nagsasabi sa mga tao na ang hula ni Jesus tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay” ay natutupad na. (Mateo 24:3, 14) Alam mo ba kung ano ang hulang iyon at kung paano iyon makaaapekto sa iyo? Malulugod ang mga Saksi ni Jehova na tulungan kang maunawaan at makinabang sa isa sa pinakakamangha-manghang hula sa Bibliya.
[Mga talababa]
^ par. 2 Ayon sa Griegong alamat, ang karo ni Gordius, tagapagtatag ng lunsod ng Gordium na kabisera ng Frigia, ay itinali sa isang haligi. Ibinuhol ito nang mahigpit, at tanging ang magiging manlulupig ng Asia ang makapagkakalag nito.
^ par. 19 Tingnan ang seryeng “Anim na Hula sa Bibliya na Nakikita Mong Natutupad” sa isyu ng Mayo 1, 2011 ng magasing ito.
[Mga larawan sa pahina 12, 13]
Ibinigay nina Jose at Daniel sa Diyos ang kapurihan nang magpaliwanag sila ng hula