Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Likas na mga Sakuna​—Bakit Napakarami?

Likas na mga Sakuna​—Bakit Napakarami?

LAGING laman ng balita ang mga sakuna. Mas marami ngayon ang nagiging biktima ng mga kalamidad. Iniulat ng Centre for Research on the Epidemiology of Disasters sa Belgium na nitong 2010 lang, 373 sakuna ang naganap at di-kukulangin sa 296,000 katao ang namatay.

Kapansin-pansin din ang pagdami ng naiulat na mga sakuna sa nakalipas na mga dekada. Halimbawa, sa pagitan ng 1975 at 1999, wala pang 300 sakuna ang naiulat taun-taon. Pero sa pagitan ng 2000 at 2010, umabot ito nang halos 400 taun-taon. Isa ka siguro sa mga nagtatanong, ‘Bakit kaya napakaraming sakuna ngayon?’

Madalas mang sabihin ng mga tao na ang gayong mga sakuna ay “mga gawa ng Diyos,” mali ang ideyang iyan. Hindi ang Diyos ang may kagagawan sa mga kalamidad na pumipinsala sa maraming tao ngayon. Gayunman, inihula ng Bibliya na talagang magkakaroon ng mga sakuna sa ating panahon. Halimbawa, sinabi ni Jesus sa Mateo 24:7, 8: “Magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain at mga lindol sa iba’t ibang dako. Ang lahat ng mga bagay na ito ay pasimula ng mga hapdi ng kabagabagan.” Bakit iyan inihula ni Jesus, at ano ang kahulugan niyan para sa atin?

Iyan ang sagot ng Anak ng Diyos, si Jesus, sa tanong na ito sa kaniya: “Ano ang magiging tanda . . . ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mateo 24:3) Sinabi niya ang iba’t ibang mangyayari sa hinaharap, kasama na ang nabanggit na mga kalamidad. Pagkatapos ay sinabi niya ang pangungusap na ito: “Kapag nakita ninyong nagaganap ang mga bagay na ito, alamin ninyo na ang kaharian ng Diyos ay malapit na.” (Lucas 21:31) Kung gayon, ang likas na mga sakuna ay makahulugan para sa atin. Nagpapahiwatig iyan ng isang panahon ng malaking pagbabago.

Mga Dahilan ng Sakuna

Gayunman, marami pa rin ang nagtatanong, Kung hindi Diyos ang may kagagawan ng mga sakuna, sino o ano ang nasa likod nito? Mauunawaan lang natin ang sagot kung tatanggapin natin ang isang mahalagang katotohanang binanggit sa Bibliya: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Isinisiwalat ng talatang ito na hindi Diyos ang responsable sa kalunus-lunos na kalagayan ng daigdig, kundi kadalasan nang ang kaniyang kaaway, ang “isa na balakyot”​—na tinutukoy rin sa Bibliya bilang “Diyablo.”​—Apocalipsis 12:9, 12.

Dahil makasarili ang kaaway na ito ng Diyos, walang kuwenta sa kaniya ang mga tao. Palibhasa’y kontrolado niya ang buong daigdig, naimpluwensiyahan niya ang mga tao na magkaroon ng gayunding saloobin. Sa katunayan, inihula ng Bibliya na sa “mga huling araw,” ang mga tao ay magiging “mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo.” (2 Timoteo 3:1, 2) Kaya hindi nga kataka-takang makagawa ang Diyablo ng isang daigdig na pinangingibabawan ng ganitong mga pag-uugali. Hinihikayat niya ang mga tao na maging makasarili at sakim na kadalasan nang nagpapahamak sa mga tao.

Paano nagiging sanhi ng mga sakuna ang kasakiman sa ngayon? Isang report ng United Nations tungkol sa mga sakuna sa daigdig ang nagsasabi: “Kadalasan nang nagsisiksikan ang mga tao sa mga delikadong lugar gaya ng mga lugar na laging binabaha. Bukod diyan, ang pagsira sa mga kagubatan at latian ay nagpapahina sa kakayahan ng kapaligiran na matagalan ang posibleng mga panganib. Higit sa lahat, nariyan din ang banta ng pagbabago sa klima ng globo at ang pagtaas ng tubig sa dagat dahil sa patuloy na pagdami ng greenhouse gas sa atmospera na resulta ng mga gawain ng tao.” Bagaman ang karamihan sa “gawain ng tao” ay para daw sa ikauunlad ng ekonomiya, ang totoo, iyan ay resulta ng sakim at makasariling saloobin na nangingibabaw sa daigdig.

Polusyon

Dahil dito, aminado ang maraming eksperto na ang walang-pakundangang pagkilos ng mga tao ang nagpapalala sa epekto ng mga sakuna. Ang totoo, hindi namamalayan ng mga tao na sinusuportahan nila ang paraang ginagamit ng Diyablo para lalo silang pahirapan sa pamamagitan ng mga sakuna.

Kung gayon, naunawaan natin na ang maraming sakuna ay resulta ng walang-pakundangang gawain ng tao. May ilang sakunang hindi sana magiging ganoon kalala ang pinsala kung sa ibang lugar iyon nangyari. Sa maraming lugar sa daigdig, lalong lumulubha ang epekto ng likas na mga sakuna dahil sa gawain ng masasamang tao o dahil napipilitang manirahan ang maraming tao sa mga delikadong lugar bunga ng laganap na kahirapan at di-pagkakapantay-pantay sa lipunan. Siyempre pa, ang ilang tao naman ay nagiging biktima ng mga sakuna dahil “ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa kanilang lahat.”​—Eclesiastes 9:11.

Kung maging biktima ka ng likas na sakuna, paano mo ito haharapin? Tingnan natin kung ano ang puwedeng gawin para mabawasan ang epekto ng mga kalamidad.