Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Turuan ang Iyong mga Anak

Tinawag Silang “Mga Anak ng Kulog”

Tinawag Silang “Mga Anak ng Kulog”

KAPAG bumabagyo, nakaririnig ka ng malalakas na kulog. Natatakot ka ba?​ * Alam mo bang dalawang tagasunod ni Jesus ang tinawag niyang “Mga Anak ng Kulog”? Tingnan natin kung bakit.

Ang dalawang tagasunod na iyon ni Jesus ay sina Santiago at Juan. Sila ay magkapatid, mga anak nina Zebedeo at Salome. Malamang na si Salome ay kapatid ni Maria na ina ni Jesus. Kaya sina Jesus, Santiago, at Juan ay posibleng magpipinsan at naging matalik na magkakaibigan.

Si Zebedeo ay mangingisda, gayundin sina Santiago at Juan. Ang dalawang ito ay kasama sa mga unang pinili ni Jesus na maging tagasunod niya. Nang anyayahan sila ni Jesus, agad nilang iniwan ang pangingisda at sumunod sa kaniya. Nang maglaon, pumili si Jesus ng 12 sa mga tagasunod niya para maging mga apostol. Kasama rito sina Santiago at Juan.

Mga ilang buwan bago patayin si Jesus, naglakbay siya at ang kaniyang mga apostol sa bulubunduking lugar ng Samaria. Pagabi na noon, at pagód na pagód silang lahat. Pero hindi pumayag ang mga Samaritano na magpalipas ng gabi sa kanilang lunsod si Jesus at ang kaniyang mga apostol. Alam mo ba kung bakit?​— Tingnan natin.

Si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay Judio, at karaniwan nang hindi magandang makitungo ang mga Judio sa mga Samaritano. Pero si Jesus ay mabait sa mga Samaritano, at dapat na gayundin sina Santiago at Juan. Ngunit nagalit ang dalawang alagad na ito sa mga Samaritanong hindi tumanggap sa kanila, at tinanong nila si Jesus: ‘Ibig mo bang sabihin namin sa apoy na bumaba at patayin sila?’ Ano kaya ang sinabi ni Jesus?​— Sinabi niyang masama iyon! Marami pang dapat matutuhan sina Santiago at Juan tungkol sa pagiging maawain.

Ang isa pang malaking problema kina Santiago at Juan ay gusto nilang maging una, maging pinakaimportante. Noong malapit na ang kamatayan ni Jesus, pinapunta nila kay Jesus ang kanilang ina para hilingin: “Sabihin mo na ang aking dalawang anak na ito ay makaupo, ang isa sa iyong kanan at ang isa sa iyong kaliwa, sa iyong kaharian.” Nagalit ang sampung iba pang apostol nang mabalitaan nila ito. Ikaw, magagalit ka rin ba?​

Malamang na oo. Ayaw kasi nating nakikita na ang isang tao ay gustong maging una o pinakaimportante. Nang maglaon, naintindihan nina Santiago at Juan na maling-mali ang mga ginawa nila, kaya nagbago sila. Naging mapagmahal sila at mababait na apostol. Ano ang matututuhan natin dito?​

Dapat na maging mabait din tayo sa isa’t isa tulad ni Jesus. Naging mabait siya sa lahat ng tao, lalaki man, babae, o mga bata. Tatandaan mo ba at tutularan ang halimbawa ni Jesus?​

^ par. 3 Kapag binabasa mo ito sa isang bata, ang gatlang pagkatapos ng tanong ay nagsisilbing paalaala sa iyo na huminto at hintayin ang kaniyang sagot.