Abraham—Isang Taong May Lakas ng Loob
Pinagmamasdan ni Abraham ang kaniyang pamilya at mga lingkod habang naghahanda ang mga ito patungong Canaan. (Genesis 12:1-5) Damang-dama ni Abraham ang kaniyang pananagutang mapaglaanan sila. Paano niya ito gagawin sa isang lugar na bago para sa kaniya? Tiyak na mas madali itong gawin sa Ur, isang maunlad na lugar na may malawak na pastulan, matabang lupa, at saganang suplay ng tubig. Paano kung magkasakit siya o mamatay sa bagong lupain? Sino ang mangangalaga sa kaniyang pamilya? Kung nag-aalala man si Abraham, hindi niya hinahayaang mapanaigan siya nito. Determinado siyang sundin ang utos ng Diyos anuman ang mangyari—isa ngang katibayan ng tunay na lakas ng loob!
ANO ANG LAKAS NG LOOB? Ito ay ang pagiging malakas, matapang, at magiting—kabaligtaran ng mahina ang loob o duwag. Hindi naman ibig sabihin nito na wala tayong kinatatakutan. Sa halip, ang isang taong may lakas ng loob mula sa Diyos ay kumikilos sa kabila ng takot.
PAANO NAGPAKITA NG LAKAS NG LOOB SI ABRAHAM? Hindi takót si Abraham na mapaiba sa karamihan. Lumaki siya sa isang lugar kung saan ang mga tao ay sumasamba sa maraming diyos at idolo. Pero hindi siya natakot sa iisipin ng iba. Ginawa niya ang alam niyang tama, anupat pinili niyang sumamba sa iisang Diyos—ang “Kataas-taasang Diyos,” si Jehova.—Genesis 14:21, 22.
Mas inuna ni Abraham ang kaniyang pagsamba sa tunay na Diyos kaysa sa materyal na mga pakinabang. Handa niyang iwan ang maalwan niyang buhay sa Ur para magtungo sa ilang, anupat nagtitiwalang ilalaan ni Jehova ang kaniyang mga pangangailangan. Siyempre sa paglipas ng mga taon, posibleng sumasagi sa isip ni Abraham ang dati niyang buhay sa Ur. Pero nakatitiyak si Abraham na hindi siya pababayaan ni Jehova pati na ang kaniyang pamilya. Dahil ginawa niyang pinakaimportanteng Persona sa kaniyang buhay si Jehova, nagkaroon ng lakas ng loob si Abraham na sundin ang mga utos ng Diyos.
ANO ANG MATUTUTUHAN NATIN? Matutularan natin si Abraham sa pamamagitan ng paglilinang ng lakas ng loob na sundin si Jehova kahit na hindi ito ginagawa ng mga nakapaligid sa atin. Halimbawa, itinuturo ng Bibliya na ang sinumang maninindigan sa kaniyang paniniwala sa Diyos na Jehova ay maaaring salansangin, marahil ng mga nagmamalasakit na kaibigan o kapamilya pa nga. (Juan 15:20) Pero kung kumbinsido tayo sa natututuhan natin tungkol kay Jehova, ipagtatanggol natin ang ating mga paniniwala nang may paggalang.—1 Pedro 3:15.
Makapagtitiwala rin tayo sa pangako ng Diyos na paglalaanan niya ang mga nananampalataya sa kaniya. Nagbibigay ito sa atin ng lakas ng loob para gawing sentro ng ating buhay ang espirituwal na mga bagay sa halip na ang materyal na mga bagay. (Mateo 6:33) Tingnan kung paano iyan ginawa ng isang pamilya.
Bagaman may dalawang maliliit na anak, nagplanong lumipat sina Doug at Becky sa isang bansang mas malaki ang pangangailangan para sa mga mángangarál ng mabuting balita ng Bibliya. Matapos ang masusing pagsasaliksik at pananalangin, itinuloy nila ang kanilang plano. “Kailangan ang lakas ng loob para ihanda ang mga bata at makalipat dahil hindi talaga kami sigurado sa mangyayari sa amin,” ang sabi ni Doug. “Pero noong pinag-iisipan pa lang namin ito, tinalakay namin ang halimbawa nina Abraham at Sara. Nakatulong talaga sa amin ang pagsasaalang-alang kung paano sila nagtiwala kay Jehova at kung paanong hindi sila binigo ni Jehova.”
Tungkol sa buhay nila sa ibang bansa, sinabi ni Doug: “Sobra-sobra ang mga pagpapala namin.” Ipinaliwanag niya: “Dahil mas simple ang buhay namin, halos buong araw kaming magkakasama bilang isang pamilya—nangangaral, nagkukuwentuhan, at naglalaro. Pakiramdam namin ay malayang-malaya kami, anupat hindi namin ito mailarawan sa mga salita.”
Ang totoo, hindi naman lahat ay puwedeng gumawa ng ganiyan kalaking pagbabago sa kanilang buhay. Pero matutularan nating lahat ang halimbawa ni Abraham sa pamamagitan ng pag-una sa ating pagsamba sa Diyos, anupat nagtitiwalang susuportahan niya tayo. Kapag ginawa natin iyan, sinusunod natin ang payo ng Bibliya na “magkaroon ng lakas ng loob at magsabi: ‘Si Jehova ang aking katulong; hindi ako matatakot.’”—Hebreo 13:5, 6.
[Blurb sa pahina 7]
Ang isang taong may lakas ng loob mula sa Diyos ay kumikilos sa kabila ng takot
[Kahon/Larawan sa pahina 8]
Isang Makadiyos na Babae at Minamahal na Asawa
Si Sara ay asawa ng isang katangi-tanging tapat na lalaki. Pero ang makadiyos na babaing ito ay isa ring napakagandang halimbawa. Sa katunayan, tatlong beses siyang tinukoy ng Bibliya bilang isang halimbawa na dapat tularan ng makadiyos na mga babae. (Isaias 51:1, 2; Hebreo 11:11; 1 Pedro 3:3-6) Bagaman kaunti lang ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kaniya, makikita naman natin dito ang kaniyang magagandang katangian.
Halimbawa, pag-isipan ang reaksiyon ni Sara nang sabihin sa kaniya ni Abraham ang utos ng Diyos na lisanin nila ang Ur. Naitanong kaya niya kung saan sila pupunta at kung bakit? Nag-alala ba siya tungkol sa kanilang materyal na pangangailangan? Nalungkot ba siya dahil iiwan na niya ang kaniyang mga kaibigan at pamilya, anupat hindi niya alam kung magkikita pa silang muli? Tiyak na naisip niya ang mga iyon. Sa kabila niyan, iniwan niya ang Ur at nagtiwalang pagpapalain siya ni Jehova dahil sa kaniyang pagsunod.—Gawa 7:2, 3.
Bukod sa pagiging masunurin sa Diyos, si Sara ay napakahusay na asawa. Sa halip na makipagkompetensiya sa kaniyang asawa sa pagiging ulo ng pamilya, nilinang ni Sara ang paggalang sa kaniyang asawa at lubusan niyang sinuportahan ito habang inaasikaso nito ang kanilang pamilya. Dahil dito, nagayakan niya ang kaniyang sarili ng magagandang katangian.—1 Pedro 3:1-6.
Makatutulong ba sa mga asawang babae ngayon ang gayong mga katangian? “Itinuro sa akin ng halimbawa ni Sara na dapat kong sabihin sa aking asawa ang nasa isip ko,” ang sabi ni Jill na 30 taon nang kasal. “Pero bilang ulo ng pamilya,” ang dagdag niya, “ang aking asawa pa rin ang magdedesisyon. Kapag may desisyon na siya, pananagutan kong suportahan ito.”
Marahil ang pinakamagandang matututuhan natin kay Sara ay ito: Bagaman napakaganda niya, hindi ito naging dahilan para magmalaki siya. (Genesis 12:10-13) Sa halip, nagpakumbaba siya at sinuportahan si Abraham sa hirap at ginhawa. Oo, sina Abraham at Sara ay tapat, mapagpakumbaba, at mapagmahal kaya naging pagpapala sila sa isa’t isa.