Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

PAANO nagkaroon ng tunay na kahulugan ang buhay ng isang babaing minaltrato noong bata pa? Ano ang nagpakilos sa isang marahas na rebelde sa awtoridad para magbago at maging mahinahong ministro ng relihiyon? Basahin ang kanilang kuwento.

“Sabik na Sabik Ako sa Pagmamahal.”​—INNA LEZHNINA

ISINILANG: 1981

BANSANG PINAGMULAN: RUSSIA

MINALTRATO NOONG BATA PA

ANG AKING NAKARAAN: Ako ay isinilang na bingi. Ang aking mga magulang ay pareho ring bingi. Masaya ang unang anim na taon ng aking buhay. Pero nagdiborsiyo ang mga magulang ko. Kahit napakabata ko pa noon, naiintindihan ko na ang ibig sabihin ng diborsiyo. Napakasakit nito para sa akin. Si Itay at ang kuya ko ay nanatili sa Troitsk, samantalang isinama naman ako ni Inay sa Chelyabinsk. Di-nagtagal, nag-asawa ulit si Inay. Alkoholiko ang amain ko, at madalas niya kaming saktan ni Inay.

Noong 1993, nalunod ang mahal kong kuya. Napakalaking dagok nito sa aming pamilya. Dahil dito, nagsimula nang uminom ng alak si Inay at minaltrato na rin niya ako. Nangarap ako ng isang mas magandang buhay. Sabik na sabik ako sa pagmamahal. Hinanap ko ito sa iba’t ibang relihiyon, pero nabigo ako.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Noong 13 anyos ako, kinukuwentuhan ako ng kaklase kong Saksi ni Jehova ng mga istorya mula sa Bibliya. Nagustuhan ko ang mga kuwento tungkol sa mga tauhang gaya nina Noe at Job na naglingkod sa Diyos kahit sa mahihirap na sitwasyon. Di-nagtagal, nakikipag-aral na ako ng Bibliya sa mga Saksi at dumadalo sa kanilang mga pulong.

Dahil sa pag-aaral ko ng Bibliya, nabuksan ang aking isipan sa maraming katotohanan. Naantig ako nang malaman kong may pangalan ang Diyos. (Awit 83:18) Humanga rin ako nang makita kong eksaktong naihula ng Bibliya ang mga mangyayari sa “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5) At tuwang-tuwa akong malaman na bubuhayin palang muli ang mga patay. Isipin mo, makikita kong muli si Kuya!​—Juan 5:28, 29.

Pero hindi lahat ay natutuwa sa bago kong paniniwala. Ayaw ni Inay at ng aking amain sa mga Saksi ni Jehova. Sinikap nilang patigilin ako sa pag-aaral ko ng Bibliya. Pero gustung-gusto ko ang mga natututuhan ko, at determinado akong magpatuloy.

Mahirap tiisin ang pang-uusig ng aking pamilya. Isa pang matinding dagok ang dumating nang malunod din ang nakababata kong kapatid na lalaki na nakakasama ko sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Pero hindi ako pinabayaan ng mga Saksi. Sa kanila ko natagpuan ang pagmamahal na matagal ko nang hinahanap. Alam kong ito ang tunay na relihiyon. Noong 1996, nabautismuhan ako bilang isang Saksi ni Jehova.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Anim na taon na kaming kasal ni Dmitry. Magkasama kaming naglilingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa St. Petersburg. Nang maglaon, nagbago rin ang saloobin ng mga magulang ko sa aking mga paniniwala.

Talagang nagpapasalamat akong nakilala ko si Jehova! Dahil sa paglilingkod sa kaniya, nagkaroon ng tunay na kahulugan ang buhay ko.

“Maraming Tanong na Gumugulo sa Aking Isipan.”​—RAUDEL RODRÍGUEZ RODRÍGUEZ

ISINILANG: 1959

BANSANG PINAGMULAN: CUBA

DATING REBELDE SA AWTORIDAD

ANG AKING NAKARAAN: Isinilang ako sa Havana, Cuba, at lumaki sa isang mahirap na lugar na karaniwan nang may basag-ulo. Nang maglaon, nagkainteres ako sa judo at sa iba pang combat sports.

Magaling akong estudyante kaya pinag-aral ako ng aking mga magulang sa isang unibersidad. Noon ko nadamang kailangang baguhin ang pulitikal na sistema sa aming bansa. Kaya nagsimula akong magrebelde sa awtoridad. Pinagtulungan namin ng kaklase ko ang isang pulis para agawan ito ng baril. Dahil doon, nagtamo ng malubhang pinsala sa ulo ang pulis. Nabilanggo kaming magkaklase at nasentensiyahan ng kamatayan sa pamamagitan ng firing squad. Sa edad na 20, magwawakas na ang buhay ko!

Habang nag-iisa sa aking selda, pinapraktis ko na ang gagawin ko sa firing squad. Ayokong magpakita ng takot. Kasabay nito, maraming tanong na gumugulo sa aking isipan: ‘Bakit napakaraming kawalang-katarungan sa daigdig? Ganito na lang ba talaga ang buhay?’

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Ang aming sentensiya ay ginawa na lang 30-taóng pagkabilanggo. Noon ko nakilala ang ilang Saksi ni Jehova, na ibinilanggo dahil sa kanilang relihiyosong mga paniniwala. Humanga ako sa mga Saksi, malalakas ang loob nila pero mapapayapa sila. Bagaman ibinilanggo nang di-makatarungan, hindi sila nagalit o naghinanakit.

Itinuro sa akin ng mga Saksi na may layunin ang Diyos para sa mga tao. Ipinakita nila sa akin mula sa Bibliya na gagawin ng Diyos na paraiso ang lupa, anupat mawawala na ang krimen at kawalang-katarungan. Itinuro din nila sa akin na ang lupa ay tatahanan ng mabubuting tao, na magkakaroon ng pagkakataong mabuhay magpakailanman sa perpektong mga kalagayan.​—Awit 37:29.

Tuwang-tuwa ako sa mga natututuhan ko sa mga Saksi, pero ibang-iba ang personalidad ko sa kanila. Parang imposible para sa akin na maging neutral sa pulitika o iharap sa kaaway ang isa ko pang pisngi. Kaya ipinasiya kong basahing mag-isa ang Bibliya. Nang matapos ko ito, napag-isip-isip kong ang mga Saksi ni Jehova lang ang katulad ng mga unang Kristiyano.

Sa pag-aaral ng Bibliya, nalaman kong kailangan kong gumawa ng malalaking pagbabago sa aking buhay. Halimbawa, kailangan kong baguhin ang aking pananalita dahil palamura ako. Kailangan ko ring itigil ang paninigarilyo. At dapat akong maging neutral sa pulitikal na mga isyu. Hindi naging madali ang mga ito para sa akin, pero sa tulong ni Jehova, unti-unti akong nagtagumpay.

Ang isa sa pinakamahirap gawin ay kontrolin ang aking galit. Lagi ko pa rin itong ipinananalangin. Malaki ang naitulong sa akin ng mga talata sa Bibliya gaya ng Kawikaan 16:32, na nagsasabi: “Siyang mabagal sa pagkagalit ay mas mabuti kaysa sa makapangyarihang lalaki, at siyang sumusupil sa kaniyang espiritu kaysa sa bumibihag ng lunsod.”

Noong 1991, nabautismuhan ako bilang isang Saksi ni Jehova habang nakabilanggo pa. Inilubog ako sa isang bariles ng tubig. Noong sumunod na taon, ako at ang ilan pang preso ay pinalaya at ipinadala sa Espanya dahil may mga kamag-anak kami roon. Pagdating sa Espanya, dumalo ako agad sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Tinanggap ako ng mga Saksi roon na para bang matagal na nila akong kakilala, at tinulungan nila akong magbagong-buhay.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Maligaya akong naglilingkod sa Diyos kasama ang aking asawa at mga anak. Pribilehiyo kong gugulin ang malaking panahon ko sa pagtuturo ng Bibliya sa iba. Minsan ay naaalaala ko pa rin na muntik na akong mamatay nang maaga, at nagpapasalamat ako sa magagandang nangyari sa akin mula noon. Bukod sa buháy ako ngayon, may pag-asa rin ako. Nananabik akong mabuhay sa ipinangakong Paraiso​—kung saan mananaig ang katarungan at “hindi na magkakaroon ng kamatayan.”​—Apocalipsis 21:3, 4.

[Blurb sa pahina 19]

“Naantig ako nang malaman kong may pangalan ang Diyos”

[Larawan sa pahina 20]

Nag-eenjoy kaming mag-asawa na ibahagi sa mga bingi ang mga publikasyon sa wikang pasenyas