Ang Buhay Noong Panahon ng Bibliya—Mga Manunugtog at ang Kanilang mga Instrumento
“Purihin ninyo [ang Diyos] ng paghihip ng tambuli. Purihin ninyo siya ng panugtog na de-kuwerdas at ng alpa. Purihin ninyo siya ng tamburin at ng paikut-ikot na sayaw. Purihin ninyo siya ng mga de-kuwerdas at ng pipa. Purihin ninyo siya ng mga simbalo na may malamyos na tunog. Purihin ninyo siya ng mga tumataguntong na simbalo.”—AWIT 150:3-5.
NOON pa man, napakahalaga na ng musika sa pagsamba sa Diyos na Jehova. Halimbawa, nang makahimalang iligtas ni Jehova ang mga Israelita sa Dagat na Pula, pinangunahan ng kapatid ni Moises na si Miriam ang mga babae sa pag-awit at pagsayaw para sa tagumpay. Pinatutunog ng mga babae ang kanilang mga tamburin habang sumasayaw. Ipinakikita nito na napakahalaga sa mga Israelita ang musika—kahit katatakas lang nila sa hukbo ng mga Ehipsiyo, bitbit pa rin nila ang kanilang mga panugtog at laging nakahandang tumugtog. (Exodo 15:20) Nang maglaon, libu-libong manunugtog ang inorganisa ni Haring David para tumugtog ng mga instrumento bilang bahagi ng pagsamba sa tabernakulo. Ang kaayusang ito ay nagpatuloy sa templong itinayo ng kaniyang anak na si Solomon.—1 Cronica 23:5.
Anong materyales ang ginamit sa mga instrumentong iyon? Ano ang hitsura ng mga iyon? Anong tunog ang nalilikha ng mga iyon? At kailan ginamit ang mga iyon?
Ang Iba’t Ibang Panugtog
Ang mga instrumentong inilalarawan sa Bibliya ay gawa sa magandang klase ng kahoy, binanat na balat ng hayop, metal, sungay, at buto.
Ang ilan ay dinekorasyunan ng garing. Ang mga kuwerdas ay yari sa hibla ng halaman o bituka ng hayop. Bagaman halos wala na ngayong makikitang sinaunang mga instrumento, mayroon pa rin namang natitirang larawan ng mga ito.Ang mga instrumentong ginamit noong panahon ng Bibliya ay maaaring hatiin sa tatlong kategorya: mga panugtog na de-kuwerdas, gaya ng alpa, lira (1), at laud (2); mga panugtog na hinihipan, gaya ng tambuli, o shofar (3), trumpeta (4), at plawta, o pipa (5); mga panugtog na pinupukpok o pinag-uumpog, gaya ng tamburin (6), sistro (7), simbalo (8), at kuliling (9). Tinutugtog ng mga manunugtog ang mga instrumentong ito para saliwan ang mga tula, masisiglang pagsayaw, at pag-awit. (1 Samuel 18:6, 7) Ang pinakamahalaga, ginamit nila ang mga ito sa pagsamba sa Diyos na nagkaloob sa kanila ng musika. (1 Cronica 15:16) Isa-isahin natin ang mga kategoryang ito.
Mga Panugtog na De-kuwerdas Ang alpa at lira ay magaan, madaling bitbitin, at may banát na mga kuwerdas na nakakabit sa balangkas na kahoy. Tinugtog ni David ang isang panugtog na de-kuwerdas para paginhawahin ang kalooban ni Haring Saul. (1 Samuel 16:23) Ang mga instrumentong ito ay ginamit sa orkestra sa pag-aalay ng templo ni Solomon at sa iba pang masasayang okasyon, gaya ng mga kapistahan.—2 Cronica 5:12; 9:11.
Ang laud ay kahawig ng alpa, pero karaniwan nang iba ang hugis nito. Kadalasan nang iilan lamang ang kuwerdas nito na nakakabit sa isang balangkas na may sounding board. Ang tunog nito ay maaaring katulad ng malamyos na tunog ng mga gitara sa ngayon. Ang mga kuwerdas ay yari sa pinilipit na mga hibla ng gulay o bituka ng hayop.
Mga Panugtog na Hinihipan Ang mga instrumentong ito ay madalas banggitin sa Bibliya. Ang isa sa pinakasinauna rito ay ang tambuli ng mga Judio, o ang shofar. Ang sungay na ito ng barakong tupa ay lumilikha ng malagong na tunog. Ginamit ng mga Israelita ang shofar upang tipunin ang mga sundalo para sa digmaan at upang gabayan ang bansa sa dapat nilang gawin.—Hukom 3:27; 7:22.
Ang isa pang uri ng panugtog na hinihipan ay ang trumpetang yari sa metal. Ipinahihiwatig sa isang dokumentong kasama sa Dead Sea Scrolls na ang mga manunugtog ay nakalilikha ng iba’t ibang tunog gamit ang instrumentong ito. Inutusan ni Jehova si Moises na gumawa ng dalawang trumpetang pilak para Bilang 10:2-7) Nang maglaon, sa inagurasyon ng templo ni Solomon, narinig din ang malakas na tunog ng 120 trumpeta. (2 Cronica 5:12, 13) Iba-iba ang haba ng ginagawang trumpeta noon. Ang ilan ay mga tatlong piye mula sa ihipán hanggang sa hugis-kampanilyang dulo nito.
gamitin sa tabernakulo. (Sa mga panugtog na hinihipan, ang plawta ang paborito ng mga Israelita. Ang masaya at malamyos na tunog nito ay nakapagpapasigla sa mga dumadalo ng pagtitipon ng pamilya, kapistahan, at kasalan. (1 Hari 1:40; Isaias 30:29) Tinutugtog din ito kapag may patay bilang bahagi ng ritwal sa pagdadalamhati (tingnan ang pahina 14).—Mateo 9:23.
Mga Panugtog na Pinupukpok o Pinag-uumpog Kapag nagsasaya ang mga Israelita, gumagamit sila ng iba’t ibang uri ng panugtog na ito. Ang tunog nito ay nakapagpapatindi sa emosyon ng mga tao. Ang tamburin, na yari sa balat ng hayop na binanat para ikabit sa pabilog na balangkas na kahoy, ay lumilikha ng tunog na gaya ng sa tambol kapag pinupukpok ng kamay ng manunugtog o mananayaw. Kapag inaalog naman ng manunugtog ang balangkas, kumakalansing ang nakalawit na mga kuliling nito.
Ang isa pang uri ng ganitong panugtog ay ang sistro. Ito ay may biluhabang metal na balangkas at may hawakan. Mayroon din itong metal na mga baras na nakakabit nang pahalang. Kapag inaalog nang mabilis, lumilikha ito ng matinis at kumakalansing na tunog.
Mas mataginting ang tunog ng mga bronseng simbalo. Dalawa ang sukat ng mga ito. Ang malalaking simbalo ay pinag-uumpog nang malakas. Ang maliliit na simbalo naman ay pinag-uumpog lang ng dalawang daliri. Parehong tumataguntong ang tunog ng mga ito bagaman magkaiba ang lakas.—Awit 150:5.
Pagtulad sa Halimbawa
Sa ngayon, sinisimulan at tinatapos ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga pulong para sa pagsamba sa pamamagitan ng musika at pag-awit. Sa mas malalaki nilang pagtitipon, ang pinatutugtog na nakarekord na musika ng mga orkestra ay ginamitan ng modernong mga panugtog na de-kuwerdas, hinihipan, at pinupukpok o pinag-uumpog.
Sa pag-awit at paggamit ng musika sa kanilang pagsamba, tinutularan ng mga Saksi ang halimbawa ng mga sinaunang Israelita at ng unang-siglong mga Kristiyano. (Efeso 5:19) Tulad ng mga lingkod ng Diyos noong panahon ng Bibliya, nasisiyahan din ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon na pagsamahin ang awit at musika para purihin si Jehova.
[Mga larawan sa pahina 23]
(Hindi aktuwal na sukat ng mga instrumento)
(Tingnan ang publikasyon)